Minsan ko silang pinangarap at nakapiling

Naging parte sila ng aking kabataan.

Isang kaligayahan sa aking puso at isipan dahil nagkaroon ako ng pagkakataon na makapiling ko sila.

Sikat na sikat sila noong araw…pinagkakaguluhan…at pinag-iipunan ng salapi makapiling lamang.

Ngunit sa pagdaan ng panahon ay nakalimutan na sila. Madalas ay makikita ko na lamang sila sa tabi-tabi na lamang, napabayaan na. Busabos na at nasa basurahan kadalasan. Hindi na sila pinapansin ngayon.

Hindi ko nasabi sa kanila ang aking pagmamahal dahil minsan sa aking buhay ay nakapagbigay ng hindi maipaliwanag sila ng kaligayahan.

Sila lamang ang aking naging isang bisyo na tunay kong minahal at hanggang ngayon ay di makalimutan.

Kaya naririto ako muli upang sariwain ang aking nakaraan sa piling nila.

Naalala ko pa ang lahat na nagsimula sa pasilip-silip lamang sa eskaparate sa kalye ng Raon, sa Sta. Cruz Manila. Maingay ang mga tindahan dito at parang nanawag na bilhin mo na ako. Sa kalye Raon lamang noon mabibili ang mga ganitong bagay sa Maynila. Sapatos pa lamang ang paninda ng ShoeMart noong una akong nagawi sa kalye ng Raon.

Pabalik-balik bawat araw habang binibilang sa isipan kung kakasya na ang naipon na pera.

Maaring hindi na ninyo sila nakita o nakilala man lamang kaya andito ako na muling binubuhay sila sa aking isipan upang ipakilala sila isa-isa dahil maaring minsan ay pinangarap at dumaan din sila sa inyong buhay.

Ang transistor radio ang una kong nakasama sa buhay noong bata pa ako dahil niregaluhan ako ng aking Lolo. Matagal-tagal din kaming nagkasama, halos buong haiskul ay magkasama kami. Maligaya na ako noon sa tunog ng mga istasyon sa FM.

Kasabay ng transistor radio na iyan ay pasingit-singit naman sa aking buhay ang mga plaka ng aking Tatay sa aming probinsya. Ipinatugtog ang mga plaka sa tinatawag na turntable. Pinangarap ko noon na magkaroon ng turntable pero inabot na siya ng mga sumunod na ibang napamahal sa akin.

Vinyl na plaka(33)

Turntable

Maingay noong dekada sitenta sa Maynila ang mga sasakyang pampubliko. Nauso na ang tinatawag na 8 track car stereo player, pingarap ko siya kahit wala kaming sasakyan. Inilagay ko siya sa bahay at tunay naman na kakaibang kaligayahan dahil kakaiba na ang tunog niya sa mga plaka. Sa mga nakakaalala ay tunay na naging diskuhan ang mga sasakyan noong araw sa Maynila sa paggamit ng 8 track.

8 track Player

Dahan-dahan nang pumapasok ang kapalit ng plaka at 8 track dahil hindi ito nadadala sa labas ng bahay. Nais na ng mga tao na laging katabi ang musika hanggang paliguan at tulugan. Kaya pumasok na ang akala ko noon ay siya na ang magiging huling makakasama sa buhay…ang cassette radio at tape recorder.

Halos dekada otsenta ko na nakasama ang cassette radio at tape recorder. Kakaibang kaligayahan ang dulot niya dahil nagkaroon na ng kapangyarihan na makapag-record ng mga kanta mula sa FM at boses papunta sa cassette tapes. At halos siya ang naging saksi sa aking pag-aaral sa kolehiyo.

Dahil nagiging iba na ang bisyo ng mga tao noong dekada nubenta. Nais na nila na nasa katawan nila ang musika ay nauso na ang mga walkman na tinatawag. Kakaiba ang dating noong mga taong may mga nakasukbit na ganitong gamit…feeling galing sa abroad at mula sa Saudi. Medyo masakit sa bulsa ang mga ito kung bibilhin noong araw at naging pangarap kong matagal ang mga ito. May hanap-buhay na ako noon noong naglabasan ang mga ito…panibagong pag-iipon muli upang sila ay makapiling.

                                                          Walkman Cassette Tape Player

Walkman CD Player

Kasabay ng mga gamit na ito ay pumapasok na ang kagustuhan ng mga tao na manuod ng mga pelikula sa loob ng tahanan…ang Betamax Player. Tunay na matagal din na naging pangarap ang mga ito dahil kailangang pag-ipunan ng matagal upang makapiling ang mga ito.

Betamax Player

Noong nauso ito sa Pilinas, nabibili lamang ang mga ito sa mga nagtitinda ng mga imported na gamit kaya medyo may kamahalan ang presyo. Nagkakahalaga ang mga ito noong patapos na ang dekada sitenta ng mga limang libo at pataas. Halos sandali ko lamang siyang nakapiling dahil pumapasok na ang VHS Player na mas malinaw na ang dating ng napapanood. Panibagong pangarap na naman…ang makapiling si VHS Player.

VHS Player

Sa mga hindi na nakakilala sa kanila ay ipinakilala ko sila dahil minsan ay nakapagpaligaya sila sa aking buhay.

Mahalaga sila dahil sila ang mga ninuno ng inyong mga kapiling ngayon na CD, DVD, Ipod Nano, MP3 player, Ipod Touch, Ipad, at iba pa.

Pinangarap mo rin ba sila at nakapiling noon?

Buhay pa kayo ang kalye Raon na kung saan ko sila nakilala at binabalik-balikan noong araw?

– – – – – – – – – – – – – – –

The complete life, the perfect pattern, includes old age as well as youth and maturity. The beauty of the morning and the radiance of noon are good, but it would be a very silly person who drew the curtains and turned on the light in order to shut out the tranquillity of the evening. Old age has its pleasures, which, though different, are not less than the pleasures of youth.”W. SOMERSET MAUGHAM,

22 comments on “Minsan ko silang pinangarap at nakapiling

  1. Len says:

    Lo, musta napo??haha, ayus yung nga pics, old things, uuso din yan ngayong 20’s hehehe

    • Mabuti naman ang Lolo dito Len. Musta rin sa iyo at salamat sa pagbisita. Na-miss kita ah.

      Talagang ang intensyon ng post na yan eh parang ‘ang history ng mga electronic gadgets sa audio and video’ sa Pilipinas. Kasi yung mga kabataan eh hindi na nakita ang mga iyan. Pero yan ang pinanggalingan ng mga ginagamit nila sa ngayon. Educational na rin sa mga kabataan…hehe.

      Ingat lagi dyan sa inyo and God Bless Len!

  2. salbehe says:

    Yep, buhay pa ang kalye Raon, puro snatcher. Lol!

    Nasabi ko bang mahilig makinig sa music ang mga magulang ko? Natuto din ako makinig ng drama sa AM, yung kay Tiya Dely. Inaabangan din namin si Ernie Barong sa DZMM. Tanda ko ang unang regalo sa akin ng tatay ko ay casette player para madala ko sa dorm. Hay, tanda ko lahat ng nasa picture sa taas!

    • Haha…snatcher at mga pirata(ng dvd) ba ang laman ng Raon Miss Salbe? Noong araw yan ang sentro ng bilihan ng mga electronics, dyan lahat pumupunta at bumibili ganun din ng mga plaka at tapes.

      Ganyan din kami dahil wala pa kaming TV noon kaya nakatutok kami sa AM radio, Tiya Dely nga at tanda ko yung ‘Gabi ng Lagim’, may Lola Basyang pa yata noon plus komiks pampalipas oras.

      Isang paalala lang ang mga iyan para sa mga bata ngayon na dyan galing ang mga hi-tech na mga gamit ngayon.

      Ingat sa bagyo Miss SAlbe & God Bless!

  3. athena says:

    hello po lolo.. musta na po.. mtagal na rin akong hndi nkakapunta dito… hehehe

  4. kaye says:

    nakasama ko rin po tay yung ibang binanggit nyo sa taas. naalala kong nagkaron kami ng turntable pero di naman po ako marunong gumamit. may malaking plaka at meron ding maliit na plaka.kasunod ay ang radio and cassette player na ginagamit din sa pagvovoice tape para sa mga ama at ina’ng nasa ibang bansa. naalala kong nagrerecord ako di lang ng mga kwento kundi pati boses ko habang kumakanta. betamax = check. VHS = check. Laser disc player = check. vcd player = check. ngayon ay ang dvd player, at ang mas nagiging sikat na media player na may malaking espasyo para sa mga downloaded movies na kinakabit lang sa usb port ng tv at solb na ang panonood.

    ano pa kayang ibang imbensyon ang maiisipan ng iba?

    • Nakakatuwa ang iyong kuwento Kaye, tama ka isang paraan noong araw para maka-communicate sa mga mahal sa buhay sa abroad ay sa pamamagitan ng voice sa cassette tape at nung lumabas na yung video ay sa video tapes naman.

      Sa ngayon ay real-time na tayong mag-communicate katulad ng ‘Skype’ at ‘YM’…plus yung celphone pa ngayon ay pwedeng tumawag kahit saan sa mundo.

      At tama ka…may Ipad, Itouch at ibang media player na maliit na ang mga size ay makapapanood na ng mga videos at naikakabit pa sa LCD tvs.

      Buti ikaw Kaye ay nasusundan mo pa ang istorya ng mga gadgets na luma…sigurado ako yung mga anak mo ay matatawag na jurassic na ang mga gamit natin noong araw. Isang istorya lang ito na ganito tayo noon.

      Ang lawak pa ng pupuntahan ng teknolohiya…di lang sa audio at video.

      Ang excited ako ay sa part ng medical at educational system…baka remote na lang lahat. Pwedeng nasa malayong lugar ang doktor at titser.

      Ingat lagi & God Bless!

      • kaye says:

        natutuwa naman po talaga akong naaalala ko pa ang mga gadgets na yan. nagkaron din po kasi kami ng ganyan. pati nga pala yung walkman at tape recorder na siyang ginamit ko nang sobra nung college days ko dahil sa mga interviews lalo para sa mga projects, and eventually sa thesis.

        ako rin tay, gustong gusto ko na maging makabago lalo ang educational at medical system, pero shempre para mapakinabangan ng mas maraming tao, lalo yung mga mahihirap sa atin. Uso na po ang videoconferencing. at tama po kayo na naaasahan na ang internet para makapagbigay nang maayos na diagnosis. Nung isang araw lang, napanood ko nang bahagya kung paanong ang isang ospital sa probinsiya ay nagemail ng xray result sa isa pang ospital sa maynila. Nagtataka kasi yung provincial hospital kung bakit parang di gumagaling ang sakit sa paa nung pasyente. Kumuha sila ng second opinion, sa PGH po yata at may binigay na ibang diagnosis yung ospital sa maynila na nakatulong sa pasyente at ospital sa probinsiya dahil nabigyan nila ng tamang lunas, napagaling, at nakatipid sila ng pamasahe papuntang maynila🙂 Very crude pa nga ito dahil di pa naginvolve ng videoconferencing. email lang ang ginamit, pero malaki na ang nagawa. Pero bago po ito siguro, sana mas mabigyan ng kuryente, computers, telepono at internet access ang mas maraming mga probinsiya lalo sa bandang VisMin para mas maging integrated sila to the rest of the country.

        napakwento lang po ulit🙂 ingat po kayo dyan, tay!

    • Maganda yung suhestiyon mo Kaye…kuryente plus computer plus pldt/bayantel/smartbro pa…sa mga probinsya para sa mga medical na aspeto. Nanuod ako minsan ng i-witness at jessica soho na yun nga ang mga problema sa mga bukid sa atin…walang doktor. Kung sana nga may link man lang sa isang bukid ang hospital ay mabibigyan ng unang diagnosis ang pasyente at puwede sigurong mabigyan ng paunang lunas bago lumala ang sakit.

      Sana nga Kaye ay may mga magagaling sa senado at kongreso na mag-ubos ng panahon sa kalagayan ng mga kababayan natin sa mga liblib na lugar ng Pilipinas…lalo na nga kung kapakanang medikal ang pag-uusapan.

      Kapag nakikita ko yung mga itinatapon na mga computers dito ay naalala ko yung mga iskul sa atin. Ang sa isip ko malaking bagay sana ang mga iyon sa edukasyon ng mga Pinoy kahit mga luma.

      Huwag tayong mawalan ng pag-asa…yung mga pangarap ay puwede rin magkatotoo…sa Pinas nga lang eh medyo matagal lang.

      God Bless Kaye!

  5. Naaalala ko pa ang Raon. Pero puro window shopping lang kami ng mga kaklase at kaibigan ko noon, buhay estudyante eh. Walang perang pambili.

    • Halos limang taon akong paikot-ikot rin lang dyan sa Raon dahil ang iskul ko ay nasa may Sta Cruz bridge lang. Kaya libangan ko rin lang ang mangarap na magkaroon ng mga gamit na nakikita ko sa Raon. Working student ako noon pero pang gastos ko lang din sa iskul ang aking pera…kaya puro ipon lang muna bago makabili sa Raon. Salamat sa pagbisita & God Bless!

  6. Lo, dinala ako ng post ninyo sa panahon ng aking kabataan sa hacienda

    Namimiss ko ang lumang lumang radyo namin noon kung saan parati kaming nakikinig ng drama bago magtanghalian (Tuyang Ermitanya) at kung alas sais ng gabi (Orasyon)… Naalala kong ayaw na naming lumabas pag takipsilim kasi natatakot na… Nakakatakot kasi yung dramang orasyon…🙂

    Ang tatay ko ay mahilig mangolekta ng mga plaka – sobrang dami… Pero noong masira na ang aming turntable at lumipat na kami sa lungsod, nawala na ang mga plaka at ilang taon din ang lumipas bago kami nagka-radyo uli – yung may AM at FM na…

    Noong nasa hayskul ako, pinangarap ko ang Walkman… Pero hanggang dun na lang… Noong mauso ang CD-man, pinangarap ko din, at nabili ko naman noong bago pa lang ako nagtatrabaho… Di po namin naranasan ang Betamax at VHS Player…. Dumiretso na kami sa VCD player… hehehe…

    Wala rin po akong Ipod… Media player lang sa cellphone at laptop…🙂 Parang hindi ko nakikita ang sarili kong gumagamit ng mga tablets…🙂 Ok na ako sa laptop… Siguro, yung pinaka-fancy kong gamit ngayon ay yung DSLR ko…

    Looking back, I am blessed kasi ngayon, I have the ways and means to buy the things na gusto ko… Di gaya noon, minsan naiinggit…🙂 Hehehe… Mas marami na po akong dahilan ngayon upang ipagpasalamat sa Panginoon…🙂

    • Oo Mark tama ang sabi mo isang time-travel sa nakaraan tungkol sa musikahan at bidyo ito. Bago magkalimutan sa simpleng nakaraan kaya naisulat ko na ito.

      Haha…yung mga drama sa radyo ay patok na patok yan, talagang sa imahinasyon sa nangyayari sa istorya ay nadadala lalo na ang mga bata…katulad ko rin noong araw…sikat noon inabutan ko ay ang ‘Gabi ng Lagim’.

      Pareho tayo, ang ama ko rin ang may mga koleksyon ng mga plaka. Noong panahon ko, kahit gusto ko ay di ko kaya ang bumili….P20 sa LP….P15 sa cassette tapes(istudyante pa ako nun).

      Yang walkman ay di ako nakabili ng mga original….puro imitation lang…Made in Raon…hehe.

      Sa mga garage sale dito minsan ay libangan ko ang mamili ng mga LP. Koleksyon ko pagbalik ko dyan sa atin.

      Nung andyan pa ako sa atin ay dahil mahilig ako sa musika ay talaga ay nagkaroon din ako ng mp3 player.

      Tama ang sabi mo…ako man ay maligaya na sa kakayanan ng laptop.

      Pero niregaluhan ako ng Itouch ng mga anak ko…medyo maligaya ako dahil kakaiba rin ang kakayanan ng Itouch. Halos nailagay ko ang mga paborito kong mga kanta at videos.

      Tablets…kung may magregalo ay okay na rin…hehe.

      Bonus ang mga ito sa aking buhay…maligaya na at naging maligaya pa dahil napagbigyan ang isang hilig ko sa buhay ang musika.(madalas kasi sa video noon ay concerts ang mga pinapanood ko).

      Ingat lagi & God Bless Mark!

  7. hello, superlolo… ahaha, superlike ko ho ito – ang galing!

    buhay pa ho ang Raon at marami pa ring mabibili roong speakers at kung anu-anong gadgets and parts. pati ho ang SM na maliit, yong puro sapatos lang ang tinda ay parang nakita ko pa rin sa dati nyang pwesto three years ago ‘yata (di ako sure, lolo. kasi, noong nag-temporary office ang NBI sa may carriedo, parang doon ‘yon sa pwesto ng lumang SM). anyways…

    ang husay ho nitong post nyong trip down the memory lane ng sound gadgets, as in… ang nag-marka ho sa akin dyan ay ang radyo, ang pono (yong may turntable), ang casette at ang vhs. iyong iba po, hindi kami agad nagkaroon ng mga iyon sa bahay kaya hindi gano’n kamarkado sa memorya ko…

    may ginawa po akong post dati tungkol sa radyo at balak ko sa hinaharap na gumawa ng ukol sa casette player. hehe, hindi na ho ako mahihirapan dahil may guideline na – itong post nyong educational…🙂

    • Maraming salamat Miss DPSAn.

      Memorable sa akin ang SM na maliit(ang original SM) kasi nung bata pa ako dun lang kami namimili o nagwi-window shopping plus yung ibang tindahan sa Carriedo. Yung Raon naman ay libangan ko noon kapag may bakanteng oras ako noon sa FEATI.

      Nais ko lang ipaalam sa mga kabataan ngayon na dumaan ang mga audio at video ng mga gamit dyan sa mga nabanggit…na kahit papaano ay nadaanan natin.

      Talagang dahil mahihilig ang mga Pinoy sa musika…lalo na noong estudyante tayo. Parang kailangan may tumutunog sa isang tabi para makapag-aral. Kaya ang mga magkaroon o mangarap ng cassette radio noong araw ay parang isang IPAD na siguro ngayon.

      Sa totoo lang ang isusulat ko sana ay yung simula ng komunikasyon…yung sa ginagamit sa para mabuo ang telegrama(yung morse code)…tapos naging teletype…kasabay dito ang telepono…sa ibang artikulo na lang siguro( dati sa trabaho yan ang mga gamit namin)…hanggang maging microwave….yung kuwento ko sana ay proseso noong araw bago matanggap ang mensahe kumpara sa ngayon na talagang real-time na….hayyy matanda na talaga ang lolo…hehe.

      Salamat sa pagbisita, ingat lagi & God Bless San!

      • hello, lolo… very interesting yang sinasabi nyong morse code to microwave na proseso ng pagpapadal at pagtanggap ng mensahe. sana ho ay ituloy nyong gawan ng post isang araw…🙂

    • Haha oo itutuloy ko yan San kasi isang pagtuturo rin na kung saan nagmula ang mga gamit electroniko(aspeto ng komunikasyon) na mga pinagkakaguluhan ng mga tao ngayon.

      Nung 1977 kasi ay nagtrabaho ako sa BUTEL(Telof na ngayon yata), doon ko nakita ang mga gamit na iyan, tunay namang hi-tek na sila noong araw. May 300 voice channels sila na Microwave radio noon, pero naluma na rin ang mga ito at di na nakapag-compete sa malalaking telecom company katulad ng PLDT at PT&T noon.

      Salamat.

      • hello, lolo! may movie si angelina jolie na late 1920s ang setting. isa sya roong phone operator sa AT&T yata. parang precursor ng call center ang opisina nila roon. sobrang old era ang ipinakita roon (the movie title escapes me now)… feeling ko ho, it’s something na related sa binanggit nyong work nyo dati… 🙂

    • Parang napanood ko yung movie na iyon. At tama ka parang ganun nga, located dati yung mga operators na yan sa top floors ng Post Office sa Lawton, ang dami nila, telegrama at long distance phone calls sa probinsya ang main transactions…hanggang Tawi-Tawi ang telegrama. Kami naman bilang technician ay pumapasok sa eksana kapag may problema na sa kanilang komunikasyon. Hinahanap ang problema at inaayos sa madaling panahon…pera kasi ang nawawala kapag mahaba ang downtime…at 24/7 ang operation. Kaya noong araw ay tumatawid lang ako sa Sta. Cruz bridge sa trabaho at eskwela. Naaalala ko pa at parang kaylan lang lahat.

  8. duking says:

    ang plaka ng the doors at ang astig na si jim morrison. rock n roll, sir!

    late 80’s at early 90’s ang recollection ko sa mga bagay na naikwento mo,sir. may turn table fm stereo sila lola dati at doon ko unang narinig si john denver, ang bread, beegees at ang beatles. center ng entertainment sa music yun.

    yung 8 tracks, trademark yan ng jeep ng cavitenio. tipong mata na lang ng driver ang makikita mo sa windshield dahil sa nakasalansan na 8tracks na may mga sticker. mangilan ngilan na lang na jeep ang meron ngayon ditong ganyang bumibyahe.

    betamax at vhs. anu pa nga bang ala-ala ko rito kundi bold films marathon kasama ng mga kaklase at barkada sa highschool.hahaha!

    portabe cassette player ang una kong biniling gamit january 1998 sa unang una kong sweldo. cd player na portable, yan ang hindi ko na nabili. yung panahon kasi na bago pa yung cassette player ko ang panahon ng transition ng pagka uso ng cd player sa atin. nanghinayang ako saka ang mahal ng cd pero papunta na sa bagsak presyo ang cassette nun. ayos pa rin kahit medyo palaos na,hehe!

    ngayon po pagsinabing raon, ibig sabihin, electronics and electronic components, visual and sounds, pirated medias, cloned brands, at may binebenta rin dung mga cable sattelites para sa unlimited cable TV.

    time space warp ‘tong post mo na ito para sa isang simpleng kahapon ng buhay ko. tenchu po!😀

    • Ang dami ko rin naalala sa kwento mo Duking…salamat.

      Hanggang ngayon ay fan pa rin ako ng Doors…tunog 70s kasi talaga sila at walang kapares.

      Tama ka kapag may stereo(yan ang generic na tawag sa audio entertainment…may player ng plaka at may FM…at siguradong may malalaking speakers) sa bahay yan ang pinagkakaguluhan lalo na kapag may mga latest na mga plaka katulad noong mga binanggit mo.

      Sa totoo lang ang unang trabaho ko ay sa CAvite City noong taong 1977, dalawang buwan din ako doon, kaya alam ko ang tunog ng mga jeep at mga bus na bumibiyahe sa Cavite. Kaya yung 8tracks na yan ay talaga namang kagaganda ng tunog sa mga biyaheng CAvite at sa Maynila rin kung saan may mga baby bus na kulay yellow ay ganyan nga…isang tambak ang 8track cartridges sa unahan….mata na lang ang kita sa driver sa harap ng mga sasakyan.

      Oo yung betamax nga ay dyan sumikat sa mga x-rated…may trabaho na yata ako nun ay dumadayo pa kami sa bahay ng kaopisina para manood…hehe.

      Pareho lang tayo…ang cassette tape & radio ang aking sinadya noong 80s na, kala ko talaga noon ay hi-tek na ito at walang ng susunod…pero matagal pa naman noong pumasok ang CDs.

      Haha…gusto ko yung cable sattelites sa Raon…unli…oo narinig ko nga yan sa balita.

      At totoo yung sinabi mo…nakaraos ang simpleng buhay noon…na kahit papaano ay napagbigyan ang isang pangarap sa mundo ng teknolohiya(sa electronincs).

      Ingat lagi & God Bless!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s