Memories of 2012

Waiting for my doctor.

Image

Old but reliable.

Image

Please fall in line.

Image

Waiting at SFO airport.

Image

Hanging bridge.

Image

Please park here.

SDC11052

“Memories are what warm you up from the inside. But they’re also what tear you apart.” ― Haruki Murakami

– – – – – – – – – – – – –

Bilang pag-alaala sa isang kaibigan sa blogosperyo na si Taribong na pumanaw noong November 24, 2012. 

Mga Piling Tula ni Taribong(Gerald Soriano).

Advertisements

Usapang Lampin

Sa english ang lampin ay ‘diaper’.

Para sa akin ay dalawa ang klase ng lampin. Ang nagagamit muli(tela ito at puwedeng labahan) at iyong itinatapon na pagkatapos gamitin(disposable).

Malamang sa mga makabagong mga pamilya ngayon sa kahit anong sulok ng daigdig ay namulat na sila sa mga lampin na minsanan lamang ang gamit.

Sa aming pamilya lahat kaming magkakapatid ay ginamitan ng nagagamit muling lampin. At doon sa mga nakakaalala nito ay gawa ang kadalasan ang mga ito na mula sa supot ng harina. Kaya naaalala ko noon na bumibili kami noon sa mga panaderya ng supot ng harina upang tahiin ito at gamiting lampin ng aking bagong panganak na kapatid.

Noong ako na ang nagpamilya ay namana ko pa ang mga lampin na ginamit namin. Halos hindi pa sikat noon ang ‘disposable diaper’ at kung mayroon man ay ito ay nabibili ng may kamahalan noon. Kaya tuloy-tuloy lamang ang istorya ng nalalabhang lampin sa aking mga anak.

Dahil sa Maynila kami nakatira noon ay nakakabili pa kami ng tela o supot ng harina sa Divisorya. Kuwadrado ang putol nito at tinatahi na lamang ang paligid. Kailangan na may karamihan din ang lampin upang hindi maubusan lalo kung panahon ng tag-ulan na kung saan mahirap matuyo agad ang nilabahang lampin.

Pagkatapos malabahan ang lampin ay ang katapat lang nito ay sampayan sa likod ng bahay at mga sipit. Pagkatuyo ay konting plantsa lamang ay handa na muling gamitin.

Ang mahirap na parte.

Para sa akin ang mahirap na parte para sa paglalagay ng lampin sa bagong panganak ay ang paggamit ng dalawang perdible upang hindi mahubo ang telang lampin. Hindi baleng matusok ka sa daliri at huwag lang ang baby.

Pero lumaon ay naging mabilis na ang mga ito ng lumabas ang ‘diaper clip'(katulad ng nasa larawan sa itaas). Kaya kahit nakapikit ang isang mata sa gabi ay nakakapagpalit ng lampin sa baby.

Bakit ko naalala ang lampin?

– Medyo napag-uusapan ito patungkol sa epekto sa kalikasan kasi hindi kaagad nabubulok ang mga ‘disposable diaper’ at hindi ito nagiging mabuti sa kalikasan. Tumatambak ito sa mga pinagtatapunan nang basura o mga ‘landfill’. Nakatulong pala ako noon sa kalikasan dahil hindi kami gumamit ng ‘disposable diaper’.

– Naging isyu din ang ‘disposable diaper’ sa Amerika kasi napansin ng mga gumagawa ng ‘disposable diaper’ na humihina ang kanilang kita dahil pakonti ng pakonti ang nag-aanak sa Amerika o napansin ng mga awtoridad na tinitipid ng mga magulang ang pagpapalit ng ‘disposable diaper’ sa mga anak na tingin nila ay puwedeng makaapekto sa kalusugan ng bata. Pero naisip ko sa isyu na ito na baka naman gumagamit na rin sila ng supot ng harina o tela para gawing lampin(nabasa ko ito minsan na mayroon ngang mga tao o grupo na hindi gumagamit ng mga ‘disposable diaper’…ang mga ‘environmentalist’).

Salamat sa supot ng harina.

Salamat.

Hindi pala natatapos ang iyong buhay bilang isang supot ng harina ngunit nagiging isang mahalagang parte ka rin sa buhay ng pagpapalaki ng isang bagong panganak…bilang isang lampin.

At tunay na nakakatulong ka pa sa kalikasan.

Bow….Ang Lampin Mula sa Supot ng Harina.

Ang Kalye ng Powell

Ang aking kuwento at mga litrato ay nagmula sa isang kahilingan ng isang kaibigang nagngangalang Taribong.

Dahil madalas akong namamasyal sa San Francisco City, California ay nahiling ni Taribong na kung maaari ay maipakita ko naman daw ang lugar na Powell Street sa siyudad na ito.

Dito daw kasi nagsimula at ipinangalan ang isang librong naisulat patungkol sa mga beteranong Filipino na sa kanilang katandaan ay nakipagsapalaran sa panibagong buhay sa Amerika upang makamit man lang ang mga ipinangakong mga benipisyo bago man lang sila bawian ng buhay. Mga benipisyong pangarap nilang maipamahagi sana sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.

Ang pinaikling kuwento ng libro ay mababasa dito.

Ilang araw din akong nagawi sa lugar ng Powell noong isang linggo pero hindi ko na napansin ang mga beterano ng Powell. Wala na rin ang mga tabi-tabing mesa na kadalasan ay may mga chessboards at may mga Pinoy na naglalaro ng chess. Dati ko na rin napapansin noong araw ang mga matatandang Pinoy naka-istambay at nagkukuwentuhan pero wala na rin sila.

Maraming tanong sa aking isipan sa ngayon na kung nasaan na kaya sila?

Ang sabi sa libro ay dahil sa katandaan ng mga beterano ay namatay na daw ang ilan sa kanila.

Naisip ko rin na siguro natanggap na nang mga beterano ang mga benepisyo nilang hinihintay kaya muli na silang bumalik sa Pilipinas.

Nais ko pa naman makunan ng litrato ang mga beterano, ang mga bayani ng giyera, pero wala na sila kaya’t pinagpatuloy ko na lamang ang pagkuha ng litrato sa paligid ng Powell Street.


Continue reading

Minsan ko silang pinangarap at nakapiling

Naging parte sila ng aking kabataan.

Isang kaligayahan sa aking puso at isipan dahil nagkaroon ako ng pagkakataon na makapiling ko sila.

Sikat na sikat sila noong araw…pinagkakaguluhan…at pinag-iipunan ng salapi makapiling lamang.

Ngunit sa pagdaan ng panahon ay nakalimutan na sila. Madalas ay makikita ko na lamang sila sa tabi-tabi na lamang, napabayaan na. Busabos na at nasa basurahan kadalasan. Hindi na sila pinapansin ngayon.

Hindi ko nasabi sa kanila ang aking pagmamahal dahil minsan sa aking buhay ay nakapagbigay ng hindi maipaliwanag sila ng kaligayahan.

Sila lamang ang aking naging isang bisyo na tunay kong minahal at hanggang ngayon ay di makalimutan.

Kaya naririto ako muli upang sariwain ang aking nakaraan sa piling nila.

Naalala ko pa ang lahat na nagsimula sa pasilip-silip lamang sa eskaparate sa kalye ng Raon, sa Sta. Cruz Manila. Maingay ang mga tindahan dito at parang nanawag na bilhin mo na ako. Sa kalye Raon lamang noon mabibili ang mga ganitong bagay sa Maynila. Sapatos pa lamang ang paninda ng ShoeMart noong una akong nagawi sa kalye ng Raon.

Pabalik-balik bawat araw habang binibilang sa isipan kung kakasya na ang naipon na pera.

Maaring hindi na ninyo sila nakita o nakilala man lamang kaya andito ako na muling binubuhay sila sa aking isipan upang ipakilala sila isa-isa dahil maaring minsan ay pinangarap at dumaan din sila sa inyong buhay.

Continue reading

Si Jorge…isang refugee

                                                 tripod.com

Habang naghihintay sa Postal Office kanina ay may kumausap sa akin. Nagpakilala siya at si Jorge nga siya isang  Vietnamese refugee noong dekada sitenta na sa pagtakas nila sa kanilang magulong bansa noong panahon na iyon ay napadpad sa Pilipinas.

Noong una siyang nagkukwento at di pa sinasabi kung bakit siya nakapunta sa Pilipinas at doon nga daw siya nanirahan sa magandang isla ng Palawan. Tinanong ko kung parte ng trabaho ang pagtigil niya sa Palawan? At dito na nga niya sinabi na isa siyang ‘boat people’ (paliwanag from wikipedia) na nagmula sa Vietnam. At doon nga siya napatira sa ‘refugee camp’ sa Palawan. Dumating siya sa Palawan ng 1979. Doon siya naghintay na ma-process ang papeles at tumawid siya ng Amerika ng 1981.

Sa panahon ngayon sa Pilipinas ay maaring di na ito alam ng mga kabataan na nangyari ito.  Ang alam ko lang na ‘refugee camp’ sa Pilipinas noon ay sa Bataan. Sa refugee camp’ iniipon ang lahat ng mga galing sa Vietnam at Laos. Dito sila inaasikaso ng gobyerno at ng United Nations. At kay Jorge ko na lamang nalaman ngayon na mayroon na ‘refugee camp’ pala sa Palawan.

Ang dami-dami namin na pira-pirasong istorya na napagusapan….

Ang sabi ni Jorge ay kayganda ng Palawan. At alam niya na napakaraming isla sa Pilipinas.

Galit siya sa isyu ng Spratly island na kung saan ay may nakikialam na ibang bansa. Ang bansa man niya ay inagawan daw ng dalawang isla ng mga Intsik.

Nabanggit niya ang salitang ‘freedom’…ang kalayaan. Kaya nga daw sila tumakas sa kanilang bansa dahil sa paghahanap ng kalayaan. Kaya daw na kahit anong hirap ay kanilang ginawa upang makamtan lamang ang kalayaan.

Sabi niya ay babalik ulit siya sa Vietnam upang dun manirahan pagkatapos ng kanyang obligasyon sa kanyang anak sa Amerika. Iba pa rin daw talaga ang buhay sa sariling bansa.

Tinanong niya ako kung balak ko rin na bumalik at manirahan sa Pilipinas. Oo ang sagot ko at katulad rin niya ay sabi ko tatapusin ko rin lang ang aking pag-aasikaso sa aking mga anak.

At nang umuwi na ako ay napaisip ako at nagpasalamat sa Diyos. Pareho kaming nakarating sa Amerika mula sa Pilipinas ngunit sobrang hirap ng kanyang dinaanan…isang ‘boat people’…isang ‘refugee’…

 

“The secret of happiness is freedom. The secret of freedom is courage.” –Thucydides


Our greatest happiness does not depend on the condition of life in which chance has placed us, but is always the result of a good conscience, good health, occupation, and freedom in all just pursuits. 

–Thomas Jefferso
n

5 Years Single and Counting…NaTay pa rin

Naalala ko pa ang pag-uusap naming mag-asawa…two months before she died.

Malakas pa siya nuon pero yung pasok at labas namin sa hospital ay dumadalas na.

Minsan kaming nasa bahay at masayang nagkukuwentuhan. Tinanong niya akong bigla…sa unang pagkakataon:

Mag-aasawa ka pa ba?

Ang sagot ko sa kanya ay:

Teka ano ba yang tanong na yan. Basta gusto ko ay harapin lang natin ang bawat araw at gawin ang nararapat sa bawat araw….at yun lang ang nasa isip ko ngayon.

Ang sabi niya sa akin:

Kilala kita. Mahihirapan ka kapag wala kang kasama.

Dito na natapos ang aming pag-uusap sa topic na iyon.

Pumasok sa isip ko na lang na talagang kilala niya akong buong-buo ng aking pagkatao. Alam niya na masaya at kailangan ko ng laging kasama. Simula’t simula ay lagi kaming magkasama sa lahat ng bagay kung may pagkakataon. Sobrang balanse ang aming pagsasama…bilang Ina marami siyang bagay-bagay na ginagawa at kaalaman sa gawaing bahay. At ako naman ay tamang-tama lang sa aking pag-suporta at ginampanan bilang isang Ama ng tahanan.

At nakita ko rin ang kahandaan ng aking mahal na asawa sa puwedeng mangyari sa kanyang buhay. Alam niya na ayokong pag-usapan ang mga bagay-bagay lalo na ang tungkol sa kamatayan…sobrang lakas ng aking pananampalataya na malalampasan namin ang pagsubok na iyon. Pero ang kinausap niya ay ang aming mga anak. Sa kanila siya nagbilin kung sakaling mawawala siya. Hanggang sa huling mga linggo at araw ay naging Ina siya upang maging maayos ang lahat ng bagay sa aming pamilya at bahay bago siya tuluyang lumisan. Pagkatapos na kanyang kamatayan ko nalaman na dun sa pangalawa naming anak ibinilin ang damit niyang isusuot sa kanyang burol. Ang mga papeles naman ay pinagbilin sa aming panganay lalo na yung memorial plan na kanyang hinulugan.

Mag-aasawa pa ba ako?

Talagang million dollar question ito sa akin.

Kadalasan sa aming probinsya ang nangyayari daw ay di pa nagbabang luksa ay nag-aasawa na ang nababalo. Ang akala ko ay mangyayari rin ito sa akin. Pero bumilang na ang mga taon ay naito pa rin ako….single pa rin.

Naisip ko lamang sa ngayon na siguro ay na-focus ako sa pag-aalaga at pag-aasikaso sa aking mga anak. Nung unang taon naman(hanggang bago umalis) sa Pilipinas ay nagkaroon ako ng kaabalahan sa aming simbahan at community.

Hindi naman sarado ang aking isipan at puso sa katanungan na iyan.

Sa ngayon ay lagi kong dalangin na wag akong pabayaan ng Panginoong Diyos. At dahil sa pananalig na ito…kaya ko pala ang buhay na ito at maging masaya…na sa ngayon ay isang NaTay sa aking pamilya.

Magiging double pa kaya ako?

Five Decades and Counting

Sa sunod-sunod na ‘random things’ na aking nabasa mula sa mga kaibigan dito sa blogosperyo. Siguro ito na rin ang pinakamagandang panimula ng aking 2010.

Isang pasasalamat ito dahil ako ay inyong tinanggap dito bilang isang kaibigan sa blogosperyo. Sa ngayon ay kayong mga nakilala sa blogosperyo ang aking mga bagong kaibigan.

At nais ko rin maibahagi sa inyo ang aking simpleng buhay at nawa’y patuloy akong makapagbigay ng ‘in my own little way’ na kaalaman sa aking tinahak na buhay dito sa mundong ito sa loob ng limang dekada.

1. Apat na taon bago pumasok ang dekada sisenta ng ako’y ipinanganak. Barbero at Titser ang aking mga magulang. Panganay sa apat na magkakapatid. Lahat kami ay lalaki.

2. Akala ko may Santa Klaus talaga…nung grade five na ako…Pasko…nakita ko kung sino ang naglagay ng regalo.

3. Sa isang public school nag-aral nung elemetarya. Laging kasali sa ‘Folk Dance’ at Maikling Drama tuwing may programa.

4. Tuwing bakasyon sa eskuwela…laging nagpi-piknik sa ilog, naglako ng tinapay sa bayan, at nag-aral ng piyano.

5. Nung haiskul ay sa isang Ateneo sa Laguna naka-pasok. Iskolar lang kaya nakapasok. Dugo at pawis ang inabot para maka-graduate. Dito na nahilig sa musika ng dekada sisenta at sitenta at medyo umaaligid na sa mga dalaga. Nahilig din sa basketbol at konting disco party. Nangunguha ako ng kaning-baboy para sa aming mga alagang baboy.

6. Dekada Sitenta ng lumuwas ng Maynila para magkolehiyo. Kumuha ng engineering(ECE)…1978  nung natapos. Pero nakapasa sa Electrical Engineering(EE) na board exam. May mga kababayang barkada nung panahon na ito pero di naman ako nagpabaya sa pag-aaral.

7. Nagsimulang mag-trabaho nung 1977 bilang isang ‘working student’. Ayun tuloy-tuloy na ang trabaho pagka-graduate ng college.

8. Nagka-girlfriend ng taong 1975…after 7 long years ay nagpakasal na kami. Tumira sa isang apartment ng 7 years sa Sampaloc. Lumipat sa sariling bahay ng 1988 sa Quezon City. Bago lumipat ay tatlo na ang aming anak.

9. Dekada Otsenta ay kasagsagan ng trabaho. Pinagbuti ang trabaho para sa pamilya at mga anak. Naging patakaran naming mag-asawa na di ipaparanas sa mga anak ang mga hirap na dinanas nung bata pa kami. Napag-sikapan na maipasok silang lahat sa private school at mapag-kolehiyo sa gusto nilang kurso.

10. Di ako puwedeng walang musikang naririnig. Kahit anong musika ay puwede sa akin…classical, latin, jazz, bossa nova, disco of the 70′ & 80’s, Praise & Worship songs, 60’s, 70’s, 80′, OPM…  Mahilig din akong manuod ng mga movies…action, comedy, love story and mga concerts sa dvd…puwedeng rin na live concerts.

11. Naging member ako ng isang banda sa opisina simula dekada nobenta hanggang 2007…sa keyboard ako. Tumutugtog kami tuwing may okasyon sa opisina lalo na kung Christmas party.

12. Dekada nobenta(1991) ng unang nakarating sa ibang bansa…Vienna, Austria at San Francisco, USA.

13. Dekada nobenta(1994) ng unang tinawag para iwanan ang lumang buhay…iniwan lahat ng bisyo. Tinawag kaming mag-asawa upang magsilbi sa simbahan. Napasama kami sa isang Chrismatic Community at tuloy-tuloy na iyon ng mga activities namin para sa community at sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.

14. Na-diagnosed na may ovarian cancer ang Misis ko nung March 2002. After almost three years of caring and continued medications…tinawag na siya pauwi ni Lord…binigyan siya ng complete healing….no more pain…peacefully she joined her creator nung September 29, 2004. I continued to serve & be faithfull kay Lord.

Matapang na hinarap ang kanser(April 2002).

Magpapakalbo din sana ako pero ayaw pumayag ni Misis.

15. Taong 2003 ay nakapagpa-graduate kami nung panganay namin sa UST. And after two years ay yung pangalawa naman sa FEU as a Med Tech. Yung bunso ay nasa UST bago nag-transfer dito sa US ng pag-aaral niya.

16. Mahilig mag-kutingting ng mga electronics at electrical na bagay-bagay. Simula nung nagtrabaho ay communication at computer equipments ang mini-maintain.

17. Nagawi sa blogosperyo nung July 2009…ayun hanggang ngayon na. Wala akong Facebook. Basketball pa rin ang hilig na laro. May koleksyon ako ng vinyl records. Reading glass pa lang ang ginagamit. Di na mahilig manuod ng TV programs…’time is gold’…mas gusto kong magbasa ng books, i-enjoy ang nature at maka-usap ang mga mahal sa buhay.

18. Di ako mahilig manuod ng mga talk shows, noontime shows at mga drama nung nasa Pilipinas pa…dahil siguro madalas ako sa opisina at gabi na kung umuwi dahil hinihintay ko si Misis sa pag-uwi mula sa kanyang opisina.

19. Di ako nahilig na magsugal…di nagsigarilyo…di nagpapakalasing kasi lagi akong nagda-drive nuon pauwi sa bahay. Natutong pag-ingatan ang kalusugan lalo na nung nagkasakit ang aking Misis.

20. Ang dami kong kaibigan simula pagkabata…wala akong naka-away…di ako napasama sa mga kaguluhan o suntukan…siguro nakabalya at nakatulak sa basketbol nung bata pa. Dito ko nakita ang pagkakaroon ng maganda at mabuting pakikisama sa loob at labas ng opisina…kahit mababa ang posisyon ko nuon sa opisina ay tinatawag nila akong ‘Sir’…kahit  CEO at mga VP ay tinatawag nila akong ‘Sir’…isa ito sa mga di ko makakalimutan sa aking huling trabaho sa Pilipinas.

21. Taong 1995 hanggang 2007 ay naging Lay Minister & Music Ministry sa Misa, Prayer Leader minsan sa mga Prayer Meeting, at uma-attend ng Bible Study sa kapit-bahayan. Madalas akong maging guest speaker sa mga Prayer meeting lalo na nung dumadaan ako sa pagsubok sa buhay.

22. Kaligayahan ko ngayon ang pagsilbihan ang aking mga anak…dahil ito ang ipinangako ko sa aking asawa ilang minuto bago niya kami iniwan…Tandang-tanda ko pa ang mga huling sinabi sa kanya:

—-“Sige na…umuwi ka na kay Lord…ako na ang bahala sa mga bata.”

Isang mga salitang napakahirap bitawan ngunit aking nagawa dahil mahal ko ang aking asawa…ayoko na siyang maghirap…at nagtiwala ako sa Diyos na siya na ang bahala sa aking asawa at sa amin.

Mommy’s Last Birthday (Nov. 2003)

23. Taong 2007 ay lumabas ang aming US immigrant petition…Nag-asikaso sa Manila US Embassy…dumating ng 2008 sa Amerika.

24. Kung may gusto pa kayong malaman sa buhay ko…ikaliligaya ko na batuhin ninyo ako ng tanong para maipapakilala ko pa ang sarili ko sa inyo….na aking mga kaibigan sa blogosperyo.

Marami Pong Salamat.