Editor’s Note: Isang ‘guest post’ po ito mula kay Miss Susan,isang ka-blogger at kaibigan, ng Doon Po Sa Amin. Pansamantala pong inaayos ang Doon Po Sa Amin na blog. Umasa po kayo na masasagot ni Miss Susan ang lahat ng inyong komento.

Sa bawat salin ng henerasyon, naiiba ang kalinangan/ fcfinc.org
Sa paglakad ng panahon, pagpapalit ng mga henerasyon at sa patuloy na pag-iiba ng mga tradisyong kinamumulatan, tila nag-iiba na rin, kundi man kumukupas ang lugar ng community rites sa ating buhay. Tila baga hindi na sila source ng kagalakan o delight (kundiman excitement), ng pagmamalaki o pride at ng pakikiisa sa kapwa o solidarity.
Animo sila’y routines na lang na kailangang pagdaanan o iraos, palabas na kailangang salihan at panoorin o, di kaya, hilig na kailangang sakyan o pagbigyan. Maghahanda dahil darating sina kumpare at alangan namang walang nakahain, iimbitahin sina ganito dahil dati’y inimbita rin tayo at, pupunta dahil dati ay pinuntahan tayo – nakakahiya naman.
Nasaan na ang sinasabing ipamahagi ang mga tuwa at sakit dahil ang mga iyon ay hindi kasya sa dibdib ng iisang tao lamang? Kailangang idamay at pasaluhin ang iba sa ating mga pinagdaraanan, kailangang iugnay sa iba pa ang ating mga personal na sentimyento para maging mas ganap, mas totoo.

Sa pagdaan ng panahon, tila kumukupas din ang tradisyon/ lifestyleinphilippines.blogspot.com
Ang mga iyan ay nabibilang doon sa sinasabing social aspect of identification - pakikipag-ugnayan ng isang tao o individual sa mas marami. Paghahanap niya ng katernong damdamin sa ‘ika nga’y larger mass, sa lipunang kanyang kinabibilangan . Para saan? To affirm his identity. Para raw kilalanin at damhin ng mas malalim ang kanyang pagkatao, ang kanyang pagiging tao. At iyan ay ihinahayag at isinasabuhay sa pamamagitan ng mga ritwal tulad ng pista, kasal, binyag at libing.
Mayroon pang isa – the personal aspect of identification – ang pakikipag-ugnayan ng isang tao sa isa pa para sa layunin ng pakikipag-barkada, pakikipag-kaibigan o pakikipag-relasyon.
Sa identification, ang parating sinasabi riyan ay ang pangangailangan ng isang taong pana-panahong maranasan ang karanasan ng iba pang nakapaligid sa kanya – to experience togetherness, to identify with the common and to hold the same as important, if not sacred. Iyon daw ang nagbubuklod sa atin bilang pamayanan at sa mas malaking antas, bilang isang bansa o nation.

May ibig sabihin pa ba sa atin ang mga simbulo?/ wn.com
Bilang mga mamamayan ng isang bansa, mayroon din tayong rites na regular na isinasagawa ng sama-sama at mayroon tayong mga simbulo na sinasabing siyang nagbubuklod sa atin. Ang halimbawa ng rites ay ang pagtataas at pagbababa ng watawat. Ang watawat naman ang simbulo ng ating pagiging Pilipino, ng ating pagiging mamamayan ng bansang Pilipinas. Ang paggalang sa watawat at ang pagtataguyod sa simulain ng pagkamakabansa ay isang bagay na inaasahan sa bawat kasapi ng nasyong Pilipino.
Isa pang halimbawa ay ang mga bayani bilang simbulo ng nasyon, habang ang paggalang sa kanila ay siya namang rite. Paano itong huli? Bawal sunugin o sirain ang mga pera o currency ng bansa dahil naandoon ang larawan ng mga bayani. May kaparusahang nakalaan sa sinumang lalabag dito. Itinuturing na pagyurak sa simbulo ang pagsira sa salaping kumakatawan sa mamamayang Pilipino. Ganoon din ang patakarang sumasakop sa mga estatwa ng ating mga bayani na karaniwang matatagpuan sa mga parke. Sa pinakapayak, ganyan maaring ilarawan ang observance of our people’s symbols and rites as a people.

Kaya nga ba nating ma-imagine?/ jamalashley.ifastnet.com
Sa concept ng nation, nakapaloob doong ang bansa raw ng isang tao ay isang abstraktong entity na kaya niyang ma-imagine. A nation must be imagined by its members. Bilang ano? Bilang lagakan ng kanyang mga tuwa at maipagmamalaki, bilang sumbungan ng kanyang mga hinagpis at sakit at bilang tuntungan ng kanyang mga pakikibaka at hamon sa buhay.
Ang nasyon o bansa ay isang collective, abstract identity na ang magbibigay-buhay ay ang imahinasyon ng mga kasapi nito. Sa istriktong usapan, kung hindi kayang imagine-in ng isang tao ang bansang kanyang kinabibilangan, wala siyang bansa.
Sa pormal na pag-aaral ng concept ng nation, idinidiing hindi lamang ang pagkakaroon ng iisang teritoryo, ng iisang kinikilalang pamahalaan, ng iisa at shared na culture kundi maging ng shared history o kasaysayan ang mga mamamayan ng isang bansa para mabuklod ang isang nation or people. Kung maaari nga raw, mas maiging ang mga kasapi nito ay dumaan at makaranas ng gera – panloob man o panlabas. Sa gayon ay mas mahigpit na mabibigkis ang kanilang pagkakaisa o unity.

Kailan nga ba tayo huling nagsama-sama at nabigkis?/ filipinoscribbles.wordpress.com
Sa ganoong paraan, maipupundar daw ang isang matibay na pundasyon ng isang grupo ng taong may iisang pinag-uugatan o primeval past, may common struggles and triumphs para kaya nitong itsurahan ang isang common vision or future as a people. Kumbaga, sang-ayon dito, ang iyong nation o bansa ay ang bayang ayaw mong iwan, gusto mong uwian at siya mong pag-aalayan. Kasing-romantiko ito ng konsepto ng pag-ibig at pagpapamilya. A nation is your love, your home, where your heart is.
May isang indie film akong napanood sa cable isang buwan na ang nakakaraan. Sabi roon, hindi raw bansa ang Pilipinas at ang Filipino people daw ay hindi isang nasyon. E, ano tayo? ”We’re just a group of scattered tribes,” sabi.
Iyan daw ang paliwanag kung bakit laganap pa ang landlordism sa bansa, malala ang pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan at talamak ang corruption mula sa itaas ng pamahalaan hanggang sa ibaba. Kumbaga, parang sinasabi roon sa pelikulang ang identification natin, hindi pa lumalampas sa level ng kama-kamag-anak. Wala pang nation, drowing pa lang. Medyo napaisip ako roon…
Napapansin kong nitong mga huling taon, iba na rin nga ang hilig at practices ng mga Pinoy, lalo na para sa mga kababayang nakatira sa lungsod. Hindi na big deal, lalo na sa mga kabataan, ang mga pista at lokal na pagtitipon. Hindi na sila roon pumupunta at nakikihalubilo para maramdaman ang pakikiisa at pakikipagkapwa. Tila baga pag gusto nilang maramdaman ang crowd o throng na sinasabi – sa malls, sa concerts at sa street parties - na sila pumupunta. O, di kaya ay sa virtual na mundo – sa internet - kung saan may online communities, hubs, fora and loops.

Pakikipagtalastasan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makabagong plataporma/ gmaseven.blogspot.com
Hindi ko sinasabing ang ganitong trend ay masama o mabuti. Anhin ko baga, ang dami naman ngang pagbabago sa demographics, sa density ng population, sa technology of communication at sa pangkalahatang klase at tipo ng pamumuhay na available sa kasalukuyan. Malaki na nga naman ang pagkakaiba sa way of life natin mula sa dating kinasanayan tungo rito sa bagong kinakabisa pa lamang. Tunay ngang marami na ang nabago sa ating modes of interaction at sa kung paano tayo umuugnay para ipadama ang ating mga sarili at para tayo rin ay maramdaman ng iba, ‘ika nga.
Sa kasalukuyang digital and global age na, sabi, karamihan daw sa mga karanasan natin bilang tao ay virtual na o papunta na roon – magiging virtual na – sa malaking antas. Mahirap na raw i-pwesto ang direkta at hayag na pagdanas ng mga karanasan. Kung kaya, nauuso o pinauuso ang transference. Ang ibig sabihin nito ay pagsasalin o paglilipat. Papaano ito?

Isa siya sa mga kasapi ng makabagong henerasyon ng mga Pilipino/ sonyinsider.com
Ang malapit na halimbawa nito ay yaong pag nanonood tayo ng reality show. Kadalasan, lalo na kung tutok tayo sa pagsubaybay ng pinapanood, pakiramdam natin ay tayo ‘yong kalahok na kinakampihan natin sa palabas. Kumbaga, tayo ang tumatakbo sa laro, tayo ang gumagawa ng diskarte at maniobra sa laban at tayo rin ang natatalo o nagwawagi sa paligsahan – kahit pa ang contestant naman talaga ang nakasalang at hindi tayo. Parang tayo na rin, maski hindi. At sa subject matter ng nationalism o pagkamakabansa, tila ganyan na rin yata ang ating tinatahak.
Kailan nga ba tayo huling nabigkis bilang mga mamamayan – noong nakatutok tayo sa panonood ng Ms. Universe beauty pageant o noong nanood tayo ng huling laban ni Manny Pacquiao? Bali-balita kasi, noong palabas ang mga iyan, Filipino national spirit was at its highest. Daw. Sabi.