2011 in review

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2011 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

The concert hall at the Syndey Opera House holds 2,700 people. This blog was viewed about 13,000 times in 2011. If it were a concert at Sydney Opera House, it would take about 5 sold-out performances for that many people to see it.

—Maraming Salamat po sa inyong palagiang pagbisita sa Blog Ni Lolo…from Superlolongpinoy!

Happy New Year!!!

Click here to see the complete report.

Pinoy Blog…sa aking paningin

Pagkagising ko kaninang umaga ay may na-received ako sa email na basahin ko daw ang Pink Tarha Girls and then vote dahil kasali daw sa isang Blog Awards.

Hindi ko na napigil ang sarili sa pagbasa sa ilang mga blog entries at talagang napa-WOW! ako dahil sa galing ng mga sinulat nila para sa Pinoy Expat/OFW Blog Awards. Ang gaganda ng mga tema nila sa kani-kanilang blog sites.

Hindi ko napansin noong nasa Pilipinas pa ako na ganito na pala kalawak at ka-aktibo ang mga Pinoy sa pagsusulat ng blog. Lalo na ang mga OFWs. Ang trabaho ko noong nasa Pilipinas pa ako ay sa computer system , ngunit umiikot lang ito sa pag-maintain, paggawa ng reports, mag-research sa Internet para sa kailangan sa trabaho at siyempre ang mag-email.

Dumating ako at ng aking pamilya  sa US last year at dito na nanirahan. Ayun na nga ang nangyari…sa Internet na ako napa-istambay…wala na kasing barkada at istambayan dito. Naramdaman ko rin ang matinding lungkot…52 yirs ka ba namang tumira sa Pilipinas at pagkatapos ay lumipat dito sa bayan ni Uncle Sam.

Unti-unti kong napansin ang mga blogs. Ibat-ibang klase ang tema. May teknikal, ispiritwal, fashion, gardening, musika, cooking, automotive, travel, photography…oo nga lahat na talaga na puwedeng pag-usapan sa ibabaw ng mundo. Pero sa bandang huli ay nakalibangan ko ang mga blog na sinulat sa Tagalog at Taglish. Ang sarap kasing basahin na para bang may kausap ka at tagalog ang inyong kuwentuhan. Ang dami ring magagaling na Pinoy na sumusulat sa Inglis…talaga namang nakaka-inspire na sana makapagsulat din ng katulad nila.

Teka…ang tanong bakit nga ba maraming sumusulat ng blog lalo na ang mga Pinoy…at lalo na ang mga OFWs at Expats?

Eto ang maramil ang simpleng kasagutan mula sa isang entry sa Pinoy Expat/OFW Blog Awards na sinulat ni  Dungeon Lord

Nung una, Oo…Inaamin ko para sa akin lang to kaya ako sumusulat…Pero dumating ung panahong makakabasa ka ng kumento na galing sa isang blogero na natutulungan mo na pala sya dahil lang sa pagbabasa ng mga artikulong gawa ko, natutulungan ko na sya dahil sa mga kumento at payo sa kanyang gawang artikulo…Hindi ko inisip na makatulong ng dahil sa pagsusulat, pero eto ngayon at mayroong mga taong sumusubaybay at naghihintay ng isusunod kong isusulat.

Simulan nun, nagpursige akong magsulat…di lang para sa akin, hindi lang para mawala ang homesick, at hindi lang para may mapaglibangan…nagsusulat ako ngayon dahil may mga taong naghihintay ng isusulat ko, na sa kahit kaunting paraan matulungan sila sa bigat na nadarama nila. Na sa kahit kaunting payo na dumarampi sa kanilang puso ay nakakaginhawa sa kung ano mang problemang dinaramdam nila…

Nagsimula ang lahat dahil napalayo ako sa pamilya ko, dahil na-homesick ako, dahil kelangan kong gawin to para di ako panghinaan ng loob at ituloy ang takbo ng buhay na malayo sa pamilya…Para sa akin to, pero ang pinakamahalaga para sa pamilya ko…Yun ang buong akala ko, hindi ko akalaing may ibang tao pa pala akong matutulungan dahil sa pagsusulat, meron palang mga taong nagbabago ang pananaw sa buhay ng dahil lang sa mga nababasa nilang artikulo, may mga tao pala akong napapasaya sa bawat kwento ng buhay ko dito sa Palau…at higit sa lahat ay yung natutulungan mo silang makalimutan kahit saglit ang kanilang dinaramdam ng sa gayon ma-realize nilang kelangan palang ituloy ang buhay dahil hindi lang iisa ang emosyon na ating nararamdaman…at hindi iikot ang buhay ng isang tao sa kalungkutan lamang…

Eksakto rin po ito sa aking naramdaman nuon kaya andito na rin ako nagsusulat ng aking blog. Mula sa puso kung sumulat ang mga Pinoy. Kapamilyang-kapamilya kung magbigay ng komento. Ganyan ang tunay na Pinoy.

Maaring kung nasa Pilipinas ka ay di mo maisipan ang gumawa ng blog dahil para bang kulang pa ang oras sa iyong gawain at aktibidades sa trabaho, pamilya, kamag-anak,  kaibigan at kabarkada. At ito na siguro ang nangyari sa akin nuong nasa Pilipinas pa ako…masaya ako sa aking iniikutang mundo. Live na live ang kasayahan at kuwentuhan.

Kaya ayun dahil wala na ang mga istambayan, kaibigan at barkada. Dito na rin ako nakakuha ng mga kaistoryahan.

Maaring iba pa rin ang feeling ng andyan lang sa harap mo ang kausap pero ito na nga siguro ang tulong at nagagawa ng bagong teknolohiya…ang isang paraan na kung saan ang isang Pinoy ay nakakuha ng kaligayahan mula sa kalungkutan sa pagkakalayo sa mga mga mahal sa buhay at kaibigan.

Sa mga Pinoy Expats and OFWs saludo po ako sa inyong lahat!

Note:

Sa mga gustong magbasa ng mga entries  please go to this site:

http://pinoyblogawards.blogspot.com/

Na in-luv na yata talaga ako

Ilang araw pa lang ako dito sa pag-blog sa wordpress ay mukhang na in-luv na ako.

Para palang barberya ito…barbero kasi ang Tatay ko at may barberya siyang sarili sa gilid ng bahay namin sa probinsya.

Makiki-upo ka lang duon sa mga nagkukuwentuhan sa barberya ay samo’t sari na mga usapan ang maririnig mo…pangkaraniwang kuwentuhan ng matanda ay yung mga namatay at pangkasalukuyang nakaburol, yung medyo mahilig sa sports ay siyempre kuwentong Jaworski at Reynoso(hehe ganyan talaga ang tono sa amin), yung medyo kabataan ng konti ay tungkol naman sa inuman at bugbugan nangyari, madalas din ang pulitikahan, siyempre may mga makabuluhang kuwento rin, ay naku everything under the sun talaga ang mga topic sa barberya…para kang nag search sa Internet…lahat ng balita at chizmiz ay mahahagilap mo.

Kaya ayun siguro ito na ang aking istambayan ngayon ang mga blog sa wordpress…nakaka-aliw…nakakalibang…masaya…parang barberya.

Patambay ha!

Bakit ako sumulat ng blog?(Why write a blog?)

Noong isang taon pa ako nagmumuni-muni kung paano ako gagawa ng sarili kong blog. Sabi ko di naman ako writer katulad ng iba pero ngayon pagtapos ng isang taon medyo seryoso na ako.

Marami akong tanong kung papaano ko sisimulan itong blog pero naisip ko…siguro ito na ang paraan ko para maisulat at maikuwento kung ano nga ba ang buhay ko noon, ng aming pamilya, buhay ngayon, at mga pangarap. Ito na ang paraan para naman sa susunod na generasyon ng aming pamilya at patuloy na mababasa ang kuwento ng aming buhay. Maaaring darating ang panahon na wala na ako para sagutin ang mga tanong ng aking magiging apo…at magiging anak pa ng aking apo…ito na ang paraan.

Lakas loob ko ng susubukan ang magbigay ng makabuluhang kuwento ng aking buhay. Ito na  siguro ang isang napakagandang paraan ng pasasalamat sa Diyos sa kanyang mgaa biyayang ipinagkaloob sa akin. Na hanggang ngayon ay natatamasa ko pa. Maaaring dumating ang taon na hindi ko na magagawa ang magsulat ay ito na ang tamang panahon.

Salamat nga sa makabagong teknolohiya na ito at may paraan para maisakatuparan itong pangarap na makapagkuwento ng buhay-buhay. Na sana nga ay kahit papaano ay makapagbigay ng aral at saya sa mga makababasa.

Siguro lang naman kung namuhay ako ng maayos ay hindi naman ito nakakahiyang ikuwento…dahil lagi kong naaalala ang ang sinasabi noon sa aming charismatic community na puwede rin tayo sumulat ng katulad ng isang “Gospel according to  St. John, Mark, Luke, atbp.” Kaya puwede kong sabihin na “Gospel” ito ng aking buhay.

Maaring hindi naman ito maiihantulad sa isang “gospel story” pero iikot ito sa magandang istorya ng aking buhay na punong-puno ng pagmamahal.