President Corazon Aquino

cory

Ilang araw ko nang sinusundan sa TFC ang mga coverage sa mga pangyayari sa buhay ni Tita Cory at ng kanyang pamilya.

Naisip ko siguro hindi na lang ako susulat para sa kanya kasi lahat naman ay sumulat na sa kanilang mga blog ng mga magagandang istorya sa buhay niya. Pero kagabi habang pinapanood namin sa TFC ang kanyang funeral Mass at libing ay maraming tanong ang aking bunsong anak…dahil sa totoo lang hindi niya inabot ang People Power at ang panahong naka-upo si Tita Cory bilang Presidente. Yung aking panganay at pangalawa na apat at dalawang taong gulang nuon ay bitbit na ng kanilang mga Tiyo papuntang Edsa na para bang pupunta lamang sa isang piyestahan. Sila man ay walang kamuwang-muwang noon pero marunong na silang mag-taas ng kamay na may “L” sign.

Bigla ko tuloy naalala isa-isa ang mga pangyayari noong panahon na iyon…simula sa pagkamatay ni Ninoy…snap election…People Power…and Tita Cory’s presidency.

Naito ang aking kuwento sa aking mga naalala lamang.

Nung pinatay si Ninoy ay 1983. Dahil martial law pa nuon medyo pigil pa ang mga taong magpahayag. Pero yun nga unti-unti umingay sa pamamagitan ng musika ang paligid. Mga musikang may temang laban sa gobyerno ni Marcos noong araw. Ang blog nuong araw ay dumaan sa sinusulat sa papel at ipinamimigay sa mga naglalakad na tao. Sa mga restawran at bir haus ayun nandun ang mga taasan ng mga kamay na may “L” sign. Masaya at nagkakaisa na unti-unti ang mga tao. Yun ang pagpapahayag nung panahaon na iyon.

Nuong snap election Febraury 7, 1986. Ang mga tao ay biglang nagpahayag ng kanilang saloobin…ang suportahan ang isang Tita Cory. Tandang-tanda ko pa na ang dalawang kong maliit na anak ay kasama sa pagpapahayag lalo na nung araw ng election…talagang naka-yellow tshirt kami lahat. Pagkatapos ng election ay uminit ang bilangan…eh ang dayaan pala. Parang nagising ang isang David sa kuwentong David and Goliath. Ayun unti-unti ng lumalaban ang bayan…ayaw na nilang pumayag na madaya…sobra na tama na…palitan na…yan ang mga kataga nung araw na nagpainit sa nakakarami.

At sa isang iglap naito na nangyari na nung February 22, 1986. Nagkagulo na…may humiwalay na sa palakad ng Malakanyang. Naito na ang panawagan ni Cardinal Sin na suportahan ang mga nasa Camp Crame.

EDSA_Revolution_pic1

Nung panahon between February 22 to 25, 1986. Dito tunay na nagkaisa ang mga Pilipino. Dito ko nakita na walang…mayaman at mahirap, mestiso at maitim…talagang Pilipino lang lahat na humingi ng kalayaan.

Sa kabila ng kaguluhan at kasayahan sa EDSA ay patuloy din naman akong pumasok sa trabaho upang suportahan at bantayan na hindi pakialaman ng masasamang elemento ang kontrol ng koryente sa Metro Manila. Kasama namin ang mga pro-Cory na mga sundalo sa aming opisina sa pagbabantay.

Nung gabi ng February 25…ay bigla na lamang sinabi sa balita saTV na umalis na ang mga Marcos. Takbo na kami sa Malakanyang para malaman nga ang katotohanan. Totoo nga…makikita mo ang mga ngiti sa lahat ng tao patungong Malakanyang.

Walang makapaniwala na matatapos ng ganun ang People Power.

Sa lahat ng mga pangyayaring ito ay pinasasalamatan ko ang naging simbulo ng People Power…si Tita Cory. Dito ko nakita na kung papaano ipinakita ng isang tunay na Ina na buong loob na ipinaglaban ang kanyang paniniwala para sa kalayaan ng Bayan. Isang simbulo na sa kanyang kalinisan ng puso at kalooban ay napag-isa niya ang isang bansang napakatagal na inalipin ng Martial Law. Isang Ina na nagpakatatag sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya para ipagpatuloy ang adhikain ng kanyang asawa. At patuloy na ipinakita ang kanyang kababaang loob sa kabila ng kanyang kapangyarihan.

Isang ulirang asawa, biyuda, Ina, Lola, Tita, at Presidente ang ipinakita at ipinadama sa lahat hanggang sa kanyang huling sandali. Kaya’t patuloy itong naramdaman ng mga taong sa kanya ay nagmahal at nagmamahal. Nadama ng mga Pilipino ang napakagiting na buhay na pinagdaanan ni Tita Cory bilang isang tunay na Ina…Punong-puno ng pagmamahal, kalinisan, at pananampalataya sa Diyos.

Salamat mahal na Presidente…Tita Cory…Paalam. Nawa’y patuloy na maging magandang halimbawa ang iyong buhay para sa mga susunod pang mga manunungkulan sa ating mahal na pamahalaan at patuloy ring maging gabay ang iyong paghubog sa iyong pamilya bilang Ina sa bawat pamilyang Pilipino.

Salamat at Paalam Po!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s