It is finished

Natapos na.

At huwag kayong mabigla…di ito sinulat para sa Holy Week.

Isang kaligayahan na walang katulad ang nasa puso ko ngayon na mangyayari bukas…Hunyo 11, 2011.

Magtatapos na si bunso sa kolehiyo. At masasaksihan ko ang kakaiba niyang pagtatapos sa kolehiyo na sa kahit sa panaginip noong ipinanganak siya ay hindi ko maisip na mangyayari. Ang magtapos si bunso ng kolehiyo sa Amerika.

Habang binabalikan ko sa aking isipan ang mga pagsubok at kalungkutan na dinaanan ni bunso sa kanyang buhay. Sobrang bata pa niya noon upang matanggap ang karamdaman ng kanyang ina…hanggang sa tuluyang pagkawala ng isang ina sa kanyang buhay. Ang inaasam niyang maipagmalaki ang kanyang diploma noong high school niya sa kanyang mahal na ina ay di na nangyari. Nagkaroon ng panibagong hamon si bunso noong pumasok na siya ng kolehiyo sa Maynila. Tatlong taon din ang kanyang binuno at sinuong ang biyahe ng Tandang Sora at Espanya sa Maynila. At pagkatapos ng ikatlong taon ni bunso sa kolehiyo ay tinawag na kami dito sa bayan ni Ankel Sam…sa Amerika. Tandang-tanda ko pa ang kalungkutan at pag-iyak niya na lisanin ang kanyang paaralan at mga kaibigan.

Sa tatlong taon na nakaraan sa pagtira namin dito sa Amerika ay binuno muli ni bunso ang kanyang pangarap na makatapos sa kolehiyo. Habang natapos na halos ang kanyang mga kaibigan sa Maynila noong isang taon pa ay patuloy niyang tinapos ang pangarap niyang kurso. At halos nagawa pa niyang mapagbuti at magkaroon ng mataas na marka sa kabila ng kanyang pagpasok sa isang trabaho sa oras na wala siyang pasok sa eskwela.

At yun nga…parang isang buntong hininga…tapos na si bunso. Salamat sa iyo Panginoong Diyos.

Para sa iyo bunso…Congratulations!

(Ang litrato na ito ay kuha noong taong 2005. Sa pagtatapos ni bunso noong high school.)

“What we are is God’s gift to us. What we become is our gift to God.”–Eleonor Powell

21 comments on “It is finished

  1. Ramdam ko ang iyong lubos na kaligayahan at pagmamalaki sa tagumpay ng iyong bunso. Totoo na ang tagumpay na ito ay dahil sa kanyang pagsusumikap, ngunit hindi ito mangyayari kung hindi rin sa pagsusumikap at pagsuporta ng kanyang mga magulang. Saludo ako sa iyo, bilang ama (at ngayon bilang ina na rin).

    • Maraming salamat PinoyTransplant. Totoo yun naging NaTay na rin ako sa aking mga anak at sa awa ng Diyos ay nagampanan ko naman ng maayos. Katulad mo rin at ng iyong pamilya na iginuguhit ang isang buhay sa Amerika ay tunay na kaligayahan ang bawat accomplishments ng ating mga anak…walang kaligayahan makatatapat sa kabila ng mga pagsubok na ating dinadaanan bilang mga magulang. Salamat sa pagbisita. God Bless!

  2. john tugano says:

    I was touched by your story,kakalungkot naman at hindi na naantay pa ng kanyang ina yung pinaka precious moment ni bunso sa buhay niya..Well,congrats pa din at nakapagtapos na xa..Advance happy fathers day.

    • Maraming salamat John sa pagbisita.

      Tunay ang sinabi mo na magkahalong saya at konting lungkot para sa akin ang pagtatapos ni bunso. Ang punto na sana nga kapiling namin ni bunso ang selebrasyon ng graduation ang kanyang mahal na ina. Talagang halos pumatak ang aking luha ng tinawag na ang kanyang pangalan sa entablado…maiikling sandali pero punong-puno ng mga kaligayahan at alaala.

      Maraming salamat din sa pagbati para sa araw ng mga Tatay.

      Isama pala kita sa blogroll ko para makabisita rin ako sa bloghay mo.

      Ingat lagi & God Bless!

  3. taribong says:

    Congratulations po, Tats!!!! Ngayon po ang araw ng pagtatapos!!! Ipabatid niyo po ang aking pagpugay at taos-pusong pagbati sa inyong anak!!! Salamat po sa inyo sa pagtataguyod sa kanya mula pagkabata, ngayon ay haharap na siya sa mundo taglay ang mga natutunan sa paaralan at mga aral mula sa inyo at higit sa lahat, bilang isang Pilipino.😀

    Makikilahok po ako sa pagdiriwang! Cheers!!!!😀

    • Maraming salamat Tars at makakarating ang iyong pagbati.

      Tama ka Tars sa pagkakabanggit mo ng “bilang isang Pilipino”. Yan ang isang naramdaman ko kahapon sa graduation ni bunso…ang karangalan na makatapos siya sa isang unibersidad na karamihan ay ibat-ibang lahi. Marami din akong nakitang mga Pinoy at palagay ko ganun din ang kanilang feeling…taas noong nakatapos ang isang anak bilang isang Pilipino.

      Isang tagay na red wine para sa iyo Tars. God Bless!

  4. mtoni says:

    congratulations sa Kanyang pagtatapos at sa iyong pagdiriwang Tay.

    kumusta po Kayo!

    • Maraming salamat Mtoni. At salamat din sa pagbisita. Na miss kita anak ah…mukhang maraming kang pinagkakaabalahan din. Medyo ako ay bisi-bisihan din kaya ayun di rin maka bloghop. Sa awa naman ng Diyos ay maayos naman kami dito….medyo malapit na yata kami gumamit ng pamaypay dito.

      Oo tunay na kaligayahan ng isang magulang ang makapagpatapos ng isang anak…saan man sulok ng daigdig. Nabigyan ko na siya ng sandata para matupad ang kanyang mga pangarap sa mundo na ito…tunay na isang pagdiriwang sa aking puso.

      Musta rin sa iyo at God Bless!

  5. salbehe says:

    Pinakamasaya talaga ang magulang kesa sa mga graduate! Congrats Lolo!

    • Naku tunay ang sinabi mo Miss Salbe…maluhaluha pa sa saya. Maraming salamat sa pagbati.

      At ayun samantalahin ko na rin na i-congratulate ang iyong kapatid na nagtapos din…ang bunso ninyo ay tapos na rin. Congrats din sa iyong mga magulang.

      Ingat lagi & God Bless!

  6. kaye says:

    nakakatuwa naman talaga, tay! I feel your pride. ako nga grumaduate pa lang ng kinder at elementary, ang saya saya ko na, ano pa kaya kung kolehyo na? congrats kay bunso at lalo na sa inyo, dahil kahit magisa na lang kayo sa buhay ay nagabayan nyo pa rin ng maayos si bunso. siguradong masaya po si nanay kung nasan man siya.🙂

    Mabuhay po kayo!

    • Maraming maraming salamat Kaye. Ay totoo ang sinabi mo Kaye ganyan din ako ka-excited at kasaya sa lahat ng mga okasyon ng mga bata lalo na sa mga eskwela nila at yun nga dahil last na si bunso ay masasabi ko na parang nag graduate na rin ako sa saya. Pwede ko na yata sabihin na ‘mission accomplished’ sa parte ng pagpapaaral sa kanila.

      Oo yun din ang pinagpapasalamat ko sa Diyos na nagabayan ko sila kahit nag-iisa lamang ako. Yung si panganay lang ang nakita ni Misis na mag-graduate sa college. Isang dalangin niya iyon nung may sakit siya na sana makita niya kahit si panganay namin lang. At ipinagkaloob naman sa kanya ng Diyos.

      At tunay ang sabi mo na maligawa na si Misis para sa mga bata…naging inspirasyon din ng mga bata ang kanilang ina upang pagbutihan ang kanilang pag-aaral.

      Salamat muli. Kumusta na rin sa buong family. God Bless!

  7. J. Kulisap says:

    Aking ipinapaabot ang pagbati sa pagtatapos ng iyong bunsong anak Kaberkie.

    Higit kang mas maligaya.🙂

    Mas nagdiriwang ang kaniyang ina.🙂

    • superlolo says:

      Maraming salamat Kaberkie. Tunay ang iyong sinabi super na masaya ako at nagdiriwang ang kanyang ina sa kanyag masayang lugar ngayon.

      Super close ang anak kong bunso sa kanyang ina kahit sandali lamang silang nagkasama ay tunay na inalay niya ang kanyang pagsisikap sa aming kanyang mga magulang.

  8. taribong says:

    happy father^s day, tats!!!

  9. ana_banana says:

    Congrats po kay bunso… Happy Fathers Day din po sa inyo🙂

    • superlolo says:

      Hello Ana…Maraming salamat sa iyong pagbati at salamat sa pagbisita. Pasensiya ka na medyo bisihan ang lolo at di maka bloghop.
      Musta na lang sa iyo at God Bless!

  10. duking says:

    pang happy fathers day na post po ito, sir.

    congrats sa bunso mo,sir at happy fathers day sa’yo. biyaya kayo sa isa’t isa bilang ama at anak. magpatuloy po sana ang marami pang tagumpay at saya sa inyong buhay.

    magandang araw po!

    • superlolo says:

      Haha oo nga parang Father’s Day na post…maraming salamat Duking sa pagbati at prayers. Para rin sa iyo Duking at iyong pamilya dalangin ko ang kapayapaan at pagbuhos ng mga biyaya sa inyong buhay.

      Ingat lagi & God bless!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s