Airport

Para sa akin ay palagi na lamang may dalawang mukha ang mga airport. Puwedeng masaya at malungkot ang puwedeng makita sa mga tao na doon ay pumupunta.

Nasaksihan ko ito mula sa mga taong hindi ko naman talagang kakilala pero nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala at marinig sandali ang kanilang mga kuwento habang ako ay nasa manubela bilang naatasan na magsundo at maghatid na rin sa kanila pagkatapos ng kanilang bakasyon sa kanilang mga mahal sa buhay dito malapit sa San Francisco, California.

Tawagin na lang natin si  Pete at Jing(hindi nila tunay na pangalan), mag-asawa silang Pinoy,  ang aking mga sinundo.  Magbabakasyon lamang sila dito sa California nang dalawang linggo.

Masaya ang aking nakita sa kanilang pagdating dahil unang pagbisita ito ni Pete sa Amerika na kung saan dito na nakatira ang kanyang ama at ina.  Si Jing naman ay siyempre masayang-masaya rin dahil maiiipasyal niya ang kanyang asawa at dahil unang pagkakataon din ito na magkasama sila sa Amerika.

Habang nasa daan kami mula sa Airport papunta sa tahanan ng kanyang Ama at Ina ay tunay naman ang pagka-excited ni  Pete at siyempre ninanamnam niya ang kanyang mga nakikita dahil tunay na nasa Amerika na siya. At tunay nga na masarap ang klima kumpara sa mainit na panahon sa Pilipinas ngayon.

Lalong masasayang ngiti at mahihigpit na yakap sa pagkikita ng mag-asawang Pete at Jing para sa kanilang mga otsenta anyos na mga magulang. At sa sandaling ito ay nagpaalam na ako at sinabing babalik na lamang ako sa paghahatid sa kanila muli papunta sa Airport.

Natapos na ang dalawang linggo.

Kakaiba na ang aking mga nakita sa noong sinusundo ko na si Pete para ihatid na siya sa Airport para bumalik na sa Pilipinas. Wala na yata ang mga ngiti. Namumugto na ang mga mata ng lahat. Lalo na ang kanyang mga magulang na ramdam ko ang mga kalungkutan. Kakaibang yakap at halik ang iginawad ni Pete para sa kanyang mga magulang.

Habang nasa daan na kami papuntang Airport ay kakaibang lungkot naman ang aking naramdaman para sa mag-asawang Pete at Jing. Si Pete lang ang uuwi pabalik sa Pilipinas dahil si Jing ay maiiwan dahil dito siya nagtatrabaho sa Amerika. At  nasambit na lang ni Jing na parang binibiyak ang kanyang puso sa mga sandaling iyon dahil sa kalungkutan na matatagalan muli ang kanilang pagkikita.

Isa lang ang aking nasabi kay Jing.

“Mabuti ka pa Jing kasi noong nagpaalaman kami ng misis ko noong nasa hospital siya(walong taon na ang nakaraan) ay alam kong hindi na kami magkikita at magkakausap na muli.”

 

Mabuti pa sa Airport may pag-asa pang muling magkita at magkausap.

Sa Airport ay may pag-asang dumating muli ang umaalis.

Sa Airport ay may pag-asa pang muling gawing masaya ang kalungkutan.

Bukas ng umaga ay si Jing naman ang aking ihahatid sa domestic airport upang tumungo na sa kanyang lugar na pagtatrabahuhan dito sa Amerika.

-o-

“To leave, after all, was not the same as being left.” 
― Anita Shreve, The Pilot’s Wife

-o-

“Every time we make the decision to love someone, we open ourselves to great suffering, because those we most love cause us not only great joy but also great pain. The greatest pain comes from leaving. When the child leaves home, when the husband or wife leaves for a long period of time or for good, when the beloved friend departs to another country or dies … the pain of the leaving can tear us apart. 
Still, if we want to avoid the suffering of leaving, we will never experience the joy of loving. And love is stronger than fear, life stronger than death, hope stronger than despair. We have to trust that the risk of loving is always worth taking.” 
― Henri J.M. Nouwen

6 comments on “Airport

  1. salbehe says:

    Hindi ko alam kung masaya o malungkot ako sa kwento nina Jing at Pete. Pero mas lamang ang lungkot. Two different scenarios, two different time, but one place – the airport. Ang galing lang po.

  2. ELIment says:

    hello po.
    minsan nag-uusap kami ni ax at naalala ko yong topic namin nang mabasa ko itong post ninyo. sabi kase nya (nadandaan ko ito) “ang ospital at airport ay may pagkakapareho, parehong may umaalis at dumarating.”

    • Hello Eli.

      Iyong nasabi mo tungkol sa airport at hospital…parang magkaiba sa akin. Kasi sa hospital minsan hindi na nagkakaron ng pagkakataon na makalabas…madalas ay doon na natatapos. Sa airport palaging may arrival at departure…at may arrival muli.

      Maraming salamat sa pagbisita. God Bless Eli!

  3. Talagang may dalawang mukha ang airport. Ngunit para sa OFW, madalas ang mukha ay lungkot. Ang airport ang lugar kung saan ang mga pamilya at mahal sa buhay ay pinaghihiwalay at inaagaw mula sa ating piling.

    Pero tama ka, sa Airport may pag-asang dumating muli ang umaalis.

    • Salamat Doc PT sa pagbisita.

      Tunay ang iyong sinabi tungkol sa mga OFW. At naniniwala ako na sila ang makapagsasabi ng tunay na nararamdaman kapag sila ay dumadaan sa isang airport.

      Buti na nga lang at may arrival din sa airport di lang puro departure…buti na lang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s