Doon Po Sa Amin

Isang Guest Post po ito mula sa isang kaibigang blogger nang dating blog na Doon Po Sa Amin.–Superlolo

– – – – – – – – – – – – – –

Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit

sinulat ni Doon Po Sa Amin

Sa ibang bansa, mayroon daw tradisyong kapag nagsilang ng sanggol na lalaki ang isang ina, ang kanyang asawa ay namamahagi ng tabako sa mga kalalakihang dumarating. Iyon daw ay bilang pasasalamat sa pagtugon ng kapalaran sa hiling – ang magkaanak ng lalaki. Iyon din daw ang paraan para ibahagi ang tuwang nararamdaman ng isang lalaki, ng isang tatay.

Kumbaga, may isang (o, isa na namang) pangyayari sa kanyang buhay na hindi maaaring sarilinin nya lamang kundi nararapat na ihanap nya ng karamay sa iba – sa mga taong nakapaligid sa kanya. Sa mga taong dumaan din 0 daraan din sa ganoong sitwasyon sa buhay, mabuting ihayag ang sigla at tuwang sa oras na iyon ay pumupuno at umaapaw pa, sa dibdib ng isang magulang.

Dito sa atin sa Pilipinas,  ang pista ang isa sa maituturing na okasyong may kaparehong layunin. Ang pista raw sa orihinal na pinagmulan nito ay isang pagdiriwang para magpasalamat sa masaganang ani. Ito raw ay pagtitipun-tipon at pagsasalu-salo ng mga taong nakatira sa isang lugar para tumanaw ng utang na loob sa mga biyayang natatanggap.

Ang pagdiriwang ng pista ay isa ring pagsasabing kaya pa – kaya pang mamuhay ng magkakalapit-bahay ng maluwat at sama-sama – walang pag-iimbot at sama ng loob sa mga grasya at pagsubok na tinatamasa. Sama-sama silang magtatanim, sama-samang may aanihin at sama-sama ring kakain sa hapag bilang simbulo ng matiwasay na pakikipamuhay sa iisang pamayanan. Iyan daw ang original na concept o diwa ng pista sa atin.

Noong dumating na ang mga dayuhan sa bansa, itinuloy pa rin ang ganitong tradisyon pero meron na silang idinagdag. Ang pista ay nilagyan ng mga Kastila ng prosesyon ng mga santo na sinusundan ng mga tao.  May parada ang mga pari at mga taong nag-aabala sa simbahan. Pagkatapos ng processionmayroong misa at pagba-bendisyon o pagbabasbas.  Saka pa lamang maaaring dumulog ang mga tao sa hapag para sa salo-salo.

Dinagdagan man, pista pa rin ang itinawag sa okasyon.  Iyon nga lang, sa halip na pista para ipagdiwang ang masaganang ani ng mais o ng palay, nagi ang mga iyong pistang alay sa adopted saint ng lugar.  Kaya maraming lugar sa Pilipinas ngayon, mas kilala ang pista bilang pista ng San Rafael, Sta. Clara, San Jose, Sta. Inez at iba pa.

Pagdating naman dito sa atin ng mga Amerikano, nilagyan nila ng street parade ang pista. Sinamahan din nila ng banda at usherettes para makulay, maingay at masaya. Pinanatili pa rin nila ang pagparada ng mga tao pero nilagyan na ng mas maraming karosa o floats. At, hindi na lang mga santo ang sakay ng mga iyon.

Kumbaga, nagkaroon na ng multiple themes ang parada sa pista. Maaari nang ang laman ng float ay mga debutanteng pari, bagitong politiko at kanyang mapapangasawa, bagong breed o variety ng halamang ipinakikilala ng munisipyo sa madla at siyempre, hindi pa rin nawawala ang icons ng mga santo. Samu’t sari na ngayon ang maaaring iparada sa mga pista. Basta huwag lang kakalimutang magpalista ng maaga para naman maiayos sa pila at di magkakagulo.

Sa pagdaan ng mga taon, sinasabing lumabnaw na ng lumabnaw ang essence ng pista bilang isang community celebration for the blessings received.  Dati, ang pista natin ay maaaring sabihing equivalent  sa Thanksgiving Day ng mga Amerikano. Pero sa ngayon, mas natatandaan na lang yata ang pista dahil sa trappings nito – malaki ba ang handa, sinu-sinong importanteng tao ang bisita, may painom ba at hanggang saan ang layo ng mga sasakyang pumarada para ang sakay ay makapamista (para ito roon sa mga politiko at mga nuknukan ng yaman).

Nalimutan na raw ng marami kung para saan ba talaga ang pista, sabi. Anhin ko baga, kakaunti na rin ang mga lugar sa Pilipinas na marami pa ang inaani ng mga nagtatanim. Sabihin pa, papakaunti na rin mismo ang mga nagtatanim. Kaya nga, maski ako, guilty banda rito sa paglimot-limot. Ang natatandaan ko sa mga pista ay kung may salad ba o wala at kung kaninong bahay ang may pinakamasarap na leche flan o fruit salad. Ayon naman…

Kung tutuusin, ang essence ng pista ay hawig din sa sinasabing pakahulugan ng kasalan at binyag.  Ang kasalan daw ay idinadaos hindi lang para pormal na ihayag sa marami ang pag-iisang dibdib ng dalawang nagmamahalan kundi para maibahagi rin sa madla ang sayang nararamdaman ng bagong kasal. Kailangan ng mga saksi sa pagtatali ng dalawang puso, sabi.

Sa binyag naman, pormal na binabasbasan ang batang bagong silang at malugod siyang tinatanggap sa mundo ng mga Kristyano. May handa rin sa binyagan para ipaabot sa mga darating na ikinatutuwa ng pamilya ang pagkakaroon ng munti at bagong kasapi sa pananampalataya. Para sa mga magulang, isang milestone sa buhay ng kanilang supling ang pagbibinyag at dapat may ibang taong kasalo sa pagtahak nito, kumbaga.

Ipinagdiriwang daw ang mga nasabing okasyon – kasal at binyag-  para markahan ang araw, sabihing ang mga iyon ay importante sa mga taong sangkot at sa kanilang pamilya at gayundin, para kilalanin ng komunidad ang kahalagahan ng mga iyon. Pagkilala sa magagandang pangyayari sa buhay ng tao,  hindi lang sa antas ng individual, kundi at community level, wika ng tradisyon.

Ang libing naman, isang malungkot na okasyon, may kapareho din daw diwa at kahulugan sa atin. May pagtitipun-tipon at salo-salong kung ilang araw na ang tawag natin ay lamay. Ang lamay raw ay ginagawa para bigyan ng pagkakataong magpugay sa namatay ang mga dati niyang kasamahan, kaibigan at kakilala.  Sa okasyong ito, binibigyan ng pagkakataon ang komunidad na makidalamhati sa pamilya ng naiwan.

Ginagawa raw ang funeral rites para maipaabot  sa pangkalahatang madla  ang pagkasiphayo at pangingilin ng mga naiwan o bereaved members. Alalaon baga, ang taong pumanaw ay isang kabawasan sa komunidad, isang taong dating kinagigiliwan at naging mabuting kasamahan. At ngayong siya ay wala na, ang kanyang pagkato ay  kasasabikan at  patuloy na aalalahanin.

Naghahanda ang pamilyang namatayan at pinatutuloy ang mga dumarating para makiramay. Para bang sinasabi, “Ang lungkot na dala namin sa ngayon ay higit sa aming makakayanan. Samahan nyo kaming magnilay, umiyak at ihatid siya sa huling hantungan.” Higit sa pakape, mga korona ng bulaklak at abuloy, ang mga nabanggit ang essence ng lamayan at libing sa ating mga Pilipino (may karugtong).

Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit (ikalawang bahagi)

Sa paglakad ng panahon, pagpapalit ng mga henerasyon at sa patuloy na pag-iiba ng mga tradisyong kinamumulatan, tila nag-iiba na rin, kundi man kumukupas ang lugar ng community rites sa ating buhay. Tila baga hindi na sila source ng kagalakan o excitement, ng pagmamalaki o pride at ng pakikiisa sa kapwa o solidarity.

Animo sila’y routines na lang na kailangang pagdaanan o idaos, palabas na kailangang salihan at panoorin o, di kaya, hilig na kailangang sakyan o pagbigyan. Maghahanda dahil darating sina kumpare at alangan namang walang nakahain, iimbitahin sina ganito dahil dati’y inimbita rin tayo at, pupunta dahil dati ay pinuntahan tayo – nakakahiya naman.

Nasaan na ang sinasabing ipamahagi ang mga tuwa at sakit dahil ang mga iyon ay hindi kasya sa dibdib ng iisang tao lamang? Kailangang idamay at pasaluhin ang iba sa ating mga pinagdaraanan, kailangang iugnay sa iba pa ang ating mga personal na sentimyento para maging mas ganap, mas totoo.

Ang mga iyan ay nabibilang doon sa sinasabing social aspect of identification – pakikipag-ugnayan ng isang tao o individual sa mas marami. Paghahanap niya ng katernong damdamin sa ‘ika nga’y larger masssa lipunang kanyang kinabibilangan . Para saan? To affirm his identity.  Para raw kilalanin at damhin ng mas malalim ang kanyang pagkatao, ang kanyang pagiging tao. At iyan ay ihinahayag at isinasabuhay sa pamamagitan ng mga ritwal tulad ng pista, kasal, binyag at libing.

Mayroon pang isa – the personal aspect of identification – ang pakikipag-ugnayan ng isang tao sa isa pa para sa layunin ng pakikipag-barkada, pakikipag-kaibigan o pakikipag-relasyon.

Sa identification, ang parating sinasabi riyan ay ang pangangailangan ng isang taong pana-panahong maranasan ang karanasan ng iba pang nakapaligid sa kanya – to experience togetherness, to identify with the common and to hold the same as important, if not sacred. Iyon daw ang nagbubuklod sa atin bilang pamayanan at sa mas malaking antas, bilang isang bansa o nation.

Bilang mga mamamayan ng isang bansa, mayroon din tayong rites na regular na isinasagawa ng sama-sama at mayroon tayong mga simbulo na sinasabing siyang nagbubuklod sa atin. Ang halimbawa ng rites ay ang pagtataas at pagbababa ng watawat.  Ang watawat naman ang simbulo ng ating pagiging Pilipino, ng ating pagiging mamamayan ng bansang Pilipinas.  Ang paggalang sa watawat at ang pagtataguyod sa simulain ng pagkamakabansa ay isang bagay na inaasahan sa bawat kasapi ng nasyong Pilipino.

Isa pang halimbawa ay ang  mga bayani bilang simbulo ng nasyon, habang ang paggalang sa kanila ay siya namang rite. Paano itong huli? Bawal sunugin o sirain ang mga pera o currency ng bansa dahil naandoon ang larawan ng mga bayani. May kaparusahang nakalaan sa sinumang lalabag dito. Itinuturing na pagyurak sa simbulo ang pagsira sa salaping kumakatawan sa mamamayang Pilipino. Ganoon din ang patakarang sumasakop sa mga estatwa ng ating mga bayani na karaniwang matatagpuan sa mga parke.  Sa pinakapayak, ganyan maaring ilarawan ang observance of our people’s symbols and rites as a people.

Sa concept ng nation, nakapaloob doong ang bansa raw ng isang tao ay isang abstraktong entity na kaya niyang ma-imagine. A nation must be imagined by its members. Bilang ano? Bilang lagakan ng kanyang mga tuwa at maipagmamalaki, bilang sumbungan ng kanyang mga hinagpis at sakit at bilang tuntungan ng kanyang mga pakikibaka at hamon sa buhay.

Ang nasyon o bansa ay isang collective, abstract identity na ang magbibigay-buhay ay ang imahinasyon ng mga kasapi nito. Sa istriktong usapan, kung hindi kayang imagine-in ng isang tao ang bansang kanyang kinabibilangan, wala siyang bansa.

Sa pormal na pag-aaral ng concept ng nation, idinidiing hindi lamang ang pagkakaroon ng iisang teritoryo, ng iisang kinikilalang pamahalaan, ng iisa at shared na culture kundi maging ng shared history o kasaysayan ang mga mamamayan ng isang bansa para mabuklod ang isang nation or people. Kung maaari nga raw, mas maiging ang mga kasapi nito ay dumaan at makaranas ng gera – panloob man o panlabas. Sa gayon ay mas mahigpit na mabibigkis ang kanilang pagkakaisa o unity.

Sa ganoong paraan, maipupundar daw ang isang matibay na pundasyon ng isang grupo ng taong may iisang pinag-uugatan o primeval pastmay common struggles and triumphs para kaya nitong itsurahan ang isang common vision or future as a people. Kumbaga, sang-ayon dito, ang iyong nation o bansa ay ang bayang ayaw mong iwan, gusto mong uwian at siya mong pag-aalayan. Kasing-romantiko ito ng konsepto ng pag-ibig at pagpapamilya. A nation is your love, your home, where your heart is.

May isang indie film akong napanood sa cable tatlong linggo na ang nakakaraan. Sabi roon, hindi raw bansa ang Pilipinas at ang Filipino people daw ay hindi isang nasyon. E, ano tayo?  “We’re just a group of scattered tribes,” sabi.

Iyan daw ang paliwanag kung bakit laganap pa ang landlordism sa bansa, malala ang pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan at talamak ang corruption mula sa itaas ng pamahalaan hanggang sa ibaba. Kumbaga, parang sinasabi roon sa pelikulang ang identification natin, hindi pa lumalampas sa level ng kama-kamag-anak. Wala pang nation, drowing pa lang. Medyo napaisip ako roon…

Napapansin kong nitong mga huling taon, iba na rin nga ang hilig at practices ng mga Pinoy, lalo na para sa mga kababayang nakatira sa lungsod. Hindi na big deal, lalo na sa mga kabataan,  ang mga pista at lokal na pagtitipon. Hindi na sila roon pumupunta at nakikihalubilo para maramdaman ang pakikiisa at pakikipagkapwa. Tila baga pag gusto nilang maramdaman ang crowd o throng na sinasabi, sa malls, sa concerts at sa street parties na sila pumupunta. O, di kaya ay sa virtual na mundo – sa internet kung saan may online communities, hubs, fora and loops. 

Hindi ko sinasabing ang ganitong trend ay masama o mabuti. Anhin ko baga, ang dami naman ngang pagbabago sa demographics, sa density ng population,  sa technology of communication at sa pangkalahatang klase at tipo ng pamumuhay na available sa kasalukuyan. Malaki na nga naman ang pagkakaiba sa way of life natin  mula sa dating kinasanayan tungo rito sa bagong kinakabisa pa lamang. Tunay ngang marami na ang nabago sa ating modes of interaction at sa kung paano tayo umuugnay para ipadama ang ating mga sarili at para tayo rin ay maramdaman ng iba, ‘ika nga.

Sa kasalukuyang digital and global age na, sabi, karamihan daw sa mga karanasan natin bilang tao ay virtual na o papunta na roon – magiging virtual na –  sa malaking antas. Mahirap na raw i-pwesto ang direkta at hayag na pagdanas ng mga karanasan. Kung kaya, nauuso o pinauuso ang transference. Ang ibig sabihin nito ay pagsasalin o paglilipat. Papaano ito?

Ang malapit na halimbawa nito ay yaong pag nanonood tayo ng reality show. Kadalasan, lalo na kung tutok tayo sa pagsubaybay ng pinapanood, pakiramdam natin ay tayo ‘yong kalahok na kinakampihan natin sa palabas. Kumbaga, tayo ang tumatakbo sa laro, tayo ang gumagawa ng diskarte at maniobra sa laban at tayo rin ang natatalo o nagwawagi  sa patimpalak – kahit pa ang contestant naman talaga ang nakasalang at hindi tayo. Parang tayo na rin, maski hindi. At sa subject matter ng nationalism o pagkamakabansa, tila ganyan na rin yata ang ating tinatahak.

Kailan nga ba tayo huling nabigkis bilang mga mamamayan – noong nakatutok tayo sa panonood ng Ms. Universe beauty pageant o noong nanood tayo ng huling laban ni Manny Pacquiao? Bali-balita kasi, noong palabas ang mga iyan,  Filipino national spirit was at its highest. Daw. Sabi.

3 comments on “Doon Po Sa Amin

  1. […] Ang pamagat noon ay Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit, isang mahabang sanaysay na nag-guest post sa Blog ni Lolo noong Disyembre ng nakaraang taon. Pagkalabas nito, marami-rami raw ang ka-blogs na natakot sa […]

  2. […] ano na ang paniniwala ng lola nyo sa usapang pag-ibig nitong mga huling panahon… Panghuli, sa Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit, inilahad ang ugnayan ng pag-ibig at pagkamakabansa, ang koneksyon ng personal and social ties ng […]

  3. […] mga ka-blogs na mas bata pang di hamak kesa sa akin, di nga… Noong nag-guest post ang DPSA kay Superlolo,  nag-usap kami sa email… Naikwento ko sa kanya ang ugnayan ng nasyunalismo at romantisismo […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s