Five Decades and Counting

Sa sunod-sunod na ‘random things’ na aking nabasa mula sa mga kaibigan dito sa blogosperyo. Siguro ito na rin ang pinakamagandang panimula ng aking 2010.

Isang pasasalamat ito dahil ako ay inyong tinanggap dito bilang isang kaibigan sa blogosperyo. Sa ngayon ay kayong mga nakilala sa blogosperyo ang aking mga bagong kaibigan.

At nais ko rin maibahagi sa inyo ang aking simpleng buhay at nawa’y patuloy akong makapagbigay ng ‘in my own little way’ na kaalaman sa aking tinahak na buhay dito sa mundong ito sa loob ng limang dekada.

1. Apat na taon bago pumasok ang dekada sisenta ng ako’y ipinanganak. Barbero at Titser ang aking mga magulang. Panganay sa apat na magkakapatid. Lahat kami ay lalaki.

2. Akala ko may Santa Klaus talaga…nung grade five na ako…Pasko…nakita ko kung sino ang naglagay ng regalo.

3. Sa isang public school nag-aral nung elemetarya. Laging kasali sa ‘Folk Dance’ at Maikling Drama tuwing may programa.

4. Tuwing bakasyon sa eskuwela…laging nagpi-piknik sa ilog, naglako ng tinapay sa bayan, at nag-aral ng piyano.

5. Nung haiskul ay sa isang Ateneo sa Laguna naka-pasok. Iskolar lang kaya nakapasok. Dugo at pawis ang inabot para maka-graduate. Dito na nahilig sa musika ng dekada sisenta at sitenta at medyo umaaligid na sa mga dalaga. Nahilig din sa basketbol at konting disco party. Nangunguha ako ng kaning-baboy para sa aming mga alagang baboy.

6. Dekada Sitenta ng lumuwas ng Maynila para magkolehiyo. Kumuha ng engineering(ECE)…1978  nung natapos. Pero nakapasa sa Electrical Engineering(EE) na board exam. May mga kababayang barkada nung panahon na ito pero di naman ako nagpabaya sa pag-aaral.

7. Nagsimulang mag-trabaho nung 1977 bilang isang ‘working student’. Ayun tuloy-tuloy na ang trabaho pagka-graduate ng college.

8. Nagka-girlfriend ng taong 1975…after 7 long years ay nagpakasal na kami. Tumira sa isang apartment ng 7 years sa Sampaloc. Lumipat sa sariling bahay ng 1988 sa Quezon City. Bago lumipat ay tatlo na ang aming anak.

9. Dekada Otsenta ay kasagsagan ng trabaho. Pinagbuti ang trabaho para sa pamilya at mga anak. Naging patakaran naming mag-asawa na di ipaparanas sa mga anak ang mga hirap na dinanas nung bata pa kami. Napag-sikapan na maipasok silang lahat sa private school at mapag-kolehiyo sa gusto nilang kurso.

10. Di ako puwedeng walang musikang naririnig. Kahit anong musika ay puwede sa akin…classical, latin, jazz, bossa nova, disco of the 70′ & 80’s, Praise & Worship songs, 60’s, 70’s, 80′, OPM…  Mahilig din akong manuod ng mga movies…action, comedy, love story and mga concerts sa dvd…puwedeng rin na live concerts.

11. Naging member ako ng isang banda sa opisina simula dekada nobenta hanggang 2007…sa keyboard ako. Tumutugtog kami tuwing may okasyon sa opisina lalo na kung Christmas party.

12. Dekada nobenta(1991) ng unang nakarating sa ibang bansa…Vienna, Austria at San Francisco, USA.

13. Dekada nobenta(1994) ng unang tinawag para iwanan ang lumang buhay…iniwan lahat ng bisyo. Tinawag kaming mag-asawa upang magsilbi sa simbahan. Napasama kami sa isang Chrismatic Community at tuloy-tuloy na iyon ng mga activities namin para sa community at sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.

14. Na-diagnosed na may ovarian cancer ang Misis ko nung March 2002. After almost three years of caring and continued medications…tinawag na siya pauwi ni Lord…binigyan siya ng complete healing….no more pain…peacefully she joined her creator nung September 29, 2004. I continued to serve & be faithfull kay Lord.

Matapang na hinarap ang kanser(April 2002).

Magpapakalbo din sana ako pero ayaw pumayag ni Misis.

15. Taong 2003 ay nakapagpa-graduate kami nung panganay namin sa UST. And after two years ay yung pangalawa naman sa FEU as a Med Tech. Yung bunso ay nasa UST bago nag-transfer dito sa US ng pag-aaral niya.

16. Mahilig mag-kutingting ng mga electronics at electrical na bagay-bagay. Simula nung nagtrabaho ay communication at computer equipments ang mini-maintain.

17. Nagawi sa blogosperyo nung July 2009…ayun hanggang ngayon na. Wala akong Facebook. Basketball pa rin ang hilig na laro. May koleksyon ako ng vinyl records. Reading glass pa lang ang ginagamit. Di na mahilig manuod ng TV programs…’time is gold’…mas gusto kong magbasa ng books, i-enjoy ang nature at maka-usap ang mga mahal sa buhay.

18. Di ako mahilig manuod ng mga talk shows, noontime shows at mga drama nung nasa Pilipinas pa…dahil siguro madalas ako sa opisina at gabi na kung umuwi dahil hinihintay ko si Misis sa pag-uwi mula sa kanyang opisina.

19. Di ako nahilig na magsugal…di nagsigarilyo…di nagpapakalasing kasi lagi akong nagda-drive nuon pauwi sa bahay. Natutong pag-ingatan ang kalusugan lalo na nung nagkasakit ang aking Misis.

20. Ang dami kong kaibigan simula pagkabata…wala akong naka-away…di ako napasama sa mga kaguluhan o suntukan…siguro nakabalya at nakatulak sa basketbol nung bata pa. Dito ko nakita ang pagkakaroon ng maganda at mabuting pakikisama sa loob at labas ng opisina…kahit mababa ang posisyon ko nuon sa opisina ay tinatawag nila akong ‘Sir’…kahit  CEO at mga VP ay tinatawag nila akong ‘Sir’…isa ito sa mga di ko makakalimutan sa aking huling trabaho sa Pilipinas.

21. Taong 1995 hanggang 2007 ay naging Lay Minister & Music Ministry sa Misa, Prayer Leader minsan sa mga Prayer Meeting, at uma-attend ng Bible Study sa kapit-bahayan. Madalas akong maging guest speaker sa mga Prayer meeting lalo na nung dumadaan ako sa pagsubok sa buhay.

22. Kaligayahan ko ngayon ang pagsilbihan ang aking mga anak…dahil ito ang ipinangako ko sa aking asawa ilang minuto bago niya kami iniwan…Tandang-tanda ko pa ang mga huling sinabi sa kanya:

—-“Sige na…umuwi ka na kay Lord…ako na ang bahala sa mga bata.”

Isang mga salitang napakahirap bitawan ngunit aking nagawa dahil mahal ko ang aking asawa…ayoko na siyang maghirap…at nagtiwala ako sa Diyos na siya na ang bahala sa aking asawa at sa amin.

Mommy’s Last Birthday (Nov. 2003)

23. Taong 2007 ay lumabas ang aming US immigrant petition…Nag-asikaso sa Manila US Embassy…dumating ng 2008 sa Amerika.

24. Kung may gusto pa kayong malaman sa buhay ko…ikaliligaya ko na batuhin ninyo ako ng tanong para maipapakilala ko pa ang sarili ko sa inyo….na aking mga kaibigan sa blogosperyo.

Marami Pong Salamat.

67 comments on “Five Decades and Counting

  1. J.Kulisap says:

    Fan mo na ako.

    Alam mo na kung saan ka pupunta.

    Wala na akong maitanong.

    Ordinaryong tao ka pero kakaiba ka pa rin.

    • Maraming Salamat Jkulisap…talagang sa ngayon ay pinaghahandaan ko kung saan ako pupunta at sa totoo lang anytime ay redi na ako kung tatawagin ni Lord…I just live one day at a time. Everyday ay bonus na sa akin…pero dahil gift sa atin ni Lord ang buhay na ito…kailangan ingatan at alagaan pa rin. At siyempre open pa rin ako sa assignment na puwedeng ipagawa sa akin ni Lord.

      Talagang yan ang aking buhay ngayon ang mga simple…o sabi mo nga ay ordinaryong tao….gusto kong makita at mai-enjoy ang what matter most in life sa remaining days…months…years…of my life.

      Maraming Salamat ulit Jkulisap….marami pa akong gustong -ishare sa buhay ko na puwedeng makatulong din sa iba…sa tinahak kong buhay.

      God Bless!

      • J.Kulisap says:

        Do it.

        The power to write is a miracle drug for those in need.

        Thank you for sharing your thoughts and giving your wisdom for free.

        Regards

      • superlolo says:

        Ay Oo Jkulisap itong pag-share ng buhay ko ay isang pagpupuri sa pagmamahal sa akin at sa aming pamilya ng Panginoong Diyos.

        Salamat sa iyong sinabi:

        The power to write is a miracle drug for those in need.

        Salamat muli & God Bless!

  2. walongbote says:

    sayo ko nakita ang sipag at tiyaga: akalain mo yun, your working student, then your parents wala talagang yung propesyon pero yung work naman nila ay marangal, tapos sa public ka nagaral.. all those this ito ang PRICE MO:

    8. Nagka-girlfriend ng taong 1975…after 7 long years ay nagpakasal na kami. Tumira sa isang apartment ng 7 years sa Sampaloc. Lumipat sa sariling bahay ng 1988 sa Quezon City. Bago lumipat ay tatlo na ang aming anak.

    12. Dekada nobenta(1991) ng unang nakarating sa ibang bansa…Vienna, Austria at San Francisco, USA.

    ikinalulungkot ko ang pagpanaw ng iyong asawa.. pero yung mga anak ninyo ang kanyang matibay na alaala..

    ito pa ang price mo:

    23. Taong 2007 ay lumabas ang aming US immigrant petition…Nag-asikaso sa Manila US Embassy…dumating ng 2008 sa Amerika.

    • Hi Miss WalongBote….maraming salamat at nagpadaan ka at nagkausap ulit tayo….matagal ko nang nami-miss ang bahay mo…ayun wala ng virus…babalik ako dun sa bahay mo.

      Oo kaya ako buhay na buhay ngayon ay dahil sa mga anak ko…sila ang aking misyon sa ngayon…sila ang lagi kong dalangin sa Diyos…na sana ay humaba pa ang buhay ko para mahalin ko at pagsilbihan sila.

      Medyo punong-puno ng pagsubok ang aking buhay….pero sa lahat ng ito ay sa Diyos ako kumuha ng lakas.

      Sakto yung sabi mo….ang PRICE ko ay ang patuloy na pagpaparamdam ng Diyos na di niya kami pinababayaan.

      Maraming Salamat at Happy New Year sa iyo…God Bless!

      Babalik ako sa bahay mo.

  3. […] Superlolong Pinoy – Five Decades and Counting Possibly related posts: (automatically generated)WHAT’S IN A NAME?BOMOTO NA TAYO!!!2009 BASE […]

  4. #1 – pareho po tayo panganay!
    #2 – hehehe ako nadiscover ko po na wala pala talagang santa claus noong pasekreto akong naglagay ng medyas sa loob ng kwarto ko. kinabukasan, walang laman. hahaha.
    #3-sumasali din ako sa flok dances.
    #4-wow, nagpipiano lessons po pala ako. bigtym!
    #5-omg! uso na pala ang mga disco parties noon pa.
    #6-1978, di pa ako ipinanganak nyan….hehehe.
    #7-di pa rin ako ipinanganak…
    #8-1988, grade one ako..
    #9-catholic private kami lahat ipinasok ng parents ko..
    #10-pareho po tayo, mahilig din po ako sa movies, music, etc.
    #11-member din ako ng banda. ngunit ung pangparada, bugler una, then lumipat sa xylophone.
    #12-wow! 3 bansa agad!
    #13-all through my life, di ako talaga naging member ng isang charismatic community, pero pangarap ko talaga siya.
    #14-your loving wife, may she rest in peace. ito po ung nakwento ninyo.
    #15-congrats! achievers ang mga anak ninyo!
    #16-hehehe kaya alam na alam nyo po talaga ang mga kuryente kaya ung marami ko pong tanong noon ay nasagot ninyo.
    #17-hehehehe kaya pala di ko kayo nahanap sa facebook.
    #18-ideal husband po pala talaga kayo. maswerte po ung wife ninyo na nakahanap siya ng isang loving and faithful husband.
    #19-clean living — maganda yan…
    #20-wow! sa aming magkakapatid, ung bunso lang namin ang marunong magbasketball and nung pasko, tumawag utol ko kasi nakipagsuntukan ung bunso namin sa kanyang pinsan. ok naman. na-settle agad.
    #21-wow….
    #22 -awts. very touching. i could picture it out…

    • 4-Yung pong sa piyano lesson ay mura lang nung araw…parang P10.00 per lesson sa aming bayan.

      2-Ako naman po…hinintay ko talaga ang oras ng paglalagay ni Sta Klaus…at nasilip ko ang Nanay ko na naglalagay….hehe.

      5-Isang memorable na experience namin ito nung araw ang mga ‘disco parties’…nung 1973-77…wala na po sumunod nito sa aming bayan.

      12=Dream come true na maka-abroad…free from the government…training.

      13- Yan po pagtawag sa amin sa Charismatic ay isang paghahanda pala sa susuungin naming pagsubok sa buhay….ito po ang nagpatibay ng spiritual namin nung nagkasakit si Misis.

      19- Nag clean living po talaga kami lalo na nung may sakit ang Misis ko nuon…organic ang pagkain namin…healthy foods…& sa ngayon gusto ko siyempre maging gabay pa rin ng mga bata…sa pamamagitan ng good health ay maaalagaan ko sila….na di ako ang aalagaan.

      20- Haha…yung pangatlo lang namin ang di nag-basketbol…wala namang napa-away sa amin…hehe.

      21- Before akong mapasali sa Charismatic Community ay mahiyain po ako….pero after ayun nagto-talk na ako sa harap ng mga tao.

      22- First experience ko po ito sa aking buhay na sa harap ko ay may nagpapaalam o mamamatay….ang pinaka-malapit pa sa puso ko….ummmm ang Diyos ang naghanda sa akin sa pangyayari na ito….kung wala si Lord nuon ay siyempre napakahirap.

      Maraming Salamat po Father….magiging sandalan ko na po kayo ngayon ng aking spiritual na buhay.

      Siguro rin po ay puwede pa akong mag-dugsong ng mga kuwento para makita ng mga kaibigan natin sa blogosperyo kung paano namin nalampasan ang mga bawat pagsubok sa aming buhay…isang Pagpupuri ko po ito sa Panginoon.

      • saludo po talaga ako sa tatag po ninyo sa mga trials ninyo sa buhay.

        ang next post ko ay sequel noong mga random thoughts…this time siguro more specific na…

        “my random trials in life” — hehe.

      • Salamat po Father.

        Naisip ko rin yang sequel ninyo kasi para makita ng mga kaibigan natin na ang buhay ay parang ‘roller coaster’…na kahit na ang buhay ay sumusunod sa aral ng Panginoong Diyos ay patuloy din ang mga trials…at ipinakikita sa atin ng Diyos na malalampasan pala ang mga trials na ito kung mapupuno ng pananalig sa Kanya…at talagang ang trials na ito ay pagpapatibay at pagmamahal pala ng ating Diyos sa atin upang lubusan maging matibay sa mundong ito at maging isang buhay na nagpapatotoo sa kabutihan ng Diyos.

        Ako man po ay marami pang trials sa buhay lalo na nung bata pa ako…nung nag-aaral…nung nagta-trabaho…nung nagpapamilya…at hanggang ngayon.

        Pero ngayon ay nakita ko na sa kabila ng mga trials na iyan sa buhay ay ramdam ko na lagi akong yakap-yakap ng Diyos at di niya ako pinababayaan.

        Hihintayin ko po ang sequel ninyo Father.

  5. kaye says:

    tay, sobrang saludo po ako sa inyo. Naluha ako dun sa sabi nyong papakalbo kayo para masamahan si nanay, atsaka dun sa pinayagan nyo siyang umalis na dahil kayo na ang bahala sa mga anak nyo.

    Alam ko pong nalulungkot at nangungulila kayo sa kanya pero kahit ganun, patuloy kayong humahanap ng paraan na maging masaya. Sana’y nalilibang kayo ng husto sa paglilipat lipat sa mga bloghay. Ü

    Ako rin po, kahit walang tv, basta may mga libro at shempre, musika. Ang sarap niyo po siguro pakinggan pag tumutugtog sa piano. Si bong kasi natutuwa ako pag tumutugtog siya. Yun kasi ang frustration ko. Hindi ako magaling nakakabasa lang ng nota at konting chords kaya nagagamit ko noon sa pagtuturo ng choir. Lahat kasi ng boses itinuturo ko. Yung prex choir lang naman sa simbahan.

    Lay minister din po pala kayo. Di po ba kayo nagseserve diyan sa simbahan sa US?

    Makulay po ang inyong buhay. At salamat po sa inyong pagbabahagi. Natutuwa din po akong naging magkakaibigan tayo. God bless, tay.

    • superlolo says:

      Ay oo Kaye salamat din sa iyong pag-alala at paggabay sa akin…nawala na iyong mga dati kong mga kaibigan sa Pilipinas pero may ipinalit si Lord…kahit di pa tayo personal na nagkikita pero more than pa ang ipinararamdam ninyo sa akin…isang kaligayahan at katuwaan sa akin lalo na at nakakapag-usap tayo dito sa bloghay.

      Ang tiwala sa Diyos ang nagpapa-usad sa akin para sa kasalukuyan kong buhay…tiwala na lahat ay alam ng Diyos kung ano ang kailangan natin sa araw-araw…at di Niya tayo iiwan…sa hirap man o ginhawa…nasa atin lamang naman ang patuloy na magmahal sa kanya….at para maipadama ang pagmamahal na ito sa Kanya…ay ipadama sa mga taong nakapaligid at nangangailangan ng kalinga mula sa atin.

      Haha yang pagtugtog sa piyano kasama sa ‘wish list’ ko na patuloy na mapag-buti…siguro talagang sa pag-limited na ang movement ko balang-araw ay iyan ang isang aking patuloy na gagawin ang mag-piyano.

      Talagang ganyan yata Kaye ang pinagsasama ng Diyos…complimenting…yung wala yung isa…meron ang isa….katulad ninyo ni Bong…si Bong ang natugtog…at ikaw ang kakanta. Wow..okay yung prex choir…masaya sa simbahan mag serve.

      Di pa ako masyado active sa simbahan dito…medyo iba ang dating dito….pero siguro makapag-serve din ako dito….iniimbita na nga ako para sa Pastoral Council…pero nagbeg-off muna ako…kasi sabi ko nakikiramdam pa ako sa mga ugali dito.

      Haha oo Makulay ang aking buhay…at siguro sabi ko nga kay Jkulisap siguro ipagpapatuloy ko na itong pag-share ko ng buhay para baka sakaling makapag-bigay ng aral sa ating mga kaibigan.

      Alam mo Kaye nagpapasalamat din ako sa inyo…dahil parang nasa community ko rin ako sa simbahan sa Pilipinas…kung saan ayun lagi akong nagse-share ng mga blessings ni Lord…at kayo din ay nagse-share ng mga pagsubok ng buhay at blessings.

      God Bless at patuloy ka sa pagpapagaling mo Kaye!

  6. dlysen says:

    Nice story… In the end we want to be happy. some seems to be sad but still you find ways to make it happy. take care always.

    • superlolo says:

      Salamat Dlysen….oo ang buhay natin ay isang dress rehersal daw dito sa mundo….ang final na masayang buhay natin ay after life here on earth….kaya pinagbubuti natin ang ‘dress rehersal’….sasanayin nating maging masaya pa rin sa mundo kahit punong-puno ng pagsubok dahil regalo ni Lord itong buhay na ito at ninanais Niya tayong maging masaya dito rin sa mundong ito.

      Salamat sa pagbisita at God Bless!

  7. teentoinks says:

    3. Ahaha parehas po tayo Lolo, mapa carinosa, tinikling itik-itik etc etc, bihira na ako makakita ng ganyang sayaw ngayon sa elementarya.

    5. Naku Lo, mukang lapitin po kayo sa chicks ah, kasi ilan sa mga katangiang mga nabanggit ang madalas habulin ng mga chicks… “iskolar”, ” mahilig sa musika”, “basketbolista” at shempre hindi naman maiiwasan ang pagpaparty pero hindi parin naalis sa post na to ang pagiging responsable nyo. **wow

    14. Awwwttsss.. naranasan ko rin po mag alaga ng mahal sa buhay na may Cancer, pero almost 2months lang po tinagal nya.

    Thanks for the share Lolo, thanks for the chance to take a peek right through your heart and soul.

    • superlolo says:

      Hi Tin…salamat sa iyong pagbisita.

      Haha yung nga mga sayaw iba na talaga..pero sana wag pa rin mawala ito sa mga iskul…dito buti naman kahit mga Fil-Am ay gusto nila ito sa mga programs nila…yung pamangkin ko sa LA pumapasok…ayun may grupo sila na ang pangalan ay Katipunan…mga Fil-Am…at nag perform sila ng lahat ng ating Folk Dances…nakakatuwa naman.

      Haha…lapitin ng chicks?? di yata…kasi nung haiskul ako ay mahiyain talaga ako…kasi promdi probins ako…pero tama ka dun sa parteng sa musika…ayun dati pa-impres din ako sa pagtugtog ng piyano sa mga bahay ng mga chicks…hehe…yung panahon ng basketbolista..totoo yan…kasi yung mga Liga sa probinsya…nakakatuwa…ang dami talagang taong nanunuod….pero nung panahon na iyon ay nakatali na ako sa future wife ko…hehe…kaya gud boy na sa mga fans….yung pagka-responsable mukhang malaki ang pagkaka-molde sa akin ng mga Heswita nung haiskul…pinagpapasalamat ko ang paunang pagiging malapit ko kay Kristo…na ito pala ang magagamit kong pampatibay ng aking buhay nung dumaan kami sa pagsubok.

      Hayyy Tin…di ko akalain darating sa buhay namin ang salitang Kanser…dito talaga nasukat ang aming pananampalata na buong pamilya. Ang taning ng Misis ko ay 6 months lang kasi almost stage 4 siya. Pero natuto kaming mabuhay ng ‘ONE DAY AT A TIME’…Naging 7 months…naging 1 year…then 2nd year ay bumalik na siya sa opis..then yung pasok ng 3rd year dun bumalik ang kanser…ito na yung halos bawat buwan ay nasa hospital kami…na tumatagal ng mga 10 days. All in all sobrang bonus ang ibinigay ni Lord para sa mapaghandaan namin ang lahat…lalo na ang araw ng mag-uwi ni Misis kay Lord.

      Ikinaliligaya ang mai-share ang aking simpleng buhay na punong-puno ng pananalig sa Panginoong Diyos. Nawa’y makapagbigay ako ng munting aral sa buhay.

      God Bless Tin!

      • teentoinks says:

        Salamat po Lolo, sa totoo lang hinangaan ko po kayo sa pakikipaglaban sa buhay sa kabila ng mga hindi natin inaasahan na sitwasyon nanatili po kayo matatag at may pananampalataya sa KANYA. Nagustuhan ko rin po yung naudlot na pagpapakalbo nyo, haysss…. malungkot ang sitwasyon pero nakakabilib yung gusto nyong isakripisyo para sa misis nyo, ano nga lang ba yung pagpapakalbo kumpara sa sakit na nararamdaman ng mahal natin sa buhay.

        Lo, thank you po uli! God Bless po! **hugs

      • Salamat muli Tin.

        Napakabigat talaga ang pangyayari na iyon sa amin ni Misis…talagang sobrang dapa kami at lugmok pa…pero alam ko maaga pa ay inihanda na kami ni Lord sa mangyayari…maaga pa sa buhay ay inilapit na Niya kami sa Kanya…kaya mabilis din na makabangon.

        Talagang desidido na ako nuon na magpakalbo…kaya lang sabi Niya mukhang lalo pa kaming mag-aatract ng atensyon sa mga tao…kayo sabi niya…siya na lang…pero hanggang ngayon sana nakapagpakalbo rin ako nuon…ayyy nung panahon nuon ay totoo yung mga sa drama at sa sine na mga linya…na yung sakit niya ay gusto ko ay ako na sana…o mapunta na lang sana sa akin…kasi bilang asawa ay napakasakit ang makitang may karamdamang nangyayari sa minamahal…..pero ang ginawa ko na lang ay tinibayan ko ang sarili ko…101% ang pag-aalaga na aking ibinigay sa araw-araw….Ang dalangin ko nga kay Lord nuon ay…di bale ako mag-alaga habambuhay….basta kasama ko lang siya….pero darating din pala na sa dahil sa pagmamahal ay idadalangin na kunin na siya ni Lord para maibsan na ang sakit na nararamdam ng isang minamahal.

        Salamat Tin sa Hug…hug..hug…hug din.

        Ingat lagi & Gid Bless!

  8. kaspangarigan says:

    All the people that I know said that the best way to die is to never wake up from a sound sleep.

    One never stand to the idea of spending a lot of money, time & effort for anyone you love so dearly while under medication & hospitalization when the end result is still – death.

    Hebrews 9:27 And as it is appointed for men to die once, but after this the judgment,

    Who are afraid to die? May be, all of us except when you know where you’re going to.

    Luke 12:4 “And I say to you, My friends, do not be afraid of those who kill the body, and after that have no more that they can do.

    Even the manner how we die is not so important. When your senses are gone, it doesn’t matter whether they chop you in two, three, four or burn your body thereafter, It is still the same – you’re dead. Therefore, whether the death is tragic, horrible, cruel, sudden or premature, there is nothing to fear.

    Luke 12:5 But I will show you whom you should fear: Fear Him who, after He has killed, has power to cast into hell; yes, I say to you, fear Him!

    Nadaan lang po!

    • superlolo says:

      Naku maraming salamat sa pag-share ng word of God Kaspangarigan.

      Tama po ang mga sinabi ninyo about fear & death…talagang ang matibay na pananampalataya sa Diyos ang magbibigay sa atin na matanggap ng maluwag ang mga bagay-bagay dito sa mundo lalo na ang kamatayan.

      I live on a daily basis…kaya nasabi ko po na ako ay handa na araw-araw kung sakaling tatawagin ako ng Diyos. Pero habang nabubuhay ako ay 101% kong ipagkakaloob ang aking pagmamahal sa mga creation ng Panginoong Diyos….In my own little way na pagmamahal…na naaayon sa salita at turo ng Diyos.

      Maraming salamat sa pagbisita at pag-share ng word of God.

  9. bonistation says:

    superlo, pasingit po at padalaw sa iyong napaka informative at nakaka inspire na trivia.. hinangaan ko po kayu sa tatag at tibay ng loob, at sa mabuting pagpapalaki sa inyong mga anak. mas nakilala po namin kayu ngayun ng lubos. salamat din po sa pagbahagi..

    “malaki talaga ang nagagawa ng pagiging malapit kay lord.. mas malakas tayo kahit ano pang dumating sa buhay natin”

    mabuhay po kayo~~! HAPPY NEW YEAR!!

    BON

    • Hello Boni at maraming salamat sa pagbisita.

      Oo patuloy kong i-share ang aking buhay…parang roller coaster ika nga ang aking dinaanan…pero dahil sa pananalig sa Diyos ay naging matibay ay patuloy na nakita at natanggap ang mga pagpapala ng Panginoong Diyos.

      Totoo yun Boni kahit pagbalik-baliktarin ang buhay ng tao…kapag wala ang gabay ng Panginoon ay lubhang magiging masalimuot ito…ngunit kung nakasandal tayo sa Kanya….magiging matatag tayo sa pagharap ng mga pagsubok at kurot ng buhay.

      Nakita ko na sa buhay ko ang mawala ang pinakamahalagang tao sa buhay ko…kaya ang maipapayo hanggat kasama natin sa ngayon ang mga mahal sa buhay ay ipagkaloob ang 101% na pagmamahal.

      Muli Hapi New Year at God Bless!

  10. sows says:

    seriously, naiyak po TALAGA ako.. naalala ko ang tatay ko na napakabait ding tulad ninyo…napaka inspiring ng inyong buhay..

    mahilig din po ako sa music at di din sanay na wlng naririnig na music (feeling ko kc creepy pag gnon)

    bout sa wife niyo, hinahangaan ko po ang katatagan nio..God bless!! many more years to come!

    • Hello Sows…salamat sa pagbisita.

      Talagang may kurot pa rin ang aking kuwento na iyan…akala ko nga di kakayanin na ikuwento…pero dahil kayo ang bago kong mga kaibigan nais kong makilala ninyo talaga ako at may mapulot kayong mga aral sa aking dinaanang buhay.

      Hayyy salamat sa pagpuri mo sa aking buhay na hawig din sa tatay mo. Di ko nga akalaing kinaya ko ang mga pagsubok sa buhay ko…pero alam ko andun lagi si Lord at di Niya ako/kami pinabayaan.

      Yang tungkol sa musika…bata pa ako…nasa elementarya pa ako ay may transistor na ako na laging kasama…yung transistor kasi ang ipod ngayon…yung transistor na may isang earphone(antik na talaga) …hehe.

      Maraming Salamat Sows…Ingat lagi & God Bless!

      • Sows says:

        Gud morning po!
        😆

      • Hello Sows…magandang araw din sa iyo…salamat sa pagbisita…Talagang iyang simpleng pangangamusta ay talagang may tuwa at ngiti ng dating sa akin…sa katulad ko na nasa malayo….Buti ka pa nga na naging kaibigan ngayon sa blogosperyo…na di pa tayo nagkikita o nag-meet ay nakakasaglit para mag hello sa akin…yung mga dati kong mga nakasama sa opisina at kaibigan for 20 years ay mukhang nakalimutan na yata ako or may kaabalahan sa buhay….pero eto ang pinagpapasalamat ko ngayon ang iyong pagbibigay ng sandali para ako ay mabati….Tama eto na aking magiging susunod na post….ang magkuwento ng buhay-buhay ng iyong Lolo sa mga unang araw ng 2010….ummmm salamat talaga Sows at lagi ingat diyan sa atin and God Bless!

  11. bonistation says:

    ang hahaba po ng mga comment nila, tanda lang na talagang nakaka inspire ang isinulat nyu,…

    namiss ko din tatay ko.. hes with the Lord nadin nung 2007..

    pa- dady nalang muna sau superlo! ^^

    • Ay oo Boni at salamat muli…talagang itinuturing ko kayong lagpas pa sa isang kaibigan…na parang mga anak ko na nga kayo…kaya ganito ang pagpapakilala at pakikipag-usap ko sa inyo.

      Naku Boni…ang Tatay ko ay bigla ko rin na-miss. Alam mo ba na kaya ako natutuwa ring mag-apply papuntang Amerika nuon ay para makasama ang mga magulang ko…dahil dito na nga sila nakatira…pero February 2008 ay biglaan ang kanyang pagkamatay…di na kami nagkita at di na nakapag-paalaman…dahil ang iskedyul talaga ng dating namin sa Amerika ay March 2008. Kaya laging pahalagahan at mahalin talaga ang mga mahal sa buhay.

      Simple lang ang Tatay ko…barbero…pero tuwang-tuwa siya nung isa-isa kaming nakatapos ng kolehiyo…nagkatrabaho….nagkapamilya…at nakamit ang mga pangarap sa buhay.

      sige Boni…dito lang ako lagi para sa iyo…para magbigay ng gabay sa ating simpleng buhay.

      God Bless!

      • bonistation says:

        maraming salamat po! yey!!
        **unang una, pakiayos nadin po ang petition papers ko!~> awwts! haha biro lang nag papasaya lang ng umaga nyo.^^

        patuloy pokayung magsulat dahil marami kaming matutunan sa inyo. really “age is wisdom” . kaya MABUHAY PO KAYO DADDY!! ^^ ahihih!

      • Haha Oo nga ano Boni…dahil Daddy mo ko puwede na kita i-petition…hamo kapag may Law na dito na yung mga nagkakilala sa blog ay puwede ng i-petition…malay mo baka ang next President ng US ay blogger din.

        Ay oo tuloy-tuloy na itong pagsusulat ko…ito na iyong ‘in my own little way’ na pasasalamat kay Lord…ang makapag-share.

        Pagpalain ka ng Diyos anak!

  12. pinkdiaries says:

    makiki trivia nalang aku seo lolo, peru mamaya nalang, work mode muna ako, gayahin ko comment ni Fr. fiel.. hehehe

    see yah later!🙂

    • Hello Miss PD…salamat at balik ka lang…hintay ang Lolo.

      • pinkdiaries says:

        ok lolo em back!

        #1- panganay din po ako sa 3 magkakapatid, simula nung mawala tatay ko, ako napo ang tatay, toinks! hehe, at lolo kami naman po ay puro babae, sabi nila puru daw kami pamigay, hehe

        2-haha, akala ko din po mayrong santa klaws,nabuking ko si momy! hehe

        3- sa public din po ako madalas mag aral, lagi naman akong kasama sa dance group, at sa cheer leader! naks! hehe

        4- kapag baksyon, madalas kaming mag swimming, o kaya sa bahay lang..

        5-noong hayskul pasaway nako mnsan, sa probinsya ako nag hysku.

        6- taong 2000 start ng kolehiyo, nahilig sa disco, sumali sa mga sayawan, peru hindi din po ako nagpabaya ng pag aaral

        7-after ng graduation ko, ilang linggo lang nag work nako agad at napadpad sa ibang bansa, 21 years aold ako that time

        8- lolo, skip nako sa lahat, hanggang ditu nalang, wala nakong dekadang maisulat eh..

        lolo, ang bait nyu naman,yun lang ang masasabi ko, at alam kong masaya si lola kung nsan man sya now! so nakaka tats naman po post mu..🙂

        ingat po and God Bless you always!🙂

      • superlolo says:

        Salamat sa pagbalik Miss PD.

        Yap mahirap talaga mawala ang isa sa mga magulang…kaya yan ang isinapuso ko ang magkaroon ng focus para sa mga bata…Pareho kami ng mga magulang mo…tatlong girls naman ang ibinigay din sa amin.

        Yung Nanay ko rin ang nahuli kong as Santa Klaus.

        Oo kasi si Lord ang nagbigay na total healing kay Misis kaya in my dreams…i feel na masaya na siya dahil wala na siyang pain.

        Haha…oo tama ka….nagsisimula pa lamang ang iyong mga dekada….sa totoo lang ang bawat pagtahak natin sa buhay ay pare-pareho lang lalo na kung naka-focus tayo kay Lord….magiging smooth lamang ang ating journey…iga-guide tayo ni Lord para makaiwas sa lubak or di tayo mayanig kung dadaan sa mga lubak ng buhay.

        Salamat at Ingat lagi…God Bless Miss PD.

      • pinkdiaries says:

        yup, tama lolo, kahit anung hirap o pagsubok na nararanasan ko now, hindi nya ako pinababyaan, pinalalakas nya pa lalo ang loob ko para malampasan ko lahat at maiayos sa tama..

        morning lolo! GBU too!

  13. timangkey says:

    galing naman. It takes ordinary people’s stories to see how extraordinary life can be. =)

    • Salamat Timangkey sa pagbisita at salamat sa iyong komento.

      Sakto yung sinabi mo sa nangyari sa aking buhay…ninais kong simple lang ang tatahakin kong buhay…para maka-focus ako sa mga mahal ko sa buhay at sa mga ninais na buhay sa akin ng Diyos…at yun nga di ko akalain…nagiging extraordinary pala siya….di naman siya extraordinary sa akin…pero talagang extra challenge talaga para sa isang Pinoy lalo na yung pag-focus ko kay Lord sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.

      At marami pa rin akong isi-share….dahil sa journey ng buhay kong dinaanan ay puwede itong maging aral sa iba.

      I-add kita sa blogroll ko Timangkey para mabisita rin kita. Ingat & God Bless!

  14. wesarimo says:

    dami mo na pinagdaanan lolo, saludo ako sa iyo, more strength sa 2010. apir!

    • Hi wesarimo…salamat sa pagbisita at salamat sa prayer mo…apir!

      Naku ang buhay ko ay makulay at Black & White. Nais kong i-share ang mga mumunti kong karanasan sa buhay para naman nais ko kahit konti ay may mapulot na aral ang iba sa aking tinahak na buhay.

      Isama kit sa blogroll ko ha…para mabisita rin kita.

  15. Douglas says:

    you do have a wonderful life.

    congrats po sa inyong tagumpay.

    at meron din akong vinyl collections. binibili ko nga lang sa ukay-ukay at pinapagilitan pa ako ng mga kaibigan ko dahil ipod na daw ang uso ngayon. isa daw akong matanda na nagwangis bata. haha

    • Maraming salamat Douglas.

      Ang dami kong pasasalamatan sa aking tagumpay sa buhay….napakarami sila…at alam ko si Lord ang laging gabay sa aking mga napag-tagumpayang tinahak na buhay…pero tuloy lang naman ako sa pagguhit pa ng buhay ko….ang simple kong buhay….tuloy para sundin ang mga misyon pa na ipapagawa ng ating Panginoong Diyos.

      Teka ano ba ang idad mo at mahilig ka sa vinyl records?…bata ka pa yata ah….nung andyan pa ako ay nagpupunta ako dyan sa may Cubao para bumili ng mga LP…tapos nung andito na ako ay itinuloy ko ang pag-kolekta ko….sa mga garage sale ang halaga ay 25cents…May Ipod din ako pero minsan ay trip kong makinig sa mga LP.

      I-add kita sa blogroll ko ha…para mabisita rin kita. Maraming salamat sa pagbisita & God Bless!

  16. eli says:

    kakatuwa naman. hanga ako sa pagsusumikap mo lolo. totoo nga na kapag magtitiyaga siguradong may mapapala.

    musikero ka din pala. galing naman.

    sana ngayong 2010 lalo pang maging makulay ang habay..

    • Salamat Eli.

      Ipinagpapasalamat ko rin siyempre sa aking mga Magulang ang pagmamahal at pagkaka-disiplina sa akin…maraming tukso ang buhay…pero naging matatag ako sa paniniwala na may magandang bukas kung susundin ang mga payo ng mga magulang.

      Katulad ko alam ko na ang bawat sulok yata ng buhay…mahirap ng balikan ang nakalipas..at sana napagbuti pa…pero siguro yun na ang the best kong magagawa…i tried my very best…and pinagpapasalamat ko at nakita rin ng mga anak ko ang pagsusumikap na ito…para sila rin ay magtagumpay sa hamon ng buhay.

      Oo Eli yan ang balak ko…harapin pa ang hamon ng 2010 na punong-puno ng pagmamahal at pananampalataya sa Diyos.

      Tayong lahat….ating harapin ng punong-puno ang ‘what matters most in our life’….and life is a gift…enjoy this gift.

      Maraming salamat sa pagbisita at God Bless!

      • ELIment says:

        wow naman. hehe

        at sana sa taong ito at sa mga susunod pa..sama sama parin tayo dito sa blogospero. GBU po.

      • Ay oo Eli looking forward ako sa masayang pagkakakilala natin dito….kayo ang mga bago kong kaibigan…mas madalas pa nga tayong nagkakapag-usap kaysa sa mga dati kong kakilala at kaibigan sa Pilipinas.

        Maraming salamat sa mga panahon sa pagbisita.

        God Bless din.

  17. Nortehanon says:

    Magandang araw, Lolo Jem.

    Kumusta po? I had a great time reading these random things about you. Maraming salamat po for sharing. Nakatutuwa pong malaman na meron po tayong mga pagkakapareho pagdating sa experiences sa buhay.

    Happy new year po.

    • Hi Miss N…. ayun nabasa ko na kaya pala matagal kang di nakapag post…another misyon accomplish pala ulit ang iyong project….clap clap clap.

      Mabuti naman ako Miss N….medyo di na masyado malamig dito sa amin.

      Masaya akong mai-share ang aking buhay…lalo na sa mga katulad ninyong mga kaibigan ko dito sa blogosperyo…sana yung masasayang parte ang pinagkapareho natin.

      Muli Happy New Year din sa iyo! God Bless!

  18. orville says:

    lolo galing po.. talagang nagpakatotoo kayo.. nakaka inspire naman ung na share u bout sa mga pingadaanan mo sa buhay.. i do believe na malaki ang magiging impact sa buhay niyan ng makakabasa… God bless po.

    • Maraming salamat Orville.

      Iyon din ang aking intensyon na yung simple kong buhay ay maka-inspire kahit may mga pagsubok ay magpatuloy lamang at di makakalimot sa ating Panginoong Diyos.

      Dahil sa pagkakaibigan ninyo ay buong puso kong nai-share ang buhay ko.

      Ingat & God Bless din.

      • orville says:

        yup lolo.. ganyan lang po … salamat.. pwede ko po ba kayong maging lolo? patay na po kasi mga lolo ko..hehe

      • superlolo says:

        Ay oo naman Orville…ikinagagalak ko kahit sa virtual world ay maging Lolo mo ako at makapagbigay sa iyo ng gabay kahit nasa malayo akong lugar…na alam ko someday ay magkikita tayo riyan.

        Maraming salamat Orville & God Bless you always!

  19. Happy New Year po Super Lolong Pinoy!

    This is a great post and very inspirational to me.

    May God bless you and your family always.

    Ingat po lagi.🙂

    • Salamat Roneth & Happy New Year!

      Sa iyo ako magpapasalamat sa pagsisimula ko sa blogosperyo. Kung natatatnadaan mo ikaw lang ang una ko nakilala dito.

      At ayun tuloy-tuloy na…salamat din sa inspiration na magsulat.

      Salamat…Ingat lagi dyan & God Bless din!

  20. bongkito says:

    Hi Tay! Sorry ngayon lang ako. Anyways, sobrang nkakatuwa at kayo rin ay meron na rin nung parang sa min ni Kaye at ng ibang kaibigan natin sa blogosperyo. Ang saya naman!

    Ang talagang naka-antig sa akin ay yung mahirap na pamamaalam sa yong butihing Mommy. Ako man ay naiyak, lalo pa’t alam mong yun na inyong huling pagkikita. Ako mismo di ko kakayanin yun. But am proud of you because you’ve become strong about it and realized that she would be on a better place with no more pain for her to deal with. I will pray for her na she will always look after you all the time. Iba kasi pag nawala ang asawa dahil half ng buhay mo nawawala. Just remembering what is usually said in weddings, “when two are joined together, they become one, and nothing will separate them from then on.

    Mabuhay ka Tay! Sana lagi kayo matibay at malakas sa lahat ng pagkakataon. Basta kami andito lang po sa inyo.

    Ingat lagi po! Hug ko kayo!🙂

    • Naku okay lang Bong alam ko busy ka sa pag-aalaga kay Kaye…Maraming Salamat Bong sa prayers.

      Naging magaan sa aking puso ang ipagkatiwala sa ating Panginoong Diyos siya dahil alam ko na may mas magandang buhay ang inio-offer ni Lord sa atin…lalo na yung sa pagkatapos ng buhay dito.

      Ay totoo ang sinabi mo na mahirap mawala ang isa sa mag-asawa…pero yun nga sa pagtitiwala ko kay Lord…na sinabi niya na di niya pababayaan ang mga balo…may special place sa puso ni Lord ang mga balo…sa totoo lang feel ko at ng aking mga anak na andyan lang lagi ang aking asawa sa buhay namin…naniniwala ako na isa siya sa mga angels ng aming buhay.

      Ay oo Bong…hugs din…kayo ang bago kong mga kapamilya
      at kapuso. Musta rin kay Kaye.

      Hugs & Gos Bless!

  21. taribong says:

    Tats (ito na po ang bago kong tawag sa inyo, short for Tatay, at dahil parating nakakaantig ang blogpost ninyo hehehe. Okay lang po ba?)
    Dapat ay una po akong mag-base dito, kaya lang ay ipinagpaliban ko. Naaalala ko kasi ang aking ina na nasa piling na ng Dakilang Lumikha “…binigyan siya ng complete healing….no more pain…” mula sa sakit na breast cancer. Sobrang miss na miss ko na siya… Ooops, hanggang dito na lang at baka ariin ko na ang site ninyo kung ipagpapatuloy ko hehehe
    Maraming salamat, Tats. Best regards sa inyong lahat diyan at God bless you always. Hanggang sa muli…..

    • Ay okay Taribong ang Tats…salamat.

      Nuong bago ko gawin ang post na ito…ay matagal ko ring pinag-isipan kasi yun nga…may dating na lungkot…pero naisip ko naman na ito ang realidad ng buhay…may mga pagsubok…may simula at may katapusan…pero sa lahat ng ito ay ipinakikita ko rin ang matinding pasasalamat at pananalig sa ating Panginoong Diyos na naging aking sandalan sa buhay kong ito.

      Alalahanin ko ang iyong Ina sa aking mga panalangin na naging biktima ng sakit na kanser. Ramdam ko ang bigat na pinagdaanan ng iyong Ina. Totoo yang sinabi mo…sobrang miss…mag limang taon na rin ang aking mahal na asawa pero ayun…sobrang miss…pero ang tiwala ko sa Diyos ang nagpapalakas na someday ay magkikita rin kami.

      Marami din salamat at God Bless!

      • taribong says:

        Maraming salamat Tats. Hindi sapat ang mga salita upang mabuo ang mga dapat sabihin ko rito… Nananatili akong matatag upang harapin ang mga hamon ng buhay, katulad ninyo.

        Noong bago mag-Pasko, pumunta kami sa isang burol ng isang kakilala/ka-propesyon/kaibigan. Anim na taon siyang nakaratay sa karamdaman, ilang beses umulit ang pagka-stroke, lumala at nagkaroon ng komplikasyon, pabalik-balik sa hospital, madalas sa ICU. (Katulad din ng aking ina.) Sa pagbabahagi ng pari sa misa ay dapat daw tayong magpasalamat sa pagkakilala sa mga naunang pumanaw mula sa pagkakasakit, naging bahagi sila sa ating buhay at naging bahagi tayo sa kanilang buhay. May “redemptive aspect of suffering” daw sa bawat isa sa atin. Naihanda ng ating mahal sa buhay ang kanilang sarili sa pagbabalik sa Dakilang Lumikha, tayo ang kanilang kasama at kaagapay sa kanilang paghahanda.

        Sana ay makita natin na ang ating buhay ay “grace-filled” dahil sa ating mahal sa buhay. Nananatiling bahagi sila ng ating buhay at ganon din sana tayo sa ating pamilya at maging sa ibang tao.

        Hanggang sa muli po at maraming salamat ulit, Tats. God bless you always po.

  22. darbs says:

    Wow! na may kasamang bow!

    Wow! talagang dibdiban ang usaping talambuhay dito sa bahay mo Superlo.

    Wow! sa tatag, na kahit anong hirap ang dinanas patuloy na pumipiglas, sumasayaw at nakipaglaro sa hangin ng pag-asa upang makaahon sa kahirapan

    Wow! kahit akoy hindi sundalo pero saludo po ako sa blog entry ninyong ito.

    Wow! again sa mga responses ng inyong mga bisita.

    Wow! Wala na akong masabi pa kundi saludo na na naman.

    Wow! hindi po magkakalayo ang buhay ng may buhay na mababasa sa bawat pahina.

    Wow! ang sanaysay sa buhay…

    wow!

    Now I have to bow . . .

    • superlolo says:

      Maraming Salamat Darbs sa iyong pag saludo sa aking simple, nagpapakatatag at ordinaryong kong buhay…na ang nais lang ay maging sikat sa mata ng Diyos…at maipahayag ang aking pasasalamat sa magagandang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa aking buhay na kahit dumaan sa matinding pagsubok ay di ako bumitaw sa kalinga ng ating Panginoong Diyos.

      Ikinatutuwa ko na ipahayag itong kuwento na ito sa inyong aking bagong mga kaibigan dito sa blogosperyo…isang pagpapahayag ito ng aking pasasalamat sa inyong pakikipagkaibigan sa akin.

      Saludo naman ako sa inyong pakikipagkaibigan.

      Muli maraming salamat at Happy New Year!

  23. J.Kulisap says:

    Hi there friendship.

    Kamusta ang aking kaberks?

    May result na ang iyong pagsusulit.

    Maraming salamat, ako ay nagtataka pero ipinalumagay ko na lamang na, marami ka ng nakilalang tao.

    Salamat.

  24. you are so brave in telling your struggles in life.. you are blessed!

    • Hi berkeleysamson,

      Salamat. Ito yung way ko kasi para mapasalamatan ang ating God. Nais kong mai-share ang aking mga struggles in life para maipakita na may tumutulong upang malampasan ang mga pagsubok na ito. Na sa pagkatapos ng gabi ay sisikat ang araw.

      Bumisita ako sa iyong blog at ang ganda ng iyong unang post…Connecting. Ang ganda ng message. Gusto ko rin yung mga ganyang post na nagpapaalala kung ano nga ba ang kailangan ng tao sa ngayon.

      I-add kita sa aking blogroll para mabisita kita ulit. Salamat sa pagbisita.

      Keep on blogging! God Bless!

  25. hello, ‘lo!

    teka, tingnan ko kung ano ang mga natandaan ko sa ‘king mga nabasa, hmmn…

    na sa ateneo kayo nag-high school

    na nag-aral kayo ng pagtugtog sa piano at mahilig sa music

    na tumira muna kayo sa sampaloc bago pa sa QC

    na may bigote kayo noong araw, ahaha

    na wala kayong naging bisyo? as in? naman.. totoo ba kayo? ahaha…

    na ang ganda ng misis nyo. mukha syang happy person🙂

    na talaga palang naging active kayo sa church/ ministry

    o, ‘lo, ilan ang score ko sa quiz? ahaha… kumusta po?🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s