Besame Mucho

Muli akong bumisita sa isang Senior’s Home na kung saan ako boluntaryong tumutugtog ng piyano sa grupo ng mga matatandang may mga sakit na alzheimer’s. Maikling paliwanag sa sakit na alzheimer’s (dito). Halos ang mga idad ng mga matatanda dito ay hindi bababa sa 75 na taong gulang. Mas marami ang mga Lola kaysa mga Lolo. Napansin ko na walang Filipino sa mga matatanda doon. Ngunit karamihan naman sa mga nagta-trabaho at nag-aalaga doon ay mga Filipino.

Ninais kong bumalik sa lugar na ito upang muling mag-alay ng musika at bisitahin din ang mga Lola at Lolo na dito ay nakatira.

Noong una ay hindi ako pinapansin ng mga Lola at Lolo habang ako nag-umpisa ng tumugtog. Nakaupo lamang sila sa mga upuan at ang ilan ay sa kanilang wheelchair. May bilang na mga 20 ang nagkaroon ng panahon upang makinig sa aking pagtugtog. May kahirapan upang makuha ang atensyon ng mga may sakit na alzheimer’s dahil madalas ay may kaabalahan sila sa isipan nila na palaging uuwi at hinihintay ang mga susundo sa kanila…pero doon sila naman talaga nakatira.

Ang tinutugtog ko na mga piyesa ay mga lumang tugtugin. Mga tugtugin na sumikat noong taong 1940s hanggang 1960s. Pinipili kong mabuti ang aking mga piyesa upang kahit papaano ay maaabot ng memorya ng mga Lola at Lolo ang mga ito,

Nabasa ko na ang mga may sakit na alzheimer’s ay napapanatili ang memorya na may kinalaman sa mga musika na kanilang narinig sa kanilang buhay. Kaya nakakasabay sila sa mga tugtog na mga pamilyar sa kanila.

At noong tinugtog ko na ang ‘Besame Mucho‘ sa tiyempo ng cha-cha ay biglang nagsayaw ang isang Lolo at isang Lola…pinagsayaw sila ng kanilang mga caregiver. Noong una ay napansin ko ang Lolo na ito na may kakulitan at paikot-ikot lang sa lugar. Pero dahil isinayaw siya ng isang Lola ay nagkasundo sila sa tiyempo ng cha-cha. Maliliit na lamang ang kanilang mga hakbang ngunit dama ko ang kaligayahan sa kanilang mga mukha sa mga sandali na iyon. Napilitan akong ulit-ulitin ang ‘Besame Mucho’ na palagay ko ay umabot sa kinse minutos dahil ayokong tumigil hanggat sumasayaw sila. Nais kong madama nila ang lubos na kaligayahan sa kanilang pagsayaw. Napansin ko na ang ibang mga Lola na nakikinig ay sumasabay sa tiyempo sa pamamagitan ng pagtapik sa ibabaw ng mesa ng kanilang mga kamay. At iyong isang Lolo ay tahimik na doon umistambay sa aking gilid upang makinig.

Pagkatapos ng ‘Besame Mucho’ ay itinanong na nang mga Lola ang aking pangalan. Aha ayun at ito na ang senyales na nakuha ko na ang atensyon at napaligaya ko na ang mga Lola at Lolo sa aking pagtugtog. Itinuloy ko pa ang aking pagtugtog ng ibang miindak na piyesa. Halos inabot ako ng dalawang oras sa pagtugtog.

At sa aking paglisan sa lugar ay napansin ko ang kaligayahan sa kanilang mga mukha na parang ayaw nila akong paalisin o nagtatanong na kung kailan muli ako babalik.

Promise sa pagbabalik ko sa susunod na Biyernes ay siguradong tutugtugin kong muli ang piyesa na ‘Besame Mucho’.

Ang hindi alam ng mga Lola at Lolo ay nag-Besame Mucho din sa kaligayahan ang aking puso dahil nakita ko silang nakangiti at masaya sa mga sandaling nakapiling ko sila sa kabila ng kanilang mga karamdaman.

 

9 comments on “Besame Mucho

  1. magandang post ito, lolo! nakakalugod… musta ho kayo?🙂

    • Maraming salamat San.

      Tunay na kakaibang kaligayahan ang magbigay ng konting serbisyo o mag-alay ng aking konting talento para sa mga Lola at Lolo na may mga karamdaman.

      Mabuti naman ako dito at ganun din sa iyo musta rin.

      Nabasa ko na ang mga kuwento mo sa Sta Mesa…isulat ko sa iyo ang aking konting maiku-kuwento sa aking alaala sa mga lugar na iyan.

      Ingat lagi dyan sa atin.

  2. Isang tunay na kaligayahan ang dinulot mo sa kanila, na kahit sa kanilang makulimlim na isipan ay ibinalik mo ang magagandang ala-ala sa saliw ng iyong musika. Hinay-hinay lang sa tiyempo, at baka mabalian ng buto ang mga matatanda sa kanilang pagsayaw.🙂

    • Oo Doc PT tama ka tunay na kaligayahan mula sa aking simpleng musika at pakiramdam ko ay naibsan ko ang kalungkutan nila sa kanilang pag-iisa na di na kapiling ang kanilang ma mahal sa buhay sa lugar na iyon. Pakiramdam ko ay naging isang anak akong tumutugtog sa kanilang lahat noong mga oras na iyon.

      Haha…oo medyo alalay rin ako…simpleng cha-cha lang ang tiyempo. Naku kung pwede lang i-video ang mga sandaling iyon…palagay ko ay matutuwa ang kanilang mga anak at apo sa kaligayahan ng Kanilang mga Lola at Lolo.

      Maraming salamat sa pagbisita.

  3. salbehe says:

    Awwww. Mas gusto ko talagang dumalaw sa matatanda kesa sa mga bata…at ang story na ito ang isa sa mga dahilan. Ang sweet ng mga matatanda.

    • At kakaiba itong mga matatanda na ito Miss Salbe. Hindi na sila ang mga normal na matatanda. Medyo mahabang pasensiya ang kailangang upang sila’y maiintindihan dahil sa iba’t-ibang level na dementia na mayroon sila. Minsan ay para na silang mga bata sa kakulitan.

      At bilang isang performer doon…hindi mo talaga i-expect ang appreciation dahil madalas ay parang tulala lang sila at parang wala lang. Pero kapag naman pumalakpak sila…kahit hindi lahat…aba tunay na kaligayahan ang aking nadarama…parang nag concert na ako sa CCP ang pakiramdam ko…haha…super saya ang magpaligaya sa mga katulad nilang may kakaibang karamdaman.

      Tama ka ang sweet ng mga matatanda….kasama na ako doon..haha.

      Ingat lagi dyan sa atin.

  4. p0ks says:

    dati gustong gusto ko ang mag alaga ng mga matatanda..parang ang saya ng feeling pag alam mo na napapasaya mo sila…pero bata ang inaalagaan ko ngayon…sana pagdating ng araw eh makapag alaga din ako ng mga matatanda!!

    • Isang napakagandang karanasan ang maging parte ng buhay ng mga matatanda Poks dahil isang pagbibigay halaga ito sa kanila na dati ay sila rin ang nag-alaga ng mga bata at nagpalaki upang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Kakaiba kasi dito sa Amerika talagang madalas ay inihihiwalay sila ng bahay at iniiwan ng tumira sa mga Senior’s Home. Iba pa rin mag-alaga ang mga Pinoy talagang hanggat kaya ay inaalagaan sila sa sariling bahay.

      Maraming salamat sa pagbisita Poks & God Bless!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s