
“It’s more fun in the Philippines!”
May pumupuri at may mga negatibong reaksyon sa nabanggit na bagong advertisement para sa pagpapalawig ng turismo sa bansang Pilipinas.
Kung ako’y tatanungin…yan na rin ang isasagot ko sa magtatanong. Tunay na mas masaya sa Pilipinas. Palagi ko naman iyang nasasabi sa aking mga nakakausap sa aking lugar ngayon at sa aking matagal na paninirahan sa ating bansa. At hindi maikakaila para sa akin ay ang magagandang pag-uugali ng mga masayahing Filipino ang tunay na nagpapasaya na kasamang nakikita sa mga magagandang lugar na puntahan sa Pilipinas.
Bilang isang Pinoy ay inaaamin ko na marami rin ang mga negatibong kuwento, komento at nangyayari sa ating bansa. At nakikita ko rin ang mga pagkukulang kung turismo ang pag-uusapan. Ngunit hindi dapat masira ang napakaraming magagandang katangian at makikita sa Pilipinas ng mga pasulpot-sulpot na mga negatibong pangyayari sa ating bansa. Umaasa ako na balang araw ay magiging maayos din ang mga negatibong nakikita sa Pilipinas.
Marami na rin akong napuntahang iba’t-ibang lugar at masasabi ko na iba’t-iba rin ang mga ekspiriensya sa mga bansa na iyon. Bilang Pinoy ay tunay na namamangha ako palagi sa mga magagandang lugar na aking napuntahan sa ibang bansa katulad ng iba’t-ibang lugar sa Amerika, Vienna(Austria), Hong Kong(Asia), at Macau(Asia). Kaya para sa akin ay parang masasarap na pagkain ang mga lugar na ito at ibang luto ang Pilipinas.
Para sa akin ay napakaraming lugar sa Pilipinas na kapuri-puri lalo na sa mga probinsya. Sana lamang ay hindi maging pangkalahatan ang mga negatibong komento na nangyayari at nakikita sa Metro-Manila at ibang lugar.
Personal na nakita ko ang pagkagalak sa Pilipinas ng apat naming bisita na mga Singaporeans noong nakaraang Disyempre 2010(unang bakasyon ko sa Pinas). Masasabing wala sa kalingkingan ng bansang Singapore ang Pilipinas kung pag-uusapan ang turismo pero sa ilang araw nilang itinigil sa Metro-Manila ay halos wala akong narinig na reklamo sa kanilang pamamasyal bilang turista at nagsabi pang muli silang babalik.
Nagsasarili lamang sila sa kanilang pamamasyal sa Metro-Manila. Nakakarating sila sa Makati at Ortigas sa pamamagitan ng MRT. Minsan ko lamang silang nakasama noong ipasyal ko sila sa Fort Santiago at Luneta. Namangha sila sa mga kuwento at pangyayari sa nakita nila sa Fort Santiago lalo na ang kuwento ng kabayanihan ni Jose Rizal. Lubos nilang nagustuhan ang pagkain ng mga street foods na nakita nila sa pamamasyal sa Luneta katulad ng balot, hilaw na mangga na may bagoong, fish balls, at inihaw na pusit. Tuwang-tuwa rin sila sa nakita nilang masasayang Filipino na namamasyal sa Luneta sa harap ng Grandstand(na alam nilang doon naganap ang isang hindi magandang pangyayari). At siyempre hindi rin nila makakalimutan ang iba’t-ibang Filipino restaurant na tunay naman nilang nagustuhan ang mga luto sa kabila nang murang halaga.
Pauna pa lamang ito kung bakit nga ba mas-masaya sa Pilipinas(may susunod pang akda). Pag-uusapan din natin sa susunod ang kasagutan sa isang tanong na kung bakit ba masayahin ang mga Pinoy sa Pilipinas na para sa akin ay siya rin ang kinagigiliwan ng mga turista.
Sana lamang bilang isang Filipino ay mas maraming tayong masabing maganda sa ating bansa kaysa sa mga negatibo.
At sana rin ay maging kaisa tayo sa ikagaganda at ikakaunlad ng Pilipinas…ang ating bansang sinilangan…’in our own little way’.
- – - – - – - – - – - – - -
“Travel and change of place impart new vigor to the mind. ” ~Seneca