Si Tatang

Si Tatang, ang caretaker nang bahay na nakikita ninyo sa litrato, ay aking nakakwentuhan sandali habang siya ay namamahinga sa kanyang paglilinis. Medyo mahiyain si Tatang kaya walang malapit na kuha ako sa kanya.

Tubong Nueva Ecija, sitentay-nuwebe ang idad, may asawa, at magtatatlong taon pa lamang sila dito sa bayan ni Ankel Sam. Kinuha silang mag asawa ng kanilang anak na US citizen at doon sila nanunuluyan. Nabanggit niya na dating guro ang kanyang asawa at siya naman ay nagsasakahan noong nasa Pilipinas pa. May mga anak at apo silang naiwan pa sa kanilang probinsya. Hindi pa sila nakauwi para magbakasyon simula noong naparito sila. At inaasam-asam ang isang bakasyon sa buwan ng Oktubre na darating.

Marami siyang bahay na inaalagaan dito…nililinisan at inaayos ang mga hardin kadalasan…dahil yun daw ang kanyang gawain sa Pilipinas ang magtanim at masakahan. At isa na nga ang bahay na iyan, na dalawang beses sa isang buwan niya nililinisan. Isang pagpapalipas daw nang kainipan ang kanyang pagiging caretaker ng mga bahay dahil sanay daw ang katawan niya na laging may ginagawa.

Bilib nga ako kay Tatang dahil napakalakas pa niya sa kanyang idad pero nabanggit niya medyo palyado na rin ang kanyang katawan. Nabanggit niya na napakarami na niyang gamot na iniinom noong nasa Pilipinas pa siya. Dahil daw sa kanyang sobrang pagsasakahan noon sa atin ay nasobrahan ng pagod ang kanyang puso kaya humina raw ang kanyang puso…sabi ko nga mukhang sobrang na-stress ang kanyang puso at tila sa sobrang sipag niya ay nakakalimutan na niyang bigyan ng kapahingahan ang kanyang katawan.

Naikuwento rin ni Tatang si Nanang…’third-life’ na daw. Ikalawang buhay noong nalagyan daw ng ‘pacemaker'(isang maliit na makina na inilalagay sa malapit sa puso upang tulungan itong tumibok ng maayos) ang puso dito sa Amerika. At yung ikatlong buhay naman ay nangyari noong ikalawang linggo ang nakakaraan. Na-emergency daw si Nanang at akala daw niya ay katapusan na. Noong panahon daw na nasa hospital si Nanang ay pinag-uusapan na daw nila ang mga puwedeng gawin kung di sakaling maka-recover. Pero ayun makalipas ang tatlong araw sa hospital ay nakalabas at nagpapalakas sa ngayon. Sabi ni Tatang na isang milagro ang paggaling kaagad ni Nanang at may misyon pa nga daw ito. Maluha-luha nga si Tatang habang ikinukwento ang nangyari kay Nanang.

Ang palagi sinasabi ni Tatang ay kung daw nasa Pilipinas sila ay malamang kinuha na sila ni Lord. Dahil daw sa mga nagagawa ng mga medisina sa kanila dito sa Amerika ay tunay na nabibigyan ng karagdagan ang kanilang buhay.  At patuloy na nangangarap dahil sa nakakamit na lakas ng katawan na mapabuti ang kalagayan ng mga naiwan sa Pilipinas…lalo na ang kanilang mga apo.

Bakit nga ba ganun? Palagi na lang takot ang mga matatanda sa Pilipinas kapag nakatira na sa bayan ni Ankel Sam.

Hayyy hamo na nga muna yan…basta si Tatang at si Nanang sa ngayon ay nangangarap na kanilang unang bakasyon. Marami na rin daw silang naipon mula sa kanilang part-time na trabaho dito at halos puno na ang mga dadalhing balikbayan box.

Happy trip po sa inyo…

“Nobody grows old merely by living a number of years.  We grow old by deserting our ideals.  Years may wrinkle the skin, but to give up enthusiasm wrinkles the soul.”  -Samuel Ullman

21 comments on “Si Tatang

  1. J. Kulisap says:

    Ang sipag pa ni Tatang ano Kaberkie? Kahanga-hanga.

    Para sa pamilya lagi nakatuon ang ating isip. Yan ang kaugalian ng Pilipino na talaga namang ikatataas ng noo natin.

    Ang ganda ng kasabihan mo. Nakaka-inspire

    Kamusta?

    • Maraming salamat sa pagbisita Kaberkie.

      Tunay ang iyong sinabi…sa idad niyang 79 ay buo ang kanyang pangarap na may maitatawid pa siyang mga anak dito sa US upang makapiling sila sa bayang napakaraming nag-aasam makarating.

      Kung makikita mo ang mga puno na katawan na lang sa harap ng bahay. Iyan ay inakyat ni Tatang upang putulin isa-isa ang bawat sanga ng kanyang itak.

      Mabuti naman ako dito Kaberkie. Salamat. Musta rin sa iyo.

  2. hello, kumusta po?🙂

    ayon naman pala ang kwento nina tatang at nanang. like ko po….

    • Mabuti naman ako Miss DPSAn.

      Oo inspirasyon ko ang kalakasan ni Tatang. Sana abutin ko rin ang idad na katulad niya na malakas pa rin. Musta rin sa iyo at salamat sa pagbisita. God Bless!

  3. Bilib ako sa lakas at sipag ni Tatang. Pero mas bilib ako sa kanyang malasakit sa kanyang mga anak at apo sa kabila ng kanyang katandaan. Sana’y pahalagahan nila ang laman ng balikbayan box, na ipinuhunan ay dugo at pawis ng matanda.

    • Tama ka PT. Dugo at pawis ang puhunan ng balikbayan box. Halos ang isip nila ay makatikim ang mga nasa Pinas ng natitikman nila dito sa Amerika…lalo na ang mga tsokolate…Salamat sa pagbisita. God Bless!

  4. Pong says:

    Sana po matuloy ang bakasyon nina Tatang at Nanang sa Pinas ng makapagrelax sila at higit sa lahat ay makita ang mahal sa buhay sa Pilipinas.

    be blessed po superlo at muling nakadalaw.

    • Hello Pong…maraming salamat sa pagbisita.

      Oo ramdam ko sa idad nila ang kasabikan na makita ang mga naiwan na mahal sa buhay sa atin at mabigyan sila ng konti nilang pinagpawisan sa Amerika… parang mga OFW rin sila na ninanais ipalasap ang sagana sa bansang tinutuluyan at pinagtatrabahuhan.

      God Bless din Pong!

  5. Dorm Boy says:

    Hi Superlolo! It’s nice to be back reading your precious blog. Awwness naman ang kwento ni Tatang at Nanang. Pero napaisip din ako sa last statement mo about sa point of view ng mga oldies sa Pinas…. Sna lang maging ok dn ang benefits ng mga Senior Citizens dito sa ating bansa. Keep blogging lo!

    • Hello DB at maraming salamat sa pagbisita.

      Oo bakit nga ba ganun ang sinasabi ng mga matatanda na nakatira dito sa Amerika? Na baka kung nasa Pinas sila eh baka natigok na sila.

      Tama ka malamang ang punto eh ang medical benefits para sa ating mga senior citizen dyan sa atin. Sana mabigyan ng magandang pag aasikaso ng gobyerno ang mga senior citizen lalo na sa pangangalaga sa kanilang kalusugan na katulad ng pagpapahalaga dito sa bayan ni Ankel Sam.

      Ingat lagi & God Bless DB!

  6. ana_banana says:

    Sana bigyan pa ng lakas ng katawan sila Tatang at Nanang. They truly deserve a vacation for their hardwork… imagine sa edad nilang yun they still work and earn for a living.

    • Maraming salamat sa pagbisita Ana.

      Oo yun nga ikinabilib ko sa kanila na almost 80 ay talagang humahataw pa rito sa Amerika…at iniisip ang maipapadala sa mga mahal sa buhay sa Nueva Ecija. Isang katangian ng mga OFW na lagi nasa isip ang mga naiwang mahal sa buhay sa Pinas.

      Ingat lagi & God Bless Ana!

  7. taribong says:

    Magandang araw po, Tats! Kumusta na po kayo?!? Pasensiya na po kung tuwing dumadalaw ako dito ay hindi ako nag-iiwan ng bakas😀

    Naalala ko bigla ang sinulat ni Benjamin Pimentel na “Mga Gerilya sa Powell Street”. Tungkol iyon sa mga Pilipinong beterano ng World War II na pinagkalooban ng American citizenship at sa kanilang pamumuhay sa banyagang lupain. Nabasa ko po iyon habang mainit na usapin ang pagbibigay ng America ng karagdagang benepisyo na tinawag nilang World War II Filipino Veterans Equity Compensation Fund.

    Gusto kong muling basahin ang libro at balikan ang mga tagpo sa kuwento kung saan ay mga lugar na napuntahan na po ninyo; at muli ko ring titignan ang mga larawan ng mga iyon sa inyong mga nakaraang posts hehehhe.

    Maraming salamat po. God bless po sa inyo at sa inyong buong pamilya!😀

    • Mabuti naman ang Tats mo dito Tars. Naku okay lang Tars…ako man ay bisi-bisihan at di makaikot sa mga ka bloggers.

      Hahanapin ko nga yan book sa library dito…”Mga gerilya sa Powell…”. Oo masalimuot ang buhay ng mga beterano dito lalo na yung walang mga maayos na pamilya dito. Medyo naibigay na sa karamihan ang Equity Compensation…mga 15K dolyares yun.

      At tunay na kakaiba ang senaryo sa Powell Street kung iyong makikita. Hamo sa susunod ay mag kodak ako sa pali-paligid ng Powell. Dyan mo nga makikita ang maraming matatandang beterano na Pinoy na nagpapalipas ng mga oras.

      Maraming salamat sa pagbisita sa kabila na iyong kaabalahan. Okay naman ang aking pamilya…salamat at God Bless din sa iyo.

  8. duking says:

    natural talaga ang sipag ng mga pinoy. nakatutuwang isipin na dala nila iyon kahit saan sila magpunta kahit pa nga nilalabanan na ng katandaan at mga sakit sa katawan, pamumuhay sa bagong klima at ibang kultura kaysa sa nakasanayan dito.

    hangad ko po ang ligtas nilang pagbabalik at masayang bakasyon.

    magandang araw po!

    • Oo Duking bilib nga ako kay Tatang dahil ipinagmamalaki niya na dati sa lupa at halaman ang kanyang trabaho sa Pinas kaya yun pa rin ang nasa puso niya…tama ka ang nakasanayan niyang gawain na masaya para sa kanya…kahit naandito na siya sa ibang lugar…tunay na katangiang Pinoy.

      Oo makakarating kay Tatang…sa totoo lang habang sinusulat ko itong kasagutan ko sa iyo ay naandun siya sa tapat ng bahay na kung saan ay patuloy pa rin siyang naglilinis at inaayos ang mga halaman.

      Kumusta rin sa iyo Duking at salamat sa pagbisita. God Bless!

  9. Spher says:

    Ang magandang klima at maayos na pagkain ang isa sa nagpapahaba ng buhay sabi ko nga mapunta lng ako sa isang malamig na lugar na tulad ng kinatitirikan mo malamang hahaba ang buhay ko ahahahaha iba po kc ang life style jan senyo kaya lalong lumalakas si tatang🙂 at ska nakasanayan na ni tatang ang gawaing bukid hinahanap hanap ng katwan nya…

    tay, kmusta po?

    • Oo tama ka Anne plus yung may libreng medical insurance at magaling na mga doctors na nagbabantay sa kalusugan ng mga matatanda dito. At nagiging malakas pa rin sila Tatang eh dahil nasaisip pa rin nila ang mga naiwang mga mahal sa buhay sa Pinas.

      Mabuti naman ako Anne…salamat sa pangangamusta.

      Ingat ka lagi dyan and God Bless!

  10. kristine says:

    salamat po sa mga blog Tay🙂
    para po siguro sa inyo simpleng blog lang itong ginagawa niyo pero nakatulong po ito ng malaki sa pag-aaral namin ng asignaturang Retorika. humihingi po ako ng permiso ninyo na maibahagi ang ilan sa inyong mga akda sa aming klase at pati narin po sa opisyal na website po ng aming grupo bilang parte ng kahingian ng aming propesora.

    AMDG!
    God bless😀

    • Hello Kristine. Ikinagagalak ko na ako pala ay nakakatulong lalo na mula sa aking blog na ito sa inyong pag-aaral. Oo Kristine isang karangalan na maging parte
      ako ng iyong website…tunay na maraming salamat din sa iyo at sa inyong propesora.

      Tunay na pagbubutihin ko pa ang aking pagsusulat dahil ito pala ay mababasa sa inyong paaralan.

      Sana mabigyan mo ako ng link ng inyong website upang mabasa ko rin ang mga nasusulat sa inyong website.

      Maraming salamat & God Bless!

  11. kristine says:

    http://www.bte2-2n-retorika.webs.com

    pasensiya na po at medyo natagalan po ako sa pagreply sa inyo.
    naging masyadong aktibo po kasi ang aming klase sa iba’t ibang gawain sa school, at sinabayan pa po ng napakaraming requirements ng halos lahat ng aming mga propesor.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s