Si Lily

2 Comments

Si Lily(di niya tunay na pangalan) ay kaibigan ng aking anak dito sa Amerika. Kararating lang niya noong 2010 mula sa Pilipinas at kasama siya ng anak ko sa trabaho.

Nag-aaral pa sa kolehiyo si Lily ngunit tumigil muna siya ngayon semestre na ito.

Maaliwalas ang mukha ni Lily at palaging nakangiti. Hindi mababanaag kay Lily ang kanyang pinagdaanan, pinagdadaanan,  at mga kakulangan ngayon sa buhay.

Mula sa konti at maiikling tanong ay naintindihan ko ang buhay niyang pinagdaanan. Sa pag-uusap namin ay iniwasan ko ang mga tanong na pakiramdam ko ay wala akong karapatan na ungkatin at malaman. Pinabayaan ko lamang siyang sumagot at magkuwento sa gusto niya.

-Lumaki siya at kanyang mga kapatid sa kanilang Lolo at Lola…sa Pangasinan. Naikuwento niya kung paano nila pinilit na matutunan ang salita doon sa lugar na iyon.

-Noong magha-hayskul na siya ay lumipat sa siya at mga kapatid sa Cavite. At nai-kuwento niya na bago siya umalis sa Pilipinas ay namasukan siya sa Greenwich bilang isang working-student.

Biniro ko si Lily noong nabanggit niya na taga-Cavite rin pala siya…aba matapang ang mga taga-Cavite. Ang sagot niya sa akin ay di rin daw at madalas ay iyakin rin(marahil may kanalaman ito sa kanyang pamilya).

-Nakarating silang magkakapatid sa Amerika dahil sa petition ng kanyang Ama, na may pamilya ng iba dito sa Amerika. Hindi ko na itinanong ang mga detalye at pumasok na lang sa aking isipan na mabuti at inasikaso ng kanyang ama ang kanilang papeles upang makarating siya at mga kapatid sa Amerika sa kabila na may pamilya ng iba ang kanyang Ama.

- Ang Ina naman ni Lily(at mga kapatid niya) ay nasa Dubai. At malamang matagal na rin siya sa ibang lugar bilang OFW dahil sa kuwento niya na nakatira sila sa kanilang Lolo at Lola noong bata pa.

- At sa ngayon ay naalalayan siya at ng kanyang mga kapatid ng kanilang Tiya dito sa Amerika.

Mga nabanggit rin ni Lily…

“Hindi niya akalain na makakarating sa Amerika siya at kanyang mga kapatid.”

“Naaawa siya sa kanyang Ina dahil magkakahiwalay sila at ganun na lamang ang pag-iisip at pag-aalala sa kanilang mga magkakapatid dito sa Amerika.” Habang ang bunsong kapatid sa ngayon ay nasa Pilipinas upang ipagpatuloy ang kolehiyo doon.

“Sa susunod na lang na semestre po ako papasok at ipagpapatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.”

“Matatangkad ang mga kapatid ko sa bagong pamilya ng kanyang Ama.”

Mga naisip ko….

Palagay ko matibay na si Lily sa buhay dahil sa pinagdaanan at mga pagsubok ng kanyang pamilya.

Palagay ko tunay na nagabayan at naalagaan siya at kanyang mga kapatid ng kanilang Lolo at Lola. Dahil sa magandang pag-uugali at panuntuyan sa buhay sa kabila na wala sa piling nila ang mga gagabay na magulang.

Palagay ko at dalangin ko ay mararating ni Lily ang kanyang pangarap dahil sa kabila ng pagtatrabaho niya at hindi niya kinalilimutan ang makatapos sa pag-aaral.

Palagay ko ay makakasama niya pagdating ng panahon ang kanyang Ina dito sa Amerika. Dahil nabanggit niya na hihintayin niyang maging US Citizen siya at sa panahon na ito ay ipe-petition niya ang kanyang Ina. Malapit na rin iyon…mga dalawang taon na lamang iyon.

Palagay ko ay magaan na kay Lily ang  relasyon niya sa Ama dahil naikukuwento niya ang kalagayan ng kanyang mga bagong kapatid sa bagong pamilya ng Ama.

….

Maraming mga pangyayari at marami dito ay di na maibabalik at mababago ngunit sa kabila nito ay may mga umuusbong muling mga panibagong buhay, magagandang pangarap, pag-asa, at hindi magmamaliw na pagmamahal ng Anak sa Magulang…ng Magulang sa Anak.

–0–

When things go wrong as they sometimes will,
When the road you’re trudging seems all uphill,
When the funds are low and the debts are high,
And you want to smile but you have to sigh,
When care is pressing you down a bit
Rest if you must, but don’t you quit.
Success is failure turned inside out,
The silver tint on the clouds of doubt,
And you can never tell how close you are,
It may be near when it seems afar.
So, stick to the fight when you’re hardest hit
It’s when things go wrong that you mustn’t quit.
-Author Unknown

Train Train Go Away

10 Comments

Naalala ko ang unang tula sa english na aking natutunan noong bata pa ako sa aming probinsya. Tunay namang palaging umuulan sa amin dahil andun ang aming bayan sa paanan ng bundok Banahaw. Kaya para sa katulad kong isang bata noon na nag-aasam na makapaglaro palagi sa labas ng bahay at makasama ang mga kababatang kalaro ay ito ang nasasambit habang nakasilip sa bintana ng bahay.

Rain Rain Go Away

Come Again Another Day

Pero hindi ulan ang ating pag-uusapan…ito ay Train. Wala kasi akong tula na maalala tungkol sa Train kaya ayun hiniram ko na lang sa Rain Rain Go Away…kaya naging Train Train Go Away.

Tunay naman na parang laging nagmamabilis ang isang Train kaya siguro may sarili siyang daraanan na para sa kanya lamang. Kaya bagay pa rin ang Train Train Go Away…Come Again Another Day. Tunay na kapag nalampasan ka ng Train ay maghihintay kang muli sa kanyang pagdating.

Ang mga sumusunod na mga litrato ay ang mga aking namamasid kapag araw ng aking pagtakbo, bilang ehersisyo, sa umaga. Kaya ayun naalala ko ang Train at kanyang daanan na bakal na may kahoy at malilit na bato.

Old train(1900) never dies, they just fade away…

Old train warning post(1900).

Come Again Another Day…

“And there is the headlight, shining far down the track, glinting off the steel rails that, like all parallel lines, will meet in infinity, which is after all where this train is going.”
–Bruce Catton

Mga Puno, Dahon, at Bulaklak

9 Comments

Bughaw na Langit

Puno at mga Sanga

Bagong Dahon

Pula at Puti

Bago at Luma

Kulimlim

Pula, Puti, at Berde

Pink

Purple

Puti, Pula, at Berde

 

 

“It was in the spring that Josephine and I had first loved each other, or, at least, had first come into the full knowledge that we loved. I think that we must have loved each other all our lives, and that each succeeding spring was a word in the revelation of that love, not to be understood until, in the fullness of time, the whole sentence was written out in that most beautiful of all beautiful springs.” 
― L.M. Montgomery, Further Chronicles of Avonlea

Airport

6 Comments

Para sa akin ay palagi na lamang may dalawang mukha ang mga airport. Puwedeng masaya at malungkot ang puwedeng makita sa mga tao na doon ay pumupunta.

Nasaksihan ko ito mula sa mga taong hindi ko naman talagang kakilala pero nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala at marinig sandali ang kanilang mga kuwento habang ako ay nasa manubela bilang naatasan na magsundo at maghatid na rin sa kanila pagkatapos ng kanilang bakasyon sa kanilang mga mahal sa buhay dito malapit sa San Francisco, California.

Tawagin na lang natin si  Pete at Jing(hindi nila tunay na pangalan), mag-asawa silang Pinoy,  ang aking mga sinundo.  Magbabakasyon lamang sila dito sa California nang dalawang linggo.

Masaya ang aking nakita sa kanilang pagdating dahil unang pagbisita ito ni Pete sa Amerika na kung saan dito na nakatira ang kanyang ama at ina.  Si Jing naman ay siyempre masayang-masaya rin dahil maiiipasyal niya ang kanyang asawa at dahil unang pagkakataon din ito na magkasama sila sa Amerika.

Habang nasa daan kami mula sa Airport papunta sa tahanan ng kanyang Ama at Ina ay tunay naman ang pagka-excited ni  Pete at siyempre ninanamnam niya ang kanyang mga nakikita dahil tunay na nasa Amerika na siya. At tunay nga na masarap ang klima kumpara sa mainit na panahon sa Pilipinas ngayon.

Lalong masasayang ngiti at mahihigpit na yakap sa pagkikita ng mag-asawang Pete at Jing para sa kanilang mga otsenta anyos na mga magulang. At sa sandaling ito ay nagpaalam na ako at sinabing babalik na lamang ako sa paghahatid sa kanila muli papunta sa Airport.

Natapos na ang dalawang linggo.

Kakaiba na ang aking mga nakita sa noong sinusundo ko na si Pete para ihatid na siya sa Airport para bumalik na sa Pilipinas. Wala na yata ang mga ngiti. Namumugto na ang mga mata ng lahat. Lalo na ang kanyang mga magulang na ramdam ko ang mga kalungkutan. Kakaibang yakap at halik ang iginawad ni Pete para sa kanyang mga magulang.

Habang nasa daan na kami papuntang Airport ay kakaibang lungkot naman ang aking naramdaman para sa mag-asawang Pete at Jing. Si Pete lang ang uuwi pabalik sa Pilipinas dahil si Jing ay maiiwan dahil dito siya nagtatrabaho sa Amerika. At  nasambit na lang ni Jing na parang binibiyak ang kanyang puso sa mga sandaling iyon dahil sa kalungkutan na matatagalan muli ang kanilang pagkikita.

Isa lang ang aking nasabi kay Jing.

“Mabuti ka pa Jing kasi noong nagpaalaman kami ng misis ko noong nasa hospital siya(walong taon na ang nakaraan) ay alam kong hindi na kami magkikita at magkakausap na muli.”

 

Mabuti pa sa Airport may pag-asa pang muling magkita at magkausap.

Sa Airport ay may pag-asang dumating muli ang umaalis.

Sa Airport ay may pag-asa pang muling gawing masaya ang kalungkutan.

Bukas ng umaga ay si Jing naman ang aking ihahatid sa domestic airport upang tumungo na sa kanyang lugar na pagtatrabahuhan dito sa Amerika.

-o-

“To leave, after all, was not the same as being left.” 
― Anita Shreve, The Pilot’s Wife

-o-

“Every time we make the decision to love someone, we open ourselves to great suffering, because those we most love cause us not only great joy but also great pain. The greatest pain comes from leaving. When the child leaves home, when the husband or wife leaves for a long period of time or for good, when the beloved friend departs to another country or dies … the pain of the leaving can tear us apart. 
Still, if we want to avoid the suffering of leaving, we will never experience the joy of loving. And love is stronger than fear, life stronger than death, hope stronger than despair. We have to trust that the risk of loving is always worth taking.” 
― Henri J.M. Nouwen

Besame Mucho

9 Comments

Muli akong bumisita sa isang Senior’s Home na kung saan ako boluntaryong tumutugtog ng piyano sa grupo ng mga matatandang may mga sakit na alzheimer’s. Maikling paliwanag sa sakit na alzheimer’s (dito). Halos ang mga idad ng mga matatanda dito ay hindi bababa sa 75 na taong gulang. Mas marami ang mga Lola kaysa mga Lolo. Napansin ko na walang Filipino sa mga matatanda doon. Ngunit karamihan naman sa mga nagta-trabaho at nag-aalaga doon ay mga Filipino.

Ninais kong bumalik sa lugar na ito upang muling mag-alay ng musika at bisitahin din ang mga Lola at Lolo na dito ay nakatira.

Noong una ay hindi ako pinapansin ng mga Lola at Lolo habang ako nag-umpisa ng tumugtog. Nakaupo lamang sila sa mga upuan at ang ilan ay sa kanilang wheelchair. May bilang na mga 20 ang nagkaroon ng panahon upang makinig sa aking pagtugtog. May kahirapan upang makuha ang atensyon ng mga may sakit na alzheimer’s dahil madalas ay may kaabalahan sila sa isipan nila na palaging uuwi at hinihintay ang mga susundo sa kanila…pero doon sila naman talaga nakatira.

Ang tinutugtog ko na mga piyesa ay mga lumang tugtugin. Mga tugtugin na sumikat noong taong 1940s hanggang 1960s. Pinipili kong mabuti ang aking mga piyesa upang kahit papaano ay maaabot ng memorya ng mga Lola at Lolo ang mga ito,

Nabasa ko na ang mga may sakit na alzheimer’s ay napapanatili ang memorya na may kinalaman sa mga musika na kanilang narinig sa kanilang buhay. Kaya nakakasabay sila sa mga tugtog na mga pamilyar sa kanila.

At noong tinugtog ko na ang ‘Besame Mucho‘ sa tiyempo ng cha-cha ay biglang nagsayaw ang isang Lolo at isang Lola…pinagsayaw sila ng kanilang mga caregiver. Noong una ay napansin ko ang Lolo na ito na may kakulitan at paikot-ikot lang sa lugar. Pero dahil isinayaw siya ng isang Lola ay nagkasundo sila sa tiyempo ng cha-cha. Maliliit na lamang ang kanilang mga hakbang ngunit dama ko ang kaligayahan sa kanilang mga mukha sa mga sandali na iyon. Napilitan akong ulit-ulitin ang ‘Besame Mucho’ na palagay ko ay umabot sa kinse minutos dahil ayokong tumigil hanggat sumasayaw sila. Nais kong madama nila ang lubos na kaligayahan sa kanilang pagsayaw. Napansin ko na ang ibang mga Lola na nakikinig ay sumasabay sa tiyempo sa pamamagitan ng pagtapik sa ibabaw ng mesa ng kanilang mga kamay. At iyong isang Lolo ay tahimik na doon umistambay sa aking gilid upang makinig.

Pagkatapos ng ‘Besame Mucho’ ay itinanong na nang mga Lola ang aking pangalan. Aha ayun at ito na ang senyales na nakuha ko na ang atensyon at napaligaya ko na ang mga Lola at Lolo sa aking pagtugtog. Itinuloy ko pa ang aking pagtugtog ng ibang miindak na piyesa. Halos inabot ako ng dalawang oras sa pagtugtog.

At sa aking paglisan sa lugar ay napansin ko ang kaligayahan sa kanilang mga mukha na parang ayaw nila akong paalisin o nagtatanong na kung kailan muli ako babalik.

Promise sa pagbabalik ko sa susunod na Biyernes ay siguradong tutugtugin kong muli ang piyesa na ‘Besame Mucho’.

Ang hindi alam ng mga Lola at Lolo ay nag-Besame Mucho din sa kaligayahan ang aking puso dahil nakita ko silang nakangiti at masaya sa mga sandaling nakapiling ko sila sa kabila ng kanilang mga karamdaman.

 

Pasyal sa Tahoe

2 Comments

Dahil ang California ay hindi naman binibisita ng malalakas na pag-ulan ng yelo. May ilang matataas na lugar sa California ang kapag talagang panahon na nang taglamig ang inuulan ng yelo at nanatili ito ng matagal sa kanilang lugar dahil napakalamig sa lugar na iyon at dahil na rin ang mataas na lokasyon nito. At isa na nga dito ang Tahoe sa California at Nevada. Dalawang State ang nakakasakop sa Tahoe dahil ang lugar na ito ay nasa pag-itan nito. Kaya iyong sikat na Lake Tahoe sa lugar na ito ay pag-aari ng California at Nevada.

Maikukumpara ko ang lugar ng Tahoe sa ating Baguio City sa Pilipinas. Isang pasyalan ang mga ito dahil sa kanilang malamig na klima. Ang elevation ng Baguio City ay 3,000 feet above sea level at ang Tahoe ay 7,000 feet  naman. Ang pagkakaiba nga lang ay may yelo sa Tahoe. At sikat ang Tahoe sa skiing kapag panahon na nang tag-yelo. Parehong lang naman kung pag-uusapan ang kagustuhan ng mga dumadayo sa lugar na ito na upang makatakas sa maiinit na klima sa kanilang pinanggagalingan.

Mula sa aming lugar ay tatlong oras din ang biyahe upang makarating sa Tahoe.

Inaasahan na uulan na daw ng yelo sa susunod na Linggo. Sa isang banda ay tama na sa akin ang ganitong klima dahil tunay namang malamig na ito sa isang Pinoy. Pero sabi nila ay masarap daw talaga makakita ng pag-ulan ng yelo.

Ang yelo sa lugar na ito sa ngayon ay man-made pa lamang dahil hindi pa masyadong umuulang ng malakas na yelo. Napapanatili lamang ang mga ito dahil sa malamig na klima sa lugar na ito.

Naalala ko rin ang Baguio City sa aming tinuluyan. Naalala ko ang Teacher’s Camp sa Baguio City sa Pilipinas.

May mga cable car rides upang makarating sa mga lugar na pwedeng mag-skiing.

Mga hotel na sikat naman upang makapaglaro sa kanilang mga casino.

May skating rink sa labas ng isang Mall.

Konting pasyal.

Konting yelo.

Konting lamig.

Uwian na. Kaylan kaya muli makakabalik?

- – - – - – - – - – -

The World is a book, and those who do not travel read only a page.–Saint Augustine

 

MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!!!!

Tatlong Araw

2 Comments

Ang Unang Araw.

Araw ng ‘Halloween’ (October 31, 2011). Kapag sumasapit ang gabi sa araw na ito ang mga bata ay nagsusuot ng iba’t-ibang costume at nagpupunta sa mga bahay-bahay at nagsasabi ng ‘trick or treat’ pero kadalasan ay nagbibigay na lamang ng mga tsokolate at candies ang mga may ari ng bahay.

Pangalawang Araw

Ang araw ng Pasasalamat(Thanksgiving Day – November 24, 2011). Madalas nga daw ay sinasabi ang araw na ito na ‘Turkey Day’ din kasi halos lahat ng mga magsasalo-salo sa tanghalian at hapunan na pamilya ay may inihahaing lutong turkey.

Ganito ang klima kadalasan sa araw ng Pasasalamat sa aming lugar.

May red wine, turkey, at ham ang handa sa bawat tahanan.

Ang Ikatlong Araw

Ang araw ng pag-iilaw ng Christmas Tree sa San Francisco City(November 25, 2011).

Ito ang tatlong araw na nagpapahiwatig na papalapit na ang Araw ng Pasko.

—-0—-

“Living is like tearing through a museum. Not until later do you really start absorbing what you saw, thinking about it, looking it up in a book, and remembering – because you can’t take it in all at once.”
–Audrey Hepburn

Ang Kalye ng Powell

18 Comments

Ang aking kuwento at mga litrato ay nagmula sa isang kahilingan ng isang kaibigang nagngangalang Taribong.

Dahil madalas akong namamasyal sa San Francisco City, California ay nahiling ni Taribong na kung maaari ay maipakita ko naman daw ang lugar na Powell Street sa siyudad na ito.

Dito daw kasi nagsimula at ipinangalan ang isang librong naisulat patungkol sa mga beteranong Filipino na sa kanilang katandaan ay nakipagsapalaran sa panibagong buhay sa Amerika upang makamit man lang ang mga ipinangakong mga benipisyo bago man lang sila bawian ng buhay. Mga benipisyong pangarap nilang maipamahagi sana sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.

Ang pinaikling kuwento ng libro ay mababasa dito.

Ilang araw din akong nagawi sa lugar ng Powell noong isang linggo pero hindi ko na napansin ang mga beterano ng Powell. Wala na rin ang mga tabi-tabing mesa na kadalasan ay may mga chessboards at may mga Pinoy na naglalaro ng chess. Dati ko na rin napapansin noong araw ang mga matatandang Pinoy naka-istambay at nagkukuwentuhan pero wala na rin sila.

Maraming tanong sa aking isipan sa ngayon na kung nasaan na kaya sila?

Ang sabi sa libro ay dahil sa katandaan ng mga beterano ay namatay na daw ang ilan sa kanila.

Naisip ko rin na siguro natanggap na nang mga beterano ang mga benepisyo nilang hinihintay kaya muli na silang bumalik sa Pilipinas.

Nais ko pa naman makunan ng litrato ang mga beterano, ang mga bayani ng giyera, pero wala na sila kaya’t pinagpatuloy ko na lamang ang pagkuha ng litrato sa paligid ng Powell Street.


More

Halo-halo

19 Comments

Halo-halo…yan ang hinahanap namin ngayon dito.

Kung turista ka mula sa Pilipinas at nagbabakasyon dito ngayon sa amin ay malamang maitatanong mo na…”akala ko ba malamig sa Amerika?”. Ay sorry…nawala ang lamig ngayong linggo na ito. Tunay na Pinas kami ngayon dito at maghapon at magdamag tumatakbo ang electric fan(walang aircon po kami).

Ilang araw na sumumpong ang mainit na klima dito sa amin. Ang tawag daw sa klima na iyan ay ‘Indian Summer’.

Ang sabi ang ‘Indian Summer’ daw ay…

An unseasonably warm, dry and calm weather, usually following a period of colder weather or frost in the late Autumn (or in the Southern hemisphere, where the term is less common, the late Spring).

At ang paliwanag naman mula sa Wikipedia( pls. click here).

Dahil baguhan din ako dito sa bayan ni Ankel Sam ay nakiki-Indian Summer na rin ako…ahhhh basta ang alam ko ay maiinit at kakaiba talaga ito sa ordinaryong init dito. Tulo talaga ang pawis sa kili-kili kahit di ka gumagalaw. At naghahanap ako ng halo-halo. Pero dahil malayo ang bilihan ng halo-halo…ay pwede na ang kahit anong ice-cream.

Naito sa ngayon ang klima sabi sa balita.

More

An apple a day

14 Comments

An apple a day keeps the doctor away…

Yan ang sabi ng mga matatanda…kapag kumain ng isang mansanas daw bawat araw ay di magkakasakit. Sabagay ang sabi nga ngayon ay maraming sustansyang makukuha sa prutas na ito.

Pero ewan ko ba. Sa bibliya naman ay dyan sa pagkain ng mansanas napalo si Eva at Adan. Di kaya nabalitaan na nila noong araw na magaling sa katawan ang mansanas kaya sila kumain ng mansanas? O kaya sila napalo sa pagkain ng mansanas ay dahil di pa Pasko?

Kasi naman noong araw sa aming bayan ay tuwing Pasko lang ako nakakakita at nakakakain ng mansanas kaya akala ko tuwing Pasko lang lumalabas ang mansanas(galing pala yun sa ibang bansa at marami rin sa Maynila kahit di Pasko). Mula doon sa napamaskuhan ay doon naman mangagaling ang pambili ng isang mansanas…aba ginto yata ang presyo ng mansanas noong araw sa aming bayan.

Pero teka gumugulo ang aking kuwento. Di naman sa mansanas lang ang aking kuwento.

Ang aking kuwento ay tungkol sa aming pamamalengke tuwing Sabado at sa mga masustansiyang mga pagkain sa Farmers’ Market sa aming lugar. Na kung saan lahat ng paninda ay organic. Organic(paliwanag mula sa Wikipedia) dahil hindi ginamitan ng mga pesticides ang mga aning prutas at gulay. Dahil napag-aralan na napagaling sa kalusugan ng tao ang pagkain ng mga organiko at tunay na maganda sa kalikasan.

O tayo na at samahan na ninyo ako sa pamamalengke.

Mga panindang iba’t-ibang gulay.

Mga iba’t-ibang prutas.

Magkita tayo muli sa susunod na Sabado sa Farmers’ Market.

“It is vitally important that we can continue to say, with absolute conviction, that organic farming delivers the highest quality, best-tasting food, produced without artificial chemicals or genetic modification, and with respect for animal welfare and the environment, while helping to maintain the landscape and rural communities.”
–Prince Charles

Older Entries

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 27 other followers