Usapang Lampin

Sa english ang lampin ay ‘diaper’.

Para sa akin ay dalawa ang klase ng lampin. Ang nagagamit muli(tela ito at puwedeng labahan) at iyong itinatapon na pagkatapos gamitin(disposable).

Malamang sa mga makabagong mga pamilya ngayon sa kahit anong sulok ng daigdig ay namulat na sila sa mga lampin na minsanan lamang ang gamit.

Sa aming pamilya lahat kaming magkakapatid ay ginamitan ng nagagamit muling lampin. At doon sa mga nakakaalala nito ay gawa ang kadalasan ang mga ito na mula sa supot ng harina. Kaya naaalala ko noon na bumibili kami noon sa mga panaderya ng supot ng harina upang tahiin ito at gamiting lampin ng aking bagong panganak na kapatid.

Noong ako na ang nagpamilya ay namana ko pa ang mga lampin na ginamit namin. Halos hindi pa sikat noon ang ‘disposable diaper’ at kung mayroon man ay ito ay nabibili ng may kamahalan noon. Kaya tuloy-tuloy lamang ang istorya ng nalalabhang lampin sa aking mga anak.

Dahil sa Maynila kami nakatira noon ay nakakabili pa kami ng tela o supot ng harina sa Divisorya. Kuwadrado ang putol nito at tinatahi na lamang ang paligid. Kailangan na may karamihan din ang lampin upang hindi maubusan lalo kung panahon ng tag-ulan na kung saan mahirap matuyo agad ang nilabahang lampin.

Pagkatapos malabahan ang lampin ay ang katapat lang nito ay sampayan sa likod ng bahay at mga sipit. Pagkatuyo ay konting plantsa lamang ay handa na muling gamitin.

Ang mahirap na parte.

Para sa akin ang mahirap na parte para sa paglalagay ng lampin sa bagong panganak ay ang paggamit ng dalawang perdible upang hindi mahubo ang telang lampin. Hindi baleng matusok ka sa daliri at huwag lang ang baby.

Pero lumaon ay naging mabilis na ang mga ito ng lumabas ang ‘diaper clip'(katulad ng nasa larawan sa itaas). Kaya kahit nakapikit ang isang mata sa gabi ay nakakapagpalit ng lampin sa baby.

Bakit ko naalala ang lampin?

– Medyo napag-uusapan ito patungkol sa epekto sa kalikasan kasi hindi kaagad nabubulok ang mga ‘disposable diaper’ at hindi ito nagiging mabuti sa kalikasan. Tumatambak ito sa mga pinagtatapunan nang basura o mga ‘landfill’. Nakatulong pala ako noon sa kalikasan dahil hindi kami gumamit ng ‘disposable diaper’.

– Naging isyu din ang ‘disposable diaper’ sa Amerika kasi napansin ng mga gumagawa ng ‘disposable diaper’ na humihina ang kanilang kita dahil pakonti ng pakonti ang nag-aanak sa Amerika o napansin ng mga awtoridad na tinitipid ng mga magulang ang pagpapalit ng ‘disposable diaper’ sa mga anak na tingin nila ay puwedeng makaapekto sa kalusugan ng bata. Pero naisip ko sa isyu na ito na baka naman gumagamit na rin sila ng supot ng harina o tela para gawing lampin(nabasa ko ito minsan na mayroon ngang mga tao o grupo na hindi gumagamit ng mga ‘disposable diaper’…ang mga ‘environmentalist’).

Salamat sa supot ng harina.

Salamat.

Hindi pala natatapos ang iyong buhay bilang isang supot ng harina ngunit nagiging isang mahalagang parte ka rin sa buhay ng pagpapalaki ng isang bagong panganak…bilang isang lampin.

At tunay na nakakatulong ka pa sa kalikasan.

Bow….Ang Lampin Mula sa Supot ng Harina.

21 comments on “Usapang Lampin

  1. ahaha! base me, lolo…🙂

    lampin pa rin ho ang ginamit sa amin ng aming mga magulang. lahat kami, lamping gawa sa supot ng harina ang diaper. pero noong magkapamangkin na ho ako, lampin pa rin ho ang gamit pero yari na sa mas magandang tela, mas maputi at mas malambot iyon. uso pa rin ho noon ang may mas manipis na telang pangtali sa pusod ng baby…

    about 30 years ago ho ata nagkaroon ng disposable diapers. pero ang mahal nga ho noon…

    ang babies ho sa ngayon ay puro disposable na diapers na ang gamit. kasi’y medyo mura na rin ang presyo. hindi nga ho ata namalayan ng mga pinoy na naging parte na ng family expenses ang budget para sa diapers. parang basic need na baga? ahaha…

    btw, hindi na po practised sa ngayon ang tinatalian ang pusod ng baby na bagong panganak, ano ho? 🙂

    • Salamat sa pagbisita.

      Oo kahit noon ay may nabibili sa SM na magagandang lampin(1980’s). Pero medyo masakit sa budget at totoo naman na maganda ang tela nga.

      Kaya nga naistorya ko ito ngayon kasi tama ang sabi mo na baka akala ng mga bata ngayon na disposable diapers lang ang ginagamit ng mga baby sa atin.

      Oo naalala ko yun…yung bigkis ang tawag doon para sa protection ng pusod. Aba at katulad ng sabi mo na ngayon ko lang nalaman na di na pala gumagamit ng bigkis. Ummmm hi-tech na siguro ang gamot na ginagamit at siguro baka mas mabilis ang healing kapag walang gamit na bigkis.

      Ingat lagi & God Bless!

  2. joiz says:

    Tatay, pagkabasa ko naalala ko nga kung paano nyo palitan ng lampin si Loren nung baby pa sya. Mas naappreciate ko lalo yung mga sakripisyo nyo na ginawa lalo na noong mga baby pa kami. Tama parang ang hirap magpalit noon ng lampin lalo na sa gabi at labhan at patuyuin sa sampayan.

    Pero sa kabilang banda tama ka may mga epekto ito sa kalusugan ng bata. May kaibigan nga kami dito yung baby nila na 2yrs old ay nagka UTI sabi ng doctor dahil daw sa malimit na paggamit ng diapers. Madali para sa magulang ang paggamit ng diaper kasi nga tapon lang ng tapon pero po sa totoo lang kaya naman ibalik ang paggamit ng lampin sa panahon ngayon kasi kung nagawa nga noon ng mga magulang bakit hindi kakayanin ngayon. Sa tingin ko po tatay ganoon ang gagawin ko sa mga magiging anak ko pag nasa bahay sila pipilitin kong gumamit ng lampin kapag namamasyal na lang ang paggamit ng diapers. Tulong na sa kalikasan gaya ng sinabi mo sa tingin ko maigi din sa baby iwas rashes at UTI.

    • Oo Joiz. May sakripisyo nga ang paggamit ng di-disposable na lampin pero yun ang nakalakihan ng mga baby noong araw at palagay ko naman ay very effective pa rin ito kahit sa panahon ngayon. Kaya kung kakayanin na gumamit ng telang lampin ay maganda pa rin at sabi mo nga minsan ay may side-effects ang paggamit din ng disposable at yun nga may nakakatulong sa kalikasan ang telang lampin. Panalo!

      God Bless!

  3. Nabasa ko lang kamakailan na ang isang sanggol ay gugugol ng higit kumulang na 8,000 na disposable diaper bago ito maging potty-trained. Sa lampin na katcha, nangangahulugan ito ng sang katutak na babad, kusot at banlaw at sang katutak na sakripisyo at pagmamahal ng mga magulang.

    • Napakarami nga pala ng lampin bago bumitaw ang isang baby….8,000…wow ang laking problema nga ito sa ating lupain at kalikasan….lalo na nga kapag isang basura na ito.

      Ayun naalala ko na ‘katcha’ nga pala ang tawag sa tela na yun na ginagawang lampin. At tunay na ganun nga…labor of love…ang paggamit nito. Naaalala ko pa noon na agaran sa pagtanggal ng ‘pupo’ ng baby tapos sabay babad na kaagad para di kumapit ng mabuti at diretso sa paglalaba na(ayun nga ang matinding kusutan).

      At buti na lang noong araw ay mabilis makakuha ng mabuting kasama sa bahay na super malaki ang naitutulong kapag may baby sa bahay…lalo na nga sa paglalaba ng lampin.

      Salamat sa pagbisita & God Bless!

  4. salbehe says:

    Naalala ko nung maliliit pa ang kapatid ko, may pumupuntang ale sa amin araw araw para lang maglaba ng lampin.

    Sa lampin din ako natuto magplantsa. Isang deretso lang kasi ang pagpaplantsa ng lampin at simpleng tiklop, tapos.

  5. duking says:

    may masaya akong ala-ala sa lampin. nangyari ito dun sa ilog sa pagsanjan nung minsang nagkaroon kami ng team building sa resort na nakatayo sa tabi ng ilog. nung final day namin, may halfday na bakante para sa kahit anung activities na pwedeng gawin. naisipan namin ng kasama ko na mamingwit ng isda. sa tagal naming naghihintay, wala talagang kumagat sa bingwit kahit butete o janitor fish. kaya naisipan naming lumipat ng pwesto salungat sa agos dun sa may mga naglalaba. naisip namin na baka ayaw ng isda sa tubig na galing sa umaagos na pinaglabhan.

    to cut the story short, walang isda sa lugar dahil busy sila sa paglilinis sa mga lampin na nakababad sa ilog. ang higanteng washing machine ng nature.

    buti na lang wala kaming nahuli.

    • Haha…kumakain pala ng mga masustansyang pagkain mula sa mga baby ang mga isda…hehe.

      Naku noong araw habang nag-aalaga ako ng baby Duking ay di na naiisip ang mga kadiring mga tagpo na katulad na nga ng pagtanggal muna ng mga nakadikit sa mga lampin bago ito labhan.

      Tunay na pagmamahal ng isang magulang ang nangngibabaw.

      Salamat sa pagbisita & God Bless!

  6. Nortehanon says:

    Lolo Jem,
    Kami pong magkakapatid ay nakagamit ng lampin na gawa sa sako ng harina. Lahat kaming lima. Dahil walang pambili ng maraming lampin, dinadagdagan ng nanay ko ng lampin na yari sa sako ng harina.

    Yung sa bunso na namin, nakita ko ang preparasyon na ginagawa ng nanay ko para gumawa ng lampin. Nilalabhan munang mabuti yung sako ng harina. Tapos ay ikukula para kahit paano ay matanggal ang mantsa pati na ang print. Tapos, pakukuluan ni nanay nang medyo matagal hehehe.

    pag tuyo na, paplantsahin para unat. Tapos saka gugupitin at tatahiin na ang mga edges.

    • Oo Miss N naalala ko rin nga na ginagawan ng paraan ng aking Nanay na yung mga print sa katcha ay halos mabura.

      Matibay ang mga lampin noong araw lalo na yung mga gawa sa sako ng harina kaya yung mga ginamit namin magkakapatid ay halos namana ko pa sa aking mga anak.

      May mga tela na daw ng lampin ngayon na halos di na dumidikit ang mga dumi ng baby kaya mabilis ng labhan.

      Maraming salamat sa pagbisita & God Bless!

      • Abi says:

        Hi… first time nanay po ako at interesado ako sa pag gamit ng lampin…
        Safe bang gamitin ang katya bilang lampin..?
        I mean hindi ba magkakarashes o allergy ang newborn baby?

      • Hello Abi,

        Maraming salamat sa pagbisita sa aking bloghay.

        Ang aming tatlong anak, na may mga pamilya na rin ngayon, ay gumamit lahat ng katsa noong baby pa sila. At iyong magandang klase na katsa ang aming binibili noon. Importante ang malinis sa paglalaba at mabuting plantsahin para mamatay ang mga mikrobyo sa katsa bago tuwing gagamitin. Wala naman akong natatandaan na naging problema noon sa paggamit ng katsa o hindi disposable na lampin.

        Pero makakabuti pa rin na humingi ng payo sa mga doktor sa tamang paggamit ng katsa o hindi disposable na lampin.

        God bless!

  7. Lolo Jem,

    Naku, kaming tatlong magkakapatid, lampin din ang naging diaper… Hindi pa uso noon ang disposable… At alam na alam ko pa rin hanggang ngayon kung paano i-set sa sanggol ang lampin – napakarami ko kasing practice sa mga pinsan ko…🙂

    At hindi ko rin malimutan ang amoy ng bagong labang lampin…. Ewan ko, pero kakaiba sya sa ibang mga damit – parang nananatili ang amoy ng sanggol sa lampin….🙂

    • Oo Mark sana nga ay di tuluyang mawala sa paggamit ng telang lampin ang mga bagong panganak. Kung nakaraos noong araw eh makakaraos din palagay ko ngayon ang mga bata at tingin ko makakatulong pa ito sa ating kalikasan…at may tipid na parte rin sa gastusin.

      Haha…maganda yung sinabi mo…”parang nanatili ang amoy ng sanggol sa lampin”…tunay ito Mark….tunay na tunay.

      Maraming salamat sa pagbisita, ingat lagi, & God Bless!

  8. nikki says:

    dito sa US may cloth diaper na ginagamit, sa tagalog lampin lol. ginagamit yun ng mga parents dito na gusto mag tipid, mga environmentalist, mga hindi masyado busy. mahal sya kung tutuusin pero mas makakamura kesa disposable na diapers/. may mga design na din yung iba. sayang nga di ako natututo pano gumamit ng lampin na gamit sa tela lang di ko alam pano itupi hahaha. saka ayaw ng asawa ko din na naglalaba dahil busy kami pareho sa work. ang maganda sa cloth hindi nagkaka rashes ang baby

    • Hello Nikki. Salamat sa pagbisita sa aking bloghay.

      Tama ka NIkki nalaman ko rin yan na ang mga enviromentalist ay ginagamit ang telang lampin.

      Sa totoo lang eh di naman sa pagtitipid ang reason pero long range ang iniisip nila sa epekto sa ating kalikasan. Ang disposable diaper kasi ay magiging problema sa kung paano iyan mabubulok ng mabilis sa ating mga tapunan ng basura.

      Naku eksperto ako sa paggamit ng telang lampin. Tunay na di kami gumamit ng disposable diaper.

      Ah tama ka very friendly sa balat ng bata ang mga telang lampin…subok na subok yan sa aking tatlong anak.

      God Bless!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s