Pagkagising ko kaninang umaga ay may na-received ako sa email na basahin ko daw ang Pink Tarha Girls and then vote dahil kasali daw sa isang Blog Awards.
Hindi ko na napigil ang sarili sa pagbasa sa ilang mga blog entries at talagang napa-WOW! ako dahil sa galing ng mga sinulat nila para sa Pinoy Expat/OFW Blog Awards. Ang gaganda ng mga tema nila sa kani-kanilang blog sites.
Hindi ko napansin noong nasa Pilipinas pa ako na ganito na pala kalawak at ka-aktibo ang mga Pinoy sa pagsusulat ng blog. Lalo na ang mga OFWs. Ang trabaho ko noong nasa Pilipinas pa ako ay sa computer system , ngunit umiikot lang ito sa pag-maintain, paggawa ng reports, mag-research sa Internet para sa kailangan sa trabaho at siyempre ang mag-email.
Dumating ako at ng aking pamilya sa US last year at dito na nanirahan. Ayun na nga ang nangyari…sa Internet na ako napa-istambay…wala na kasing barkada at istambayan dito. Naramdaman ko rin ang matinding lungkot…52 yirs ka ba namang tumira sa Pilipinas at pagkatapos ay lumipat dito sa bayan ni Uncle Sam.
Unti-unti kong napansin ang mga blogs. Ibat-ibang klase ang tema. May teknikal, ispiritwal, fashion, gardening, musika, cooking, automotive, travel, photography…oo nga lahat na talaga na puwedeng pag-usapan sa ibabaw ng mundo. Pero sa bandang huli ay nakalibangan ko ang mga blog na sinulat sa Tagalog at Taglish. Ang sarap kasing basahin na para bang may kausap ka at tagalog ang inyong kuwentuhan. Ang dami ring magagaling na Pinoy na sumusulat sa Inglis…talaga namang nakaka-inspire na sana makapagsulat din ng katulad nila.
Teka…ang tanong bakit nga ba maraming sumusulat ng blog lalo na ang mga Pinoy…at lalo na ang mga OFWs at Expats?
Eto ang maramil ang simpleng kasagutan mula sa isang entry sa Pinoy Expat/OFW Blog Awards na sinulat ni Dungeon Lord …
Nung una, Oo…Inaamin ko para sa akin lang to kaya ako sumusulat…Pero dumating ung panahong makakabasa ka ng kumento na galing sa isang blogero na natutulungan mo na pala sya dahil lang sa pagbabasa ng mga artikulong gawa ko, natutulungan ko na sya dahil sa mga kumento at payo sa kanyang gawang artikulo…Hindi ko inisip na makatulong ng dahil sa pagsusulat, pero eto ngayon at mayroong mga taong sumusubaybay at naghihintay ng isusunod kong isusulat.
Simulan nun, nagpursige akong magsulat…di lang para sa akin, hindi lang para mawala ang homesick, at hindi lang para may mapaglibangan…nagsusulat ako ngayon dahil may mga taong naghihintay ng isusulat ko, na sa kahit kaunting paraan matulungan sila sa bigat na nadarama nila. Na sa kahit kaunting payo na dumarampi sa kanilang puso ay nakakaginhawa sa kung ano mang problemang dinaramdam nila…
Nagsimula ang lahat dahil napalayo ako sa pamilya ko, dahil na-homesick ako, dahil kelangan kong gawin to para di ako panghinaan ng loob at ituloy ang takbo ng buhay na malayo sa pamilya…Para sa akin to, pero ang pinakamahalaga para sa pamilya ko…Yun ang buong akala ko, hindi ko akalaing may ibang tao pa pala akong matutulungan dahil sa pagsusulat, meron palang mga taong nagbabago ang pananaw sa buhay ng dahil lang sa mga nababasa nilang artikulo, may mga tao pala akong napapasaya sa bawat kwento ng buhay ko dito sa Palau…at higit sa lahat ay yung natutulungan mo silang makalimutan kahit saglit ang kanilang dinaramdam ng sa gayon ma-realize nilang kelangan palang ituloy ang buhay dahil hindi lang iisa ang emosyon na ating nararamdaman…at hindi iikot ang buhay ng isang tao sa kalungkutan lamang…
Eksakto rin po ito sa aking naramdaman nuon kaya andito na rin ako nagsusulat ng aking blog. Mula sa puso kung sumulat ang mga Pinoy. Kapamilyang-kapamilya kung magbigay ng komento. Ganyan ang tunay na Pinoy.
Maaring kung nasa Pilipinas ka ay di mo maisipan ang gumawa ng blog dahil para bang kulang pa ang oras sa iyong gawain at aktibidades sa trabaho, pamilya, kamag-anak, kaibigan at kabarkada. At ito na siguro ang nangyari sa akin nuong nasa Pilipinas pa ako…masaya ako sa aking iniikutang mundo. Live na live ang kasayahan at kuwentuhan.
Kaya ayun dahil wala na ang mga istambayan, kaibigan at barkada. Dito na rin ako nakakuha ng mga kaistoryahan.
Maaring iba pa rin ang feeling ng andyan lang sa harap mo ang kausap pero ito na nga siguro ang tulong at nagagawa ng bagong teknolohiya…ang isang paraan na kung saan ang isang Pinoy ay nakakuha ng kaligayahan mula sa kalungkutan sa pagkakalayo sa mga mga mahal sa buhay at kaibigan.
Sa mga Pinoy Expats and OFWs saludo po ako sa inyong lahat!
Note:
Sa mga gustong magbasa ng mga entries please go to this site:
http://pinoyblogawards.blogspot.com/